Mali ang anak ng pangulo at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagsasabing ang batas ay hindi inoobliga ang mga senador na maging matapat at magkaroon ng mabuting moralidad.
PAHAYAG
Sa isang pakikipanayam noong Marso 9, tinanong sa Ingles si Duterte-Carpio, tagapamahala ng kampanya ng Hugpong ng Pagbabago (HNP): “Sa pangkalahatan ma’am, sa palagay mo ba ang katapatan ay kinakailangan sa paglilingkod sa bayan?”
Ang sagot niya:
“Hindi naman ang iniisip ko ang importante eh. Ang importante is ano ‘yung required ng batas, ano ba sinabi ng batasfor a senator, ‘able to read and write, natural-born citizen.’ Does it say nadapatgood moral character ‘yung tao? Does it say that the person has to be honest? Kaya sinabi ko kung honesty ang pagbasehan natin, disqualified lahat ng kandidato
([A]no ba sinabi ng batas para sa isang senador, ‘nakapagbabasa at nakasusulat, natural-born citizen.’ Sinasabi ba nito na dapat may mabuting moralidad ‘yung tao? Sinasabi ba nito na dapat tapat ang tao? Kaya sinabi ko kung katapatan ang pagbasehan natin, walang karapatan (na tumakbo) ang lahat ng kandidato).”
Pinagmulan: Rappler.com, MISLEADING: Sara Duterte claims law doesn’t require that senators be honest, Marso 10, 2019, panoorin mula 0:01 hanggang 0:31
Sa isang naunang pahayag, ipinagtanggol ni Duterte-Carpio ang mga kandidato pagka-senador ng HNP na sina Imee Marcos at Christopher Lawrence “Bong” Go mula sa mga paratang ng kawalang-katapatan sa pagsasabing “hindi dapat maging isyu ang katapatan” sa darating na halalan dahil “lahat ng kandidato ay nagsisinungaling.”
Si Ilocos Norte Governor Marcos ay binabatikos dahil sa maling pahayag na nagtapos siya sa University of the Philippines at Princeton University. Ang dating presidential aide na si Go, sa kabilang banda, ay inakusahan ng paggamit ng pondo ng bayan para sa mga t-shirt na ipinamigay sa kampanya.
ANG KATOTOHANAN
Ang mga kwalipikasyon para maging isang kandidato para senador ay di-katulad ng mga itinakda ng batas para sa mga taong hahawak ng pampublikong tanggapan.
Tinukoy lamang ni Duterte-Carpio ang mga kwalipikasyon ng isang kandidato para sa senador, na ibinigay sa section 3, article 6 ng 1987 Constitution, na binanggit ang mga sumusunod:
- Isang mamamayan na ipinanganak sa Pilipinas;
- Hindi bababa sa 35 taong gulang sa araw ng halalan;
- Marunong magbasa at magsulat;
- Isang rehistradong botante; at
- Isang residente ng Pilipinas nang hindi kukulangin sa dalawang taon isang araw bago ang halalan.
Ngunit ang mabuting moralidad, na kinabibilangan ng isang personal na kasaysayan ng katapatan, bukod sa iba pang mga katangian, ay isang pangunahing kinakailangan para sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng bayan. Ang mga nagnanais na maging bahagi ng burukrasya ay inaasahan na may mabuting moralidad.
Ilang mga batas ang sumusuporta sa unibersal na katotohanang ito, lalo na Republic Act 6713, ang code of conduct for public officials and employees. Sinasabi nito na “ito ay patakaran ng Estado upang itaguyod ang isang mataas na pamantayan ng etika sa serbisyong pambayan.”
Higit na partikular, ang seksyon 4 ng batas ay kasama ang isang listahan ng “pamantayan ng personal na pag-uugali” na dapat tuparin ng mga opisyal ng gobyerno, inihalal man o itinalaga, sa pagpapatupad ng mga opisyal na tungkulin. Kabilang sa mga ito ang pagiging makatarungan at tapat:
“Public officials and employees shall remain true to people at all times. They must act with justness and sincerity and shall not discriminate against anyone, especially the poor and the underprivileged
(Ang mga pampublikong opisyal at empleyado ay mananatiling tapat sa mga tao sa lahat ng oras. Dapat silang kumilos nang may katarungan at katapatan at hindi dapat magpakita ng diskriminasyon laban sa sinuman, lalo na sa mga mahihirap at mga dukha).”
Nagdagdag ito:
“They shall at all times respect the rights of others, and shall refrain from doing acts contrary to laws, good morals, good customs, public policy, public order, public safety and public interest
(Dapat lagi nilang respetuhin ang mga karapatan ng iba, at hindi dapat gumawa ng mga bagay na salungat sa mga batas, mabuting asal, magandang kaugalian, pampublikong patakaran, pampublikong kaayusan, kaligtasan ng publiko at pampublikong interes).”
Ang obligasyon sa pampublikong interes, sa ilalim din ng section 4 ng batas, ay inuutusan ang mga pampublikong opisyal na gumamit ng mga pag-aari ng pamahalaan at mga kapangyarihan na “mahusay, mabisa, matapat at matipid upang maiwasan ang pag-aaksaya ng mga pondo at kita ng gobyerno.”
Ang mga opisyal na nagpakita ng “kapuri-puri na serbisyo at pag-uugali” batay sa mga pamantayang ito ay maaaring mabigyan ng mga gantimpala at mga insentibo sa anyo ng mga bonus, mga pagsipi, mga lokal at dayuhang scholarship, o bayad na bakasyon, bukod sa iba pa.
Gayundin, ang napatunayang paglabag sa section 4 o iba pang probisyon ng batas ay maaaring parusahan ng multa na hindi lalagpas sa katumbas ng anim na buwan na suweldo o suspensyon na hindi higit sa isang taon, o pag-aalis, depende sa bigat ng pagkakasala para sa mga empleyado ng gobyerno.
Ang 1987 Constitution ay nagsasaad din na:
“Public office is a public trust. Public officers and employees must at all times be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency, act with patriotism and justice, and lead modest lives
(Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan. Ang mga opisyal at empleyadong pambayan ay dapat laging nananagutan sa taumbayan, naglilingkod sa kanila nang may ganap na pananagutan, dangal, katapatan, at kahusayan, manuparan na taglay ang pagkamakabayan at hustisya, at mamuhay nang buong kapakumbabaan).”Pinagmulan: Official Gazette, 1987 Constitution, Sec. 1, Art. 11
MGA PINAGMULAN
Rappler.com, MISLEADING: Sara Duterte claims law doesn’t require that senators be honest, March 10, 2019
ABS-CBN News, Sara Duterte: Honesty should not be an election issue, March 6, 2019
News5, Honesty ng mga kandidato, hindi na raw dapat isyu ayon kay Mayor Sara Duterte, March 6, 2019
Inquirer.net, Sara Duterte: Honesty not an issue for Bong Go, March 7, 2019
Politiko, Lahat sila sinungaling! Honesty not an issue during polls since all candidates lies, says Mayor Sara, March 7, 2019
Official Gazette, RA 6713
Civil Service Commission, Rules Implementing the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees
Official Gazette, 1987 Constitution