Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK YEARENDER: Presidential bid ni Marcos Jr. nagsusulong ng pro-Marcos propaganda

Matapos ipahayag ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Okt. 5 na tatakbo siya bilang pangulo sa halalan ng 2022, ang mga paulit-ulit na pahayag na pinupuri ang kanyang ama, ang yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr., at ang kanyang diktatoryal na rehimen ay kapansin-pansing tumaas.

By Enrico Berdos

Dec 18, 2021

10-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Matapos ipahayag ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Okt. 5 na tatakbo siya bilang pangulo sa halalan ng 2022, ang mga paulit-ulit na pahayag na pinupuri ang kanyang ama, ang yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr., at ang kanyang diktatoryal na rehimen ay kapansin-pansing tumaas.

Hindi ito ikinagulat ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Third World Studies Center (UP TWSC) na nagsasagawa ng mga pag-aaral sa rehimeng Marcos.

“Ito ay inaasahan na kapag ang isang Marcos ay tumatakbo para sa pampublikong posisyon, ang propaganda na pabor sa pamilya ay lalaganap,” sabi sa Ingles ni Miguel Paolo Reyes, isa sa mga mananaliksik.

Mula Oktubre hanggang unang bahagi ng Disyembre, pinasinungalingan ng VERA Files Fact Check (VFFC) ang walong kasinungalingang nauugnay kay Marcos, isang pagtaas mula sa anim na iba pang fact check na inilathala mula Enero hanggang Setyembre.

Sa kabuuan, 14 posts na naglalaman ng mga pro-Marcos na pahayag ang napasinungalingan ngayong taon, higit sa doble sa anim na na-fact check noong 2020.

Ang mga uri ng Marcos propaganda na kumakalat sa social media ay kadalasang nagpalalaki ng mga alamat tungkol kay Marcos Sr. at sa kanyang rehimen, na nagtampok ng mga pagtanggi sa mga kasong graft at katiwalian laban sa pamilya, at sinisiraan ang mga administrasyong sumunod pagkatapos ng 1986.

“Ipinahihiwatig sa lahat ng Marcos propaganda ang pagiging kanais-nais ng awtoritarianismo at ng pagkakaroon ng isang napakatalino at matatag na lider na hahawak ng matinding konsentrasyon ng kapangyarihan sa paraang kinakailangan,” paliwanag sa Ingles ng isa pang manaliksik ng UP TWSC, si Joel F. Ariate Jr.

Sinuri ng VERA Files Fact Check ang mga post na ito, at nakita ang mga ito:

1. Karamihan sa mga Marcos propaganda ay pinalaki ang “mga nagawa” ni Marcos Sr. at ng kanyang rehimen

Ang pito sa 14 na post na may kaugnayan kay Marcos Sr. na pinabulaanan ng VERA Files Fact Check ngayong taon ay muling binuhay o muling binago ang mga alamat tungkol sa yumaong diktador, gayundin ang mga hindi totoo at mapanlinlang na pahayag tungkol sa umano’y mga tagumpay sa ekonomiya at pagpapagawa ng imprastraktura ng kanyang rehimen.

“Marami sa maling pahayag tungkol kay Ferdinand Marcos at/o sa rehimeng Marcos ay bahagyang naka-angkla sa [mga] katotohanan … Gayunpaman … kadalasan ang mga benepisyo ng mga programa sa panahon ni Marcos ay labis/pinalabis o tahasang peke,” sabi sa Ingles ni Reyes.

Upang ilarawan ang kanyang punto, ipinaliwanag ni Reyes na ang 13th month pay bill na nilagdaan ni Marcos noong 1975 ay hindi sumasaklaw sa lahat ng empleyado, at ang KADIWA retail store, isang proyektong ipinatupad ng administrasyong Marcos, ay hindi “pumawi ng gutom ng mga mahihirap” gaya ng pahayag.

Ang disinformation na may kaugnayan kay Marcos ay naglalaman ng “talagang hindi totoong mga pagpapakita ng patuloy na kaunlaran at pag asenso sa dalawang dekada na pamumuno ni Marcos,” dagdag ni Reyes sa Ingles.

Halimbawa, ang halaga ng palitan ay hindi kailanman tumigil sa P2.00 sa dolyar noong panahon ng pamumuno ni Marcos mula 1965 hanggang 1986, gaya ng pinabulaanan sa tatlong fact check ng VERA Files ngayong taon.

Ang Pilipinas ay hindi ang nangungunang bansa sa Asya sa mga tuntunin ng kaunlaran ng ekonomiya sa panahon ng pamumuno ni Marcos, at hindi rin ito pumangalawa sa Japan. Ang parehong mga pahayag ay tatlong beses ding pinasinungalingan ng VERA Files Fact Check ngayong 2021.

“Ang ganitong propaganda ay idinisenyo upang gawing lubos na kanais-nais ang pagbabalik sa Marcos ‘Golden Age’—ang noon/ngayon na kaibahan ay mas lalo pang tumalas,” dagdag ni Reyes sa Ingles.

Ang mga alamat tungkol sa sinasabing mga nagawa ng nakatatandang Marcos ay hindi rin totoo.

Si Marcos Sr. ay hindi nakakuha ng pinakamataas na bar score grade sa kasaysayan ng Pilipinas na 98.01%. Hindi siya kailanman binigyan ng award ng mga Amerikano dahil sa pakikipaglaban sa mga Hapon noong World War II.

2. Pinabulaanan ng ilang propaganda ni Marcos ang mga kasong graft at katiwalian laban sa kanila

Lima sa 14 posts na may kaugnayan kay Marcos na pinabulaanan ng VERA Files Fact Check ang nagtangkang kumbinsihin ang mga social media user na hindi nagnakaw ang mga Marcos sa kaban ng bansa.

Sa mga ito, dalawang Facebook (FB) post ang nagbanggit ng mga demanda sa korte na ibinasura pabor sa mga Marcos para sabihin ang maling pahayag na ang pamilya ay hindi gumawa ng katiwalian. Na fact check ng VERA Files ang mga pahayag na ito dito at dito.

Ang mga Marcos ay natalo sa ilang mga kaso sa Korte Suprema at Sandiganbayan, taliwas sa pahayag sa isang video na nanalo sila umano sa lahat ng mga kasong isinampa laban sa kanila.

Muling lumabas ang isang video noong 2018 ng pro-Marcos vlogger na si Rita Gadi, na maling nagsasabi na ang pera na idineposito ng mga Marcos sa mga Swiss bank ay hindi nakaw na yaman. Binaluktot ang isang pahayag ni dating first lady Imelda Marcos para magmukhang tahasan itong pagtanggi sa mga alegasyon ng pagnanakaw.

3. Ang mga administrasyong post-Marcos ay inalipusta rin

Ang mga umano’y tagumpay ng pamumuno ni Marcos ay itinabi sa mga umano’y kabiguan noong mga administrasyon ni dating pangulong Corazon Aquino at Fidel Ramos.

Habang bumagal ang ekonomiya noong administrasyong Aquino, tatlong beses na mas malala ang pagbagsak sa panahon ng rehimeng Marcos.

Ang mga numerong binanggit para sa paghahambing ng taunang budget sa panahon ng mga administrasyon nina Marcos, Aquino, at Ramos ay hindi rin tama at kailangan ng konteksto.

4. Litrato at teksto, mga video ang pinaka ginagamit na format ng propaganda

Karamihan sa mga pro-Marcos propaganda ay gumamit ng mga litrato at video, na nakakuha ng daan-daang libong shares mula sa mga netizen.

Halos isang-katlo (5) ng 14 posts ang tadtad ng kasinungalingan, mula sa tatlo hanggang pitong maling pahayag bawat isa. Ang ganitong mga compilation ay paulit-ulit at pinalakas ang dati nang pinabulaanan na mga kasinungalingan.

Dalawa sa mga post ay nasa video format, dalawa ang gumamit ng litrato at teksto, at isa ay 1,214-salitang teksto na post.

Pinabulaanan ng VERA Files Fact Check ang isang FB post na nakakuha ng 204,000 shares hanggang noong Oktubre — ang pinaka naibahaging post sa mga pro-Marcos na pahayag na napasinungalingan ngayong taon. Mapanlinlang nitong binigyan ng kredito ang administrasyong Marcos sa pagtatayo ng Ninoy Aquino International Airport.

Isa pang video ang nakakuha ng pinagsamang kabuuang 8.4 milyong views sa parehong FB at TikTok. Mali ang pahayag nitong hindi guilty ang mga Marcos sa mga paglabag sa karapatang pantao.

5. Ang propaganda tungkol kay Marcos Sr. at sa kanyang rehimen ay pinalakas ng pro-Marcos, iba pang FB accounts

Karamihan sa mga nangungunang source at shares ng Marcos propaganda ay mga FB page ng nagpapakilalang mga loyalista ni Marcos Sr. na sumusuporta sa anak nito.

Labing-isa sa 30 FB pages, at tatlo sa limang FB groups na nag-post o nag share ng propaganda tungkol kay Marcos Sr. at sa kanyang rehimen, ang nagdala ng salitang “Marcos” sa kanilang page o pangalan ng grupo.

“Ang mga tagalikha ng Pro-Marcos na nilalaman ay sanay sa paglikha ng komunidad sa paligid ng kanilang nilalaman. Marami sa kanila ay mga eksperto na ngayon sa pakikipag-ugnayan (real time o kung hindi man) sa kanilang audience (organic o bayad), na kung saan, sila ay napapanatili ang motibasyon sa pagbabahagi ng (dis)information online,” sabi sa Ingles ni Larah del Mundo, isa pang mananaliksik ng UP TWSC.

Ilang iba pang FB pages, bagama’t hindi ipinangalanan kay Marcos, ay nagdala ng mga pro-Marcos propaganda post at nilalaman na pabor kay Marcos Jr.

Ang celebrity na si Richard Poon at vlogger na si Tricia Arias, na nagpahayag ng suporta para sa presidential bid ni Marcos Jr., ay tumulong na palakasin ang pro-Marcos disinformation. At ganoon din ang official FB page ng komedyanteng si Brod Pete (Herman Salvador).

Ang FB page na PSSAP Underground, na may sariling label bilang isang “educational research page” ay nagtampok din ng ilang propagandang maka-Marcos. Ang FB page ng political party na Katipunan ng Demokratikong Pilipino ay nagbigay ng platform sa pro-Marcos vlogger na si Rita Gadi gayundin sa mga nagdududa sa COVID-19 at anti-vaxxers.

Samantala, tatlo sa mga FB page na naglathala ng pro-Marcos disinformation ang nagdala ng mga pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang anak, ang running mate ni Marcos Jr., si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Tatlong TikTok account ang muling nag-upload ng mga video na naglalaman ng mga lumang alamat tungkol kay Marcos at sa kanyang rehimen, tulad ng mga nai-post sa YouTube ng sirlester channel at PweDelie TV, bukod sa iba pa.

Sinusubaybayan ng VERA Files Fact Check ang mga pangalan ng mga pampublikong FB page at grupong ito na nagbahagi o nag-post ng Marcos propaganda gamit ang social media monitoring tool na CrowdTangle.

Pangako ng ginto nagpainit sa paglabas ng pro-Marcos disinformation

Ayon kay Reyes, ilang mga paniniwalang pinanghahawakan ng mga loyalistang Marcos ang maaaring dahilan kung bakit patuloy silang nagbabahagi ng propaganda.

Para sa kanya, ilang pagkakataon noong 1998 at 2013, nang mangako si Gng. Marcos na ipamahagi ang kanilang yaman sa mga tao, ang maaaring paliwanag sa suporta sa likod ng pamilya ng pulitiko.

“Mahalagang pang-akit ng mga Marcos sa ilang mga tagasuporta, ang ideya na ang pagbabalik sa kanila sa kapangyarihan ay makatutulong sa kanila na ipamahagi ang kanilang yaman para sa ating sama-samang kaligtasan,” sabi sa Ingles ni Reyes.

Ang confirmation bias, o ang pag-uugali ng isang tao na magproseso ng impormasyon sa pamamagitan ng paghahanap at pagbibigay-kahulugan sa impormasyong naaayon sa paniniwala ng isang tao, ay maaari ring ipaliwanag kung bakit tinitingnan lamang ng mga pro-Marcos na tagasuporta ang nilalaman na pumupuri sa mga Marcos.

Ang mga fact check ay may ‘kaunting epekto’ sa Marcos propaganda, sabi ng mga mananaliksik

Mula noong 2016, pinabubulaanan na ng VERA Files Fact Check ang mga pahayag na pumupuri kay Marcos Sr. at kanyang rehimen. Gayunpaman, sinabi ni Ariate na naniniwala siya na ang fact checking ay mayroon lamang “maliit na epekto” sa pagpigil sa pagkalat ng mga ito tungkol kay Marcos.

“Ang alerto sa fact-check ay nakakabit sa virality, na nangangahulugan na ang baluktot na impormasyon na susubukan nitong kontrahin ay nakagawa na ng pinsala,” aniya sa Ingles.

Noong 2019, gumawa ang UP research team ng Twitter account na pinangalanang “DID A MARCOS LIE TODAY,” na pinabubulaanan ang mga kasinungalingan at pahayag ng mga Marcos. Ngunit ang anak ni Marcos Sr., si Imee, ay naging senador pa rin at ginamit ang kanyang posisyon upang ibahagi ang Marcos propaganda, ani Ariate.

Dahil sa proyekto, napagtanto ng mga mananaliksik na ang fact checking ay hindi epektibo para maapektuhan ang pampulitikang salaysay ni Marcos, sa kabila ng mas maraming pagsisikap sa paggawa ng mga fact check.

Samantala, sinabi ni Reyes na naniniwala siya na maraming tao ang nagbabale-wala sa mga fact check na ginawa ng mainstream media dahil sa kawalan ng tiwala na itinanim ng iba’t ibang tao at organisasyon.

“Ang kawalan ng tiwala ay inihasik ng mga kolumnista tulad ni Bobi Tiglao (na kabilang sa mga nag bumabatikos sa Vera [Files] bilang isang grupo na pinondohan ng CIA) at ang mga katulad ni [dating senador at Marcos defense minister na si Juan Ponce] Enrile, na nagsasabing siya ay hindi mabubutasang awtoridad tungkol sa kahit ano at lahat kaugnay ng martial law, ang mga red-tagger sa NTF-ELCAC na nagsasabing sinusuportahan ng media ang mga terorista, mga pro-administration blogger na may malawak na suporta, atbp.,” paliwanag niya sa Ingles.

Isang babala

Sakaling manalo si Marcos Jr. bilang pangulo sa halalan sa 2022, nagbabala si Ariate na ang umiiral na mga pagsusumikap sa fact checking ay sa kalaunan magiging walang saysay.

“Walang katapusang ibubuga ng mga Marcos ang lahat ng kanilang propaganda points at ang mga fact checker ay patuloy na uulitin ang kanilang mga nakaraang fact check na hindi napapansin na sila ay napakalayo na ngayon sa ikot ng balita. At anumang na recycle, muling na share na nilalaman sa social media ay mabilis na malilibing ng algorithm na laging naghahanap ng bago at kontrobersyal,” aniya sa Ingles.

Ang isang minorya na binubuo ng fact checkers at academic ay patuloy na magpapasinungaling sa mga pahayag na sumusuporta sa mga Marcos, ngunit sinabi ni Ariate na naniniwala siya na ang mga pagsisikap ng minoryang ito ay “hindi makasisira sa linya ni Marcos na pumapabor ang awtoritaryan na pamamahala.”

“Ang mga pagsusumikap ng mga fact checker ay mawawalan ng audience, dahil sa social media at sa kawalang-interes sa katotohanan na nagkaugat na ngayon sa publiko,” sabi niya sa Ingles.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Miguel Paolo Reyes, Joel F. Ariate Jr., and Larah Vinda B. Del Mundo, email interview, Dec. 10, 2021

World Bank, GDP per capita (current US$) – Philippines, Japan, Thailand, Malaysia, Singapore, Sri Lanka, accessed Dec. 13, 2021

ABS-CBN News, The best of times? Data debunk Marcos’s economic ‘golden years’, Sept. 21, 2017

Rappler, Marcos years marked ‘golden age’ of PH economy? Look at the data, March 5, 2016

World Bank, GDP per capita (constant 2015 US$), accessed Dec. 10, 2021

Twitter, DID A MARCOS LIE TODAY? (@did_lie), accessed Dec. 15, 2021

Miguel Paolo Reyes, email correspondence, Dec. 15, 2021

Jose F. Ariate Jr., email correspondence, Dec. 15, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.