Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Sa pangalawang pagkakataon, pahayag ng Justice secretary sa hurisdiksyon ng ICC sa PH nangangailangan ng konteksto

Sa ika-136 na sesyon ng United Nations Human Rights Committee sa Geneva noong Oktubre 11, muling iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang posisyon ng gobyerno na ang International Criminal Court (ICC) ay “nawalan na ng hurisdiksyon” sa Pilipinas. Ito ay kulang sa konteksto.

By VERA Files

Oct 19, 2022

4-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Sa ika-136 na sesyon ng United Nations Human Rights Committee sa Geneva noong Oktubre 11, muling iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang posisyon ng gobyerno na ang International Criminal Court (ICC) ay “nawalan na ng hurisdiksyon” sa Pilipinas. Ito ay kulang sa konteksto.

PAHAYAG

Bilang pagtugon sa mga paratang ng extrajudicial killings sa kampanya laban sa droga ng gobyerno, sinabi ni Remulla sa komite ng UN, isang panel na may 18 miyembro na mga independiyenteng eksperto sa karapatang pantao, na hindi ito patakaran ng estado.

Idinagdag niya:

“Inuulit namin ang aming posisyon na ang ICC ay wala nang hurisdiksyon sa aming bansa. Dahil ang mas mahalaga ay gumagana ang aming sistemang panghukuman … Kaya hindi na kailangan pang manghimasok ang ICC sa loob ng bansa … Mula sa ICC, inalis na namin ang aming pagiging miyembro sa International Court of Justice (sic), ngunit ang aming sistemang panghukuman ay gumagana sa buong kapuluan ng Pilipinas.”

 

Pinagmulan: United Nations TV Geneva, 3920th Meeting, 136th Session, Human Rights Committee (CCPR), Oktubre 11, 2022, panoorin mula 17:45 hanggang 18:59

Pinangunahan ni Remulla ang delegasyon ng Pilipinas sa ika-3920 na pulong ng ika-136 na sesyon ng komite ng UN na nagsuri sa ikalimang periodic report ng gobyerno sa pagpapatupad ng International Covenant on Civil and Political Rights para sa 2012 hanggang 2017 sa bansa.

ANG KATOTOHANAN

Nakasaad sa Article 127, paragraph 2 ng Rome Statute, ang kasunduan na nagtatag ng ICC, na ang isang bansang nag-withdraw ay hindi natatanggalan ng mga obligasyon sa mga insidenteng naganap sa panahon ng pagiging miyembro nito. Ang Pilipinas ay sumang-ayon sa Rome Statute noong Nobyembre 2011, na nagbubuklod sa bansa sa mga probisyon ng kasunduan mula sa petsang iyon hanggang sa pag-alis nito na naging epektibo noong Marso 16, 2019.

Ito ay pinagtibay ng Korte Suprema noong Marso 2021 sa kasong Pangilinan v. Cayetano.

Sa bilang ng VERA Files Fact Check, ito ang pangalawang pagkakataon na hindi binanggit ni Remulla ang mahalagang konteksto sa paggigiit na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas. Sa pulong ng UN committee, mali rin ang sinabi niya na ang bansa ay kumalas sa International Court of Justice sa halip na sa ICC. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Komento ng Justice Secretary sa hurisdiksyon ng ICC nangangailangan ng konteksto)

Noong Setyembre 2021, pinahintulutan ng ICC Pre-Trial Chamber ang paglulunsad ng imbestigasyon sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na naganap sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, tulad ng pagkamatay umano ng 12,000 hanggang 30,000 pinaghihinalaang drug personalities mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019. Kasama sa imbestigasyon ang mga hinihinalang pagpatay sa Davao region ng tinaguriang vigilante group na “Davao Death Squad” mula Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016.

Gayunpaman, ito ay pansamantalang nasuspinde noong Nobyembre 2021 matapos hilingin ng gobyerno ng Pilipinas kay ICC Prosecutor Karim Khan na ipaubaya sa mga lokal na awtoridad ang usapin.

Noong Setyembre 22, hiniling ni Khan sa Pre-Trial Chamber na payagan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon dahil sa umano’y kabiguan ng gobyerno na “sapat na isalamin” ang pagsisiyasat ng ICC. (Tingnan ang PHL argument to defer drug war probe fails to convince ICC prosecutor)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

United Nations TV Geneva official website, 3920th Meeting, 136th Session, Human Rights Committee (CCPR), Oktubre 10, 2022

Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights official website, Membership of the UN Human Rights Committee, Na-access noong Oktubre 17, 2022

United Nations Documents official website, Fifth periodic report submitted by the Philippines under article 40 of the Covenant, due in 2016*, Na-access noong Oktubre 17, 2022

International Criminal Court official website, Rome Statute of the International Criminal Court, Na-access noong Oktubre 17, 2022

International Criminal Court official website, Republic of the Philippines, Na-access noong Oktubre 17, 2022

Supreme Court of the Philippines official website, G.R. No. 238875/G.R. No. 239483/G.R. No. 240954, Marso 16, 2021

International Criminal Court official website, Decision on the Prosecutor’s request for authorisation of an investigation pursuant to Article 15(3) of the Statute, Setyembre 15, 2021

International Criminal Court official website, Public Redacted Version of “Prosecution’s Response to the Philippine Government’s Observations on the Prosecution’s Request to Resume Investigations (ICC-01/21-51, filed 8 September 2022)”, Setyembre 22, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.