Nagkamali si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsabi na siya ay may nakabimbing kaso sa International Court of Justice (ICJ) — ang pangunahing panghukuman na yunit ng United Nations (UN) — dahil sa giyera ng gobyerno laban sa droga.
PAHAYAG
Sa kanyang talumpati sa thanksgiving dinner para sa kanyang dating aide at ngayon senator-elect Christopher “Bong” Go sa Davao City noong Mayo 24, pinuri ni Duterte ang kanyang sarili kaugnay ng kanyang mga nagawa bilang chief executive ng bansa. Sa problema sa droga, sinabi niya:
“Sabi ko ang droga hihiritan ko talaga kayo. Kaya ako nagkakaso sa International Court of Justice. Maniwala kayong mga buang ‘yan. Ako paharapin mo ako sa puti? Leche kayo.Who are you to judge me? (Sino kayo para husgahan ako?)
Pinagmulan: PCOO, Speech of President Rodrigo Duterte during the thanksgiving dinner in Davao, May 24, 2019, watch from 1:00:57 to 1:01:21
ANG KATOTOHANAN
Walang nakabimbin na kaso si Duterte sa ICJ. Ngunit mayroong isinasagawang preliminary inquiry ang International Criminal Court (ICC) sa giyera ng gobyerno laban sa droga.
Itinatag noong Hunyo 1945, ang ICJ ay ang pangunahing panghukuman na yunit ng UN. Mayroon itong dalawang tungkulin:
- Upang ayusin ang mga ligal na alitan sa pagitan ng mga Estado, alinsunod sa internasyonal na batas; at
- Upang magbigay ng mga payo tungkol sa mga legal na usapin na idinulog ng mga awtorisadong yunit ng UN at mga specialized agencies.
Ang ICJ ay “walang hurisdiksyon na litisin ang mga indibidwal na inakusahan ng war crimes o mga krimen laban sa sangkatauhan.” Ang ICJ, sa karagdagang paliwanag sa kanyang website, ay nagsabi na “dahil hindi ito isang criminal court, wala itong tagausig na makapagsisimula ng mga paglilitis.”
Ang ICC noong Pebrero 2018 ay naglunsad ng isang paunang pagsusuri sa giyera ng gobyerno sa droga, partikular sa pinaghihinalaang “extra-judicial killings sa pagsasagawa ng mga operasyon ng pulisya laban sa droga.”
Itinatag noong 1998 sa pamamagitan ng Rome Statute, ang ICC ay isang independent body na nagsisiyasat, nag-uusig at lumilitis sa mga indibidwal na inakusahan ng “pinakamalubhang krimen na bumabagabag sa pandaigdigang komunidad: genocide, war crimes, mga krimen laban sa sangkatauhan, at krimen ng agresyon.”
Noong Marso 17, ang Pilipinas ay opisyal nang hindi bahagi ng ICC. Tumiwalag ang pamahalaan mula sa korte noong Marso ng nakaraang taon, matapos ipahayag ng ICC na magsisimula ang preliminary inquiry.
Noong 2017, nagkamali si Duterte sa pagtukoy sa ICJ bilang judicial body na pumanig sa Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea laban sa China. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Which court ruled on the West Philippine Sea dispute?)
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Duterte during the thanksgiving dinner in Davao, May 24, 2019
International Court of Justice, The Court
International Court of Justice, Frequently Asked Questions
International Criminal Court, Philippines
International Criminal Court, Understanding the International Criminal Court
International Criminal Court, About
International Criminal Court, ICC Statement on The Philippines’ notice of withdrawal: State participation in Rome Statute system essential to international rule of law, March 20, 2018