Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ang sinasabi ng batas tungkol sa diplomatic passport

Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kakanselahin nito ang lahat ng mga "courtesy diplomatic passport."

By VERA FILES

Jun 27, 2019

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kakanselahin nito ang lahat ng mga “courtesy diplomatic passport.”

Ito pagkatapos na hindi papasukin ng Hong Kong at pabalikin sa Pilipinas si dating DFA Secretary Albert del Rosario nang walang anumang paliwanag.

Sa pahayag nito noong Hunyo 22, binanggit ng DFA ang 1993 department order na nagbibigay sa mga dating secretary at mga ambassador ng mga diplomatic passport “bilang paggalang … upang ibigay sa kanila ang karaniwang mga port courtesy sa mga lugar ng imigrasyon sa ibang bansa.”

Sinabi ng DFA na ang “Office of Consular Affairs (OCA) “ay maglalabas ng isang utos sa madaling panahon, (na) nagkakansela ng lahat ng mga courtesy diplomatic passport.”

Sinabi ni del Rosario na ito ay “labag sa batas” dahil ang isang department order ay “hindi pumalit” sa Republic Act 8239 o Philippine Passport Act of 1996, isang batas na ipinasa ng Kongreso.

Ngunit ano ang ba diplomatic passport at sino ang may maaaring mabigyan nito?

Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman.

Ano ang diplomatic passport?

Ang diplomatic passport ay ibinibigay sa mga taong “may diplomatic status o nasa diplomatic na misyon,” ayon sa Philippine Passport Act.

Ito ay isa sa tatlong uri na iniisyu ng foreign affairs secretary o ng kanyang awtorisadong kinatawan; ang dalawang iba pa ay ang opisyal at regular na mga pasaporte.

Ang mga opisyal na pasaporte ay ibinibigay sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na:

  • nasa opisyal na biyahe sa ibang bansa ngunit hindi nasa diplomatic mission;
  • mga delegado sa internasyonal o panrehiyong kumperensya; o
  • hindi binigyan ng diplomatic status.

Ang isang regular na pasaporte, sa kabilang banda, ay iniisyu sa lahat ng mamamayang Pilipino na “hindi karapat-dapat o walang karapatan sa mga diplomatic o opisyal na pasaporte.” Kabilang dito ang mga pampublikong opisyal o empleyado na pumupunta sa ibang bansa para sa “kasiyahan o iba pang mga personal na dahilan.”

Ang mga may diplomatiko o opisyal na pasaporte ay napapailalim sa mas kaunting mga paghihigpit sa visa kumpara sa mga may hawak ng regular na pasaporte. Ngunit dapat nilang isumite ang kanilang mga pasaporte sa DFA para sa revalidation bago ang bawat pag-alis.
Ang Philippine Passport Act ay walang probisyon kaugngay ng pag isyu ng mga courtesy diplomatic passport.

Sinipi ng isang ulat ng South China Morning Post si dating ambasador Victoria Bataclan na nagsabing may mga 100 hanggang 200 ang may hawak ng mga diplomatic passport. Hindi lahat ay dating mga diplomat; ang ilan ay mga congressmen at lider ng isang relihiyosong sekta, ayon kay Lauro Baja, dating ambassador ng bansa sa United Nations, sabi ng parehong ulat.

Sino ang may karapatan magkaroon ng diplomatic passport?

Ang mga diplomatic passport ay kadalasang ipinagkakaloob sa mga pampublikong opisyal na may mataas na ranggo “na ang katungkulan ay nangangailangan ng paggamit ng naturang pasaporte upang isakatuparan ang kanilang mga tungkulin,” ayon sa DFA OCA.

Kabilang dito ang:

  • Kasalukuyan at dating mga presidente at bise presidente;
  • Senate president at speaker ng the House of Representative;
  • Supreme Court chief justice;
  • Mga Cabinet secretary at mga foreign affairs undersecretary at assistant secretary;
  • Mga ambassador, mga opisyal ng foreign service sa lahat ng ranggo sa career diplomatic service, mga attache;
  • Mga miyembro ng Kongreso kapag nasa opisyal na misyon sa ibang bansa o bilang delegado sa mga internasyonal na kumperensya; at
  • Gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas at mga delegado sa internasyonal o panrehiyong kumperensya kapag nasa opisyal na misyon o binibigyan ng ganap na kapangyarihan ng pangulo.

Ang mga asawa at hindi kasal na menor de edad na mga anak ng nasabing mga opisyal ay maaaring mabigyan din ng courtesy diplomatic passport kapag kasama o susunod sa kanila sa opisyal na misyon sa ibang bansa.

Ang pangulo at foreign affairs secretary ay maaari rin magbigay ng diplomatic passport sa iba pang mga opisyal at mga taong hindi nakasaad sa batas ngunit nasa opisyal na misyon sa labas ng bansa.

Bagamat ang Philippine Passport Act ay walang binanggit sa listahan nito tungkol sa mga foreign affairs secretary o envoy, tinutukoy nito ang mga “Ambassador” bilang:

“…those who have been appointed as chiefs of mission and have served as Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary (yaong mga hinirang bilang mga chief of mission at nagsilbi bilang Ambassador Extraordinary at Plenipotentiary.)”

Ang chief of mission ay tumutukoy sa pinuno ng isang embahada o iba pang misyong diplomatiko ng Pilipinas, o sinumang tao na hinirang ng pangulo, ayon sa Section 5 ng Philippine Foreign Service Act.

Ayon sa Collins Dictionary, ang ambassador extraordinary ay isang “diplomatic minister na may pinakamataas na ranggo na ipinadala sa isang espesyal na misyon,” at ang plenipotentiary ay isang “tao na may ganap na kapangyarihan upang gumawa ng mga desisyon o pagkilos sa ngalan ng kanilang gobyerno, lalo na sa ibang bansa.”

Ang lahat ng mga ambasador extraordinary at plenipotentiary na nakatalaga sa mga embahada at permanenteng misyon ay nominado ng presidente at aprubado ng Commission on Appointments, ayon sa Section 16 ng Philippine Foreign Service Act.

Bago siya naging pinakamataas na diplomat ng bansa, si Del Rosario ay nagsilbi bilang chief of mission at ambassador extraordinary and plenipotentiary sa Estados Unidos sa ilalim ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Maaari bang kanselahin ang mga diplomatic passport?

Oo.

Sa Philippine Passport Act, walang pinagkaiba ang tatlong uri ng passport pagdating sa mga tuntunin ng mga batayan para sa pagkansela. Tatlo lang ang tinukoy nito:
1. Kapag ang may-hawak ay isang pugante sa batas;
2. Kapag ang may hawak ay napatunayang nagkasala ng isang krimen, kung saan ang pasaporte ay maaaring maibalik pagkatapos mapagdusahan ang kanyang sentensya; at
3. Kapag ang pasaporte ay nakuha nang may daya o binago.

Hindi sinabi ng DFA sa pahayag noong Hunyo 22 kung ano ang batayan para kanselahin ang mga “courtesy” diplomatic passport ng lahat ng mga dating diplomat.

Ngunit sa isang tweet noong Hunyo 24, sinabi ni Locsin na ito ay dahil “ayaw” niyang “tukuyin” si Del Rosario at nais niyang “maiwasan ang pagtanggi sa ating mga diplomatic passport nang walang kaparusahan.”

Mga Pinagmulan

Department of Foreign Affairs website, Statement: On the Issuance of Diplomatic Passport, June 22, 2019
South China Morning Post, Former Philippine diplomat Albert Del Rosario, who criticised China, back in Manila after Hong Kong deportation, June 21, 2019
ABS-CBN News, Ex-DFA chief and China nemesis Del Rosario held at HK airport, June 21, 2019
CNN Philippines, ‘The Source’ speaks to Albert del Rosario, June 23, 2019
ABS-CBN News, Del Rosario: ‘Unlawful’ to cancel diplomatic passports of ex-diplomats | ANC, June 23, 2019
Teodoro Locsin Jr. official Twitter account, June 23, 2019:

Official Gazette, Republic Act 8239
Department of Foreign Affairs website, DIPLOMATIC AND OFFICIAL PASSPORT SECTION FREQUENTLY ASKED QUESTIONS
Official Gazette, Foreign Service Act of 1991
Official Gazette, Visa policies towards Filipino nationals
South China Morning Post, Ex-officials criticise Duterte administration’s soft approach towards China, as Philippine foreign ministry cancels diplomatic passports, June 24, 2019
GMA News Online, Diplomatic passports issued to private individuals, DFA sources say, June 24, 2019
Collins Dictionary, Ambassador Extraordinary
Collins Dictionary, Plenipotentiary
Embassy of the Philippines – Islamabad, Pakistan , Albert F. Del Rosario
Teodoro Locsin Jr. official Twitter account, June 24, 2019

(Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.