Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Walang konteksto ang pahayag ng government communication bureau na proyekto ni Marcos Jr. ang EDSA Greenways

WHAT WAS CLAIMED

Ang EDSA Greenways Project “ay isa sa mga proyekto ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.”

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Nabuo ang konsepto ng EDSA Greenways Project noong 2017 sa ilalim ng administrasyong Duterte. Layunin ng limang-kilometrong elevated walkway, na tinatayang nagkakahalaga ng $179.3 milyon, na isulong ang paggamit ng pampublikong sasakyan at pahusayin ang mga pasilidad ng pedestrian sa paligid ng apat na istasyon ng tren sa kahabaan ng EDSA, na “hindi maganda ang disenyo, hindi komportable, at hindi ligtas,” ayon sa mga dokumento ng proyekto sa ang website ng Asian Development Bank.

By VERA Files

May 31, 2023

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang Facebook post, sinabi ng Bureau of Communications Services (BCS), isang attached agency ng Presidential Communications Office, na ang EDSA Greenways ay “isa sa mga proyekto ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.” Ito ay nangangailangan ng konteksto.

PAHAYAG

Sa isang Facebook post noong Mayo 27, sinabi ng BCS, na responsable para sa pagbibigay-alam ng mga priyoridad at mga nagawa ng pangulo sa pamamagitan ng iba’t ibang platform tulad ng mga publikasyon at mga espesyal na kaganapan:

“Ngayong Road Safety Month, alamin natin kung ano ang EDSA Greenways Project, isa sa mga proyekto ng administrasyong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong mapabuti ang sitwasyon ng mga pedestrian at commuter sa Kamaynilaan.”

 

Pinagmulan: Bureau of Communications Services official Facebook page, Alam mo bang kinikilala ang buwan ng Mayo bilang Road Safety Month sa bansa? (archive), Mayo 27, 2023

ANG KATOTOHANAN

Nabuo ang konsepto ng EDSA Greenways Project noong 2017 sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ang limang-kilometrong elevated walkway, na tinatayang nagkakahalaga ng US$179.3 milyon (P10.09 bilyon), ay inilaan upang isulong ang paggamit ng pampublikong transportasyon at pahusayin ang mga pasilidad ng pedestrian sa paligid ng apat na istasyon ng tren sa kahabaan ng EDSA na “hindi maganda ang disenyo, hindi komportable, at hindi ligtas, ” ayon sa mga dokumento sa website ng Asian Development Bank (ADB).

FACT CHECK: Kulang sa konteksto ang pahayag ng BCS na proyekto ni Marcos Jr. ang EDSA Greenways. Nabuo ang plano para sa EDSA Greenways Project noong 2017 sa ilalim ng Duterte administration. Inaprubahan ng National Economic Development Authority Board ang proyekto noong Enero 2020 kabilang sa Build, Build, Build program.

Noong Enero 2020, inaprubahan ng National Economic Development Authority Board ang EDSA Greenways Project sa ilalim ng Build, Build, Build (BBB) program ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ang bulto ng halaga ng proyekto ay magmumula sa ADB sa pamamagitan ng US$123 milyon na loan (P6.92 bilyon, batay sa halaga ng palitan na US$1.00 hanggang P56.26, Mayo 31), habang ang karagdagang US$15 milyon (P843.90 milyon) ay utang na magmumula sa Association of Southeast Asian Nations Infrastructure Fund. Sasagutin ng gobyerno ang natitirang US$41.3 milyon (P2.32 bilyon) para sa mga gastusin tulad ng pagbili ng lupa at resettlement.

Ayon sa ADB, ang Greenways Project ay magtatayo o magpapaganda ng 5 kilometro ng covered, elevated walkways, kabilang ang pagpapalit o pagpapalawak ng mga kasalukuyang footbridge at pagsasama ng mga elevator, na mag-uugnay sa mga istasyon ng tren sa Balintawak, Cubao, Guadalupe at Taft Avenue.

Inaasahan ng departamento ng Transportasyon, na siyang magpapatupad ng proyekto, na matatapos ang proyekto sa 2027. Dati itong inaasahang matatapos ng Pebrero 2023.

Ang konstruksyon ay hindi pa nagsisimula tatlong taon pagkatapos maibigay ang mga pautang. Ang kabuuang halaga ng proyekto ay nasa P8.51 bilyon nang aprubahan ito ng NEDA Board noong Enero 2020. Lumobo na ito sa P10.09 bilyon dahil sa pagbabagu-bago ng palitan ng pera.

Ang katulad na panukala noong 2016 sa ilalim ng tinatawag na “Metro Manila Bus Rapid Transit (BRT)” ay naglaan ng mga greenway sa 48.6 kilometrong ruta ng bus sa EDSA. Gayunpaman, ito ay ipinagpaliban ng departamento ng Transportasyon, na nagsasabing “maaaring hindi ito ang pinakaangkop na paraan para sa makitid at masikip na mga kalsada.”

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Bureau of Communications Services official Facebook page, Alam mo bang kinikilala ang buwan ng Mayo bilang Road Safety Month sa bansa? (archive), May 27, 2023

Asian Development Bank official website, Philippines: Epifanio de los Santos Avenue Greenways Project, accessed May 29, 2023

Asian Development Bank official website, Proposed Loan Philippines: Metro Manila Transport Project, Phase 1, November 2017

Asian Development Bank official website, Republic of the Philippines: Epifanio de los Santos Avenue Greenways Project, accessed May 29, 2023

Asian Development Bank official website, $123 Million ADB Loan to Help Build Elevated Walkways in Manila, Dec. 14, 2020

National Economic and Development Authority official website, NEDA BOARD APPROVES MRT 4, EDSA GREENWAYS, AND 6 OTHER PROJECTS, Jan. 29, 2020

Department of Transportation official website OFFICE OF THE ASSISTANT SECRETARY FOR ROAD TRANSPORT & INFRASTRUCTURE, accessed May 29, 2023

Department of Transportation official Facebook page, PRIORITIZING PEDESTRIAN SAFETY , May 24, 2023

National Economic and Development Authority official website, ICC-CABCOM ENDORSES 10 PROJECTS FOR NEDA BOARD ACTION, Aug. 4, 2016

National Economic and Development Authority official website, INFRASTRUCTURE FLAGSHIP PROJECTS AS OF JULY 27, 2018, accessed May 29, 2023

World Bank official website, Metro Manila BRT Line 1 Project (P132401), accessed May 29, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.