Isang video na nagpapakilala sa task force ng gobyerno na tatapos ng insureksyon ng komunista ay naglalaman ng maraming mga maling detalye, mula sa estado ng ekonomiya ng Pilipinas noong 1960s hanggang sa paggamit ng isang maling logo ng ahensya sa pagpaplano ng ekonomiya ng bansa.
Sa kahilingan ng isang mambabasa, sinuri ng VERA Files Fact Check ang apat na minutong clip ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nai-post noong Hunyo 26 sa Facebook page ng Philippine News Agency.
Ang NTF-ELCAC ay nilikha ni Pres. Rodrigo Duterte upang “matiyak ang mabisa at epektibong pagpapatupad” ng patakaran ng gobyerno para “makamit ang inclusive at tuluy-tuloy na kapayapaan.” Ang grupo ay gumagana sa ilalim ng Office of the President.
Ayon sa caption sa post, ipinapakita ng video kung ano ang NTF-ELCAC, kung ano ang sinasabi nito tungkol sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA), at kung ano ang “mapanirang epekto ng grupong komunista mula nang magsimula ito.” Ang footage ay napanood ng higit sa 770,000 beses sa nakaraang apat na buwan.
Natukoy ng VERA Files Fact Check ang apat na pahayag sa video — dalawang maling pahayag tungkol sa ekonomiya ng bansa at dalawang imahe na mali ang pagkakagamit.
Sa pagkakaroon ng Pilipinas ng pangalawang pinakamalaking ekonomiya sa Asia sunod sa Japan noong 1960s
Pahayag
“Noong 1960s ang Pilipinas ay pangalawa sa may pinakamalaking ekonomiya sa buong Asya na sumusunod sa bansang Japan.”
Pinagmulan: Philippine News Agency, WATCH | The National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) on the CPP-NPA, Hunyo 26, 2019
Fact
Ito ay hindi totoo.
Ipinakikita ng mga datos mula sa World Bank na ang Pilipinas ay hindi ang pangalawang pinakamalaking ekonomiya sa Asia noong 1960s.
Sa Southeast Asia lamang, pumangalawa ang Pilipinas sa Indonesia sa mga tuntunin ng laki ng ekonomiya, na sinusukat sa gross domestic product (GDP), mula 1960 hanggang 1969.
Ipinakikita rin ng datos ng World Bank na kung ihahambing sa mga bansa sa East Asia, kasama ang Japan at China, ang Pilipinas ay ika-apat sa mga tuntunin ng GDP sa parehong panahon.
Gayunpaman, mula 1966 hanggang 1969, nalampasan ng South Korea ang Pilipinas sa mga tuntunin ng laki ng ekonomiya, na nagtulak pababa sa GDP ng bansa ng isang baitang.
Ang mga datos mula sa namayapang economic historian na si Angus Maddison, isang world scholar ng quantitative macroeconomic history at tagapagtatag ng Groningen Growth and Development Center, ay nagpapakita din na ang Pilipinas ay hindi ang pangalawang pinakamalaking ekonomiya sa Asia noong 1960s.
Ang Pilipinas ang pangalawang pinakamalaking ekonomiya sa Southeast Asia mula 1960 hanggang 1969, at pang-apat na pinakamalaki kapag isinaalang-alang ang mga bansang East Asian.
Gayunpaman, may mga pagkakasalungat sa pagitan ng datos ng World Bank at ni Maddison. Ipinapakitang datos ng huli na noong 1960, ang China, hindi ang Japan, ang pinakamalaking ekonomiya sa rehiyon, at ang Japan ay naging pinakamalaki sa mga tuntunin ng pang-ekonomiyang output lamang mula 1961.
Ipinakikita rin nila na ang Vietnam at Taiwan ay may mas malaking ekonomiya, nasa ika-7 at ika-8 ayon sa pagkakabanggit sa rehiyon, kumpara sa Malaysia at Hong Kong.
Sa mga tuntunin ng GDP per capita o average na kita bawat tao, ipinakita ng datos ng World Bank na ang Pilipinas ay nasa ika-apat kasunod ng Japan, Singapore, at Malaysia noong 1960.
Noong 1965, ang GDP per capita ranking ng bansa ay bumaba ng dalawang baitang, naunahan ng Hong Kong at South Korea. Nanatili itong ika-anim sa rehiyon sa pagtatapos ng 1969.
Ipinakita rin ng datos ni Maddison na ang Japan ang may pinakamalaking GDP per capita sa rehiyon mula 1960 hanggang 1969.
Ika-lima ang Pilipinas sa mga tuntunin ng GDP per capita mula 1960 hanggang 1963, kasunod ng Japan, Hong Kong, Singapore at Malaysia. Ang ranggo nito ay bumaba sa ika-anim mula 1964 hanggang 1967, bago naging ikapito noong 1968 at 1969.
Sa pagbagsak ng ekonomiya ng PH noong 1980s
Pahayag
“Natamasa ng Pilipinas ang pinakamalaking pag-unlad ng ekonomiya mula 1972-1979 ngunit sa pagsibol ng CPP noong December 26, 1968 at NPA noong March 29, 1969, isang rebolusyonaryong organisasyon ang itinatag ni Jose Maria Sison na naglalayong pabagsakin ang gobyerno at patuloy na humahadlang sa pag-unlad ng Pilipinas sa loob ng (50) limampung taon.”
Pinagmulan: Philippine News Agency, WATCH | The National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) on the CPP-NPA, Hunyo 26, 2019
Ang Katotohanan
Ito ay nakaliligaw.
Itinuturo ng mga pag-aaral ang mga panlabas na isyu, ang malaking utang ng Pilipinas sa ibang bansa, at ang pagpatay sa dating senador at kritiko ni Marcos na si Benigno Aquino, Jr., bilang mga sanhi ng pagbagsak ng ekonomiya.
Ang ekonomiya ay umabot sa rurok nito sa pagitan ng 1972 at 1979, o sa mga unang taon ng martial law, lumalaki ng 8.9 porsyento at 8.8 porsyento noong 1973 at 1976, ayon sa pagkakasunud-sunod, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang ekonomiya, gayunpaman, ay nagdusa sa recession sa pagtatapos ng administrasyon, lumiit ng 7.3 porsyento noong 1984 at 1985.
Sa librong “The Philippine Economy: Development, Policies and Challenges,” sinabi nina dating Philippine Competition Commission chairman at ex-economic planning secretary Arsenio Balisacan at Australian National University professor Hal Hill, na ang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa ay hindi lamang sanhi ng pag-aalsa sa politika na nasimulan ng pagpatay kay Aquino, kundi dahil sa krisis sa utang ng bansa.
Ang gobyerno ay nangutang nang husto sa labas mula 1970s hanggang 1980s upang pondohan ang ilang mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng mga kalsada, tulay, ospital, at mga establisementong pangkultura. Sinabi nina Balisacan at Hill na ang estratehiyang ito ay “hindi sustainable dahil ang mga pondo ay sa pangkalahatan hindi namuhunan nang produktibo, at sa mga unang bahagi ng 1980s ang bansa ay talagang naabot ang mga limitasyon ng panghihiram nito.”
Mula sa $ 2.7 bilyon noong 1975, ang panlabas na utang ay lumubo sa $ 24.4 bilyon noong 1982.
Sinabi nina Balisacan at Hill:
“In the second decade of the Marcos administration, the development strategy changed to one of adventurous overseas borrowings. This came unstuck owing to a combination of reckless investments, ever-increasing cronyism and corruption, rising community disaffection (especially in the wake of the 1983 Aquino assassination), and external misfortune. The culmination was a serious political impasse and a deep and prolonged economic crisis that set the country back more than a decade, and from which recovery has been slow and painful
(Sa ikalawang dekada ng administrasyong Marcos, ang development strategy ay nagbago tungo sa isang mapanganib na pangungutang sa labas ng bansa. Ito ay nagkawindang-windang dahil sa kumbinasyon ng mga walang ingat na pamumuhunan, patuloy na pagtindi ng cronyismo at katiwalian, pagtaas ng kawalan ng pagpapahalaga ng komunidad (lalo na matapos ang pagpatay kay Aquino noong 1983), at panlabas na kasawian. Ang pagtatapos ay isang malubhang pagkabagabag sa politika at isang malalim at matagal na krisis na nagpahina sa ekonomiya ng bansa ng higit sa isang dekada, at kung saan ang pagbangon ay naging mabagal at masakit).”
Pinagmulan: Oxford University Press, The Philippine Economy: Development, Policies, and Challenges, 2003.
Nangyari ito kung kailan ang United States ay nagdusa sa recession noong 1981, na nagtulak sa U.S. Federal Reserve na itaas ang mga rate ng interes, na nagkaroon ng epekto sa utang ng bansa na may denominasyong dolyar.
Nang panahong iyon, ang bansa ay bumaling sa International Monetary Fund noong 1984 para sa karagdagang tulong pinansiyal. Ang mga pautang, gayunpaman, ay may ilang mga kondisyon, kasama ang pagpapababa ng halaga ng piso, na higit na nakasakit sa mga pagkakataon na lumago ng bansa.
Sa kanyang librong An Analysis of the Philippine Economic Crisis, sinabi ng ekonomista ng University of the Philippines na si Emmanuel de Dios na “naiiba at madalas na magkakaibang mga paliwanag ang inilatag sa nangyaring pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.”
Ngunit sa konklusyon, sinabi ni De Dios:
“…while external difficulties were certainly a necessary condition for the present crisis, the major explanation for its occurrence must lie in the character of economic policies and of policymaking by the leadership. The Aquino assasination, on the other hand, simply tore through the already-weakened fabric of the economy
(…habang ang mga panlabas na pagpapahirap ay tiyak na kinakailangang kondisyon para sa kasalukuyang krisis, ang pangunahing paliwanag sa paglitaw nito ay nakasalalay sa katangian ng mga patakarang pang-ekonomiya at ng pamamahala ng patakaran ng pamumuno. Ang pagpatay kay Aquino, sa kabilang banda, ay sumira lang sa mahina nang ekonomiya).”
Pinagmulan: University of the Philippines Press, An Analysis of the Philippine Economic Crisis, 1984.
Sa paggamit ng mga litrato ng katutubo na sinasabing pinatay ng NPA
Ang isa sa mga litrato na ginamit sa video ay ang bangkay ng napatay na Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV) executive director Emerito Samarca.
Ito ay nakaliligaw. Si Samarca ay iniulat na pinatay ng mga elemento ng Magahat-Bagani paramilitary group noong Set. 2015, at hindi ng NPA tulad ng ipinahihiwatig ng video.
Tinawag ng noo’y gobernador ng Surigao del Sur at ngayon kinatawan ng 2nd District na si Johnny Pimentel ang Magahat-Bagani paramilitary group, na umiikot sa ilang mga lugar sa lalawigan, na isang “halimaw na nilikha ng militar.” Noong 2016, inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang militar na ihinto ang mga paramilitary group, kabilang ang pangkat ng Magahat-Bagani, sa gitna ng usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng grupo kabilang ang CPP noon.
Isang dokumento na ibinigay ng ALCADEV sa VERA Files ay nagpapakita na naglabas noong Set. 22, 2015, ng warrant of arrest ang Regional Trial Court (RTC) ng Lianga, Surigao del Sur kaugnay ng kasong kriminal na pagnanakaw, grave coercion, pagpatay, at arson laban sa mga miyembro ng grupong paramilitar ng Magahat-Bagani, para sa pagkamatay ni Samarca at dalawang miyembro ng IP na sina Dionel Campos at pinsan na si Juvello Sinzo.
Gayunpaman, noong Hulyo 26, 2019, ang parehong RTC ay iniutos ang pagbawi ng mga warrant na inilabas apat na taon na ang nakalilipas laban sa mga suspek “para sa karagdagang pagsisiyasat.”
Sa paggamit ng maling logo para sa National Economic and Development Authority
Mali ang logo ng NEDA na ginamit sa video.
Ang National Economic and Development Authority o NEDA ay ang “nangungunang socioeconomic planning body ng bansa,” at ang “awtoridad sa macroeconomic forecasting at policy analysis at pananaliksik.” Ito ay isa sa 18 ahensya ng gobyerno na inatasang bumuo ng NTF-ELCAC.
Ang logo na ginamit sa video, gayunpaman, ay ang sa National Eating Disorder Association, isang nonprofit na organisasyon sa United States.
Mga Pinagmulan
Philippine News Agency, WATCH | The National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) on the CPP-NPA, June 26, 2019
Official Gazette, Executive Order 70
On PH having the second biggest economy next to Japan in 1960
World Bank, GDP and GDP per capita (const. 2010)
Groningen Growth and Development Centre, Angus Maddison 1926-2010
Groningen Growth and Development Centre, Statistics on World Population, GDP and Per Capita GDP, 1-2008 AD
On PH economic downfall in the 1980s
Philippine Statistics Authority, Philippine macroeconomic data 1970-1990
Oxford University Press, The Philippine Economy: Development, Policies, and Challenges, 2003.
University of the Philippines Press, An Analysis of the Philippine Economic Crisis, 1984.
UP Diliman School of Economics/BusinessWorld, The truth about the economy under the Marcos regime, Nov. 17, 2015
On indigenous people photos used
Frontline Defenders, Killing of Emerito Samarca
Philstar.com, Lumads begin week-long camp-out in UP Diliman, Oct. 27, 2015
Inquirer.net, ‘Lumad’ killings extrajudicial, says CHR, Sept. 20, 2015
Inquirer.net, Militia in lumad killings a ‘monster created by military,’ Sept. 6, 2015
Human Rights Watch, Philippines: Paramilitaries Attack Tribal Villages, Schools, Sept. 23, 2015
Official Gazette, President Duterte orders military to stop paramilitary groups amid ongoing peace talks, Sept. 23, 2016
On wrong NEDA logo used
National Economic and Development Authority, About Us
National Eating Disorders Association, About Us
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)