“Fake news” ang pinili ng Collins Dictionary na word of the year bunsod ng pagkalat nito at “walang kapantay na paggamit.”
Gayunman, iba-iba ang mga kahulugan ng termino, at kung minsan ay nagkakasalungat. Narito ang isang listahan.
Ayon sa mga diksiyunaryo
Sa Collins Dictionary, ang fake news ay “mali, kadalasang sensasyonal na impormasyong ikinakalat na kunwari’y ulat na balita,” habang para sa Oxford Learner’s Dictionary ang mga ito ay “mga maling ulat ng mga pangyayari, na isinulat at binabasa sa mga website.”
Dagdag ng Cambridge Dictionary, ang fake news ay “kinakalat sa internet o gumagamit ng iba pang media, kadalasang nilikha para maimpluwensyahan ang mga pananaw sa pulitika o bilang isang biro.”
Ayon sa isang artikulo sa Time magazine, isasama ng Dictionary.com ang “fake news” sa susunod na update nito at tutukuyin ito bilang “mga maling balita, kadalasan sensasyonal, na ginawa upang ikalat nang husto online para kumita mula sa advertisements sa pamamagitan ng web trapik o paninira sa isang pampublikong personalidad, kilusang pampulitika, kumpanya, atbp “
Samantala, hindi isinama ng Merriam-Webster ang termino sa diksiyunaryo at sinabing ito ay isang “self-explanatory compound noun:”
“Isang kumbinasyon ng dalawang natatanging mga salita, parehong kilalang-kilala, na kapag ginamit sa kumbinasyon ay madaling maintindihan ang kahulugan. Ang fake news ay, napakasimple, balita (“materyal na iniulat sa isang pahayagan o pahayagan ng balita o sa isang newscast”) na peke (“hindi totoo, huwad”).
Ayon sa mga mambabatas
Dalawang nakabinbin na panukala sa Kongreso ang naghahangad na ipagbawal at parusahan ang paglikha at pagkalat ng fake news.
Walang tiyak na depinisyon ang fake news sa Senate Bill No. 1492. Sinabi lang ng may-akda na si Sen. Joel Villanueva na ang pagbibigay ng kahulugan nito (fake news) ay mas mabuting ipaubaya sa mga korte.
Ang mas pinakahuling House Bill No. 6022 na isinampa ni Camarines Sur Rep. Luis Raymond Villafuerte Jr. ay naglalarawan sa fake news sa tatlong iba’t ibang paraan:
- Maling quotation o di-tumpak na ulat ng pahayag
- Pag edit ng audio o video na nagreresulta sa pagbaluktot ng katotohanan at/o konteksto
- Pawang gawa-gawang paksa
Ayon sa mga propesyonal sa media at tagapagtanggol ng press freedom
Tinutukoy ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) ang fake news sa pamamagitan ng pinagmulan nito.
Ang mga site na ginagaya ang mga lehitimong website ng balita, walang mga pahina na “About Us ” o “Contact Us,” naglalabas ng mga hindi beripikado na pinagsama-samang nilalaman at nagbabahagi ng mga post na trending ay maaaring mga pinagkukunan ng fake news, sabi ng CMFR.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni CMFR Chair Vergel Santos na ang isang batas laban sa fake news ay maaaring gamitin laban sa mga mamamahayag. Dagdag ni Santos, ang mga batas sa libelo ng bansa ay sapat na mga panangga laban sa fake news.
Ang mga pinagmumulan ng fake news, sabi ni Melissa Zimdars, isang propesor ng komunikasyon at media sa Merrimack College sa Massachusetts, ay ang mga “ganap na nag-iimbento ng impormasyon, nagkakalat ng mapanlinlang na nilalaman, o garapalang binabaligtad ang tunay na mga ulat ng balita.”
Sabi ng First Draft, isang nonprofit na media research group, ang “fake news” ay isang terminong “nakalulungkot na kulang,” na pinagsamasama ang mis-information, disinformation, at mal-impormation, o kung ano ang tinatawag ng grupo na “tatlong uri ng sakit ng impormasyon:”
“Ang Dis-impormation ay impormasyon na hindi totoo at sadyang nilikha upang saktan ang isang tao, grupo sa lipunan, organisasyon o bansa. Ang mis-impormation ay impormasyon na hindi totoo, ngunit hindi nilikha na may intensyon na magdulot ng pinsala. Mal-impormation ay impormasyon na batay sa katotohanan, na ginagamit upang saktan ang isang tao, organisasyon o bansa tulad ng palihim na paglalabas ng istorya, panggugulo at speech na nagtatanim ng poot. “
Pinagkunan: Information Disorder: Toward a disciplinary framework for research and policymaking.
Ayon sa Facebook
Ginagamit ng Facebook, na binatikos dahil sa pagkalat ng fake news, ang salitang “false news” upang ilarawan ang mga artikulo ng balita na nagkukunwaring katotohanan ngunit “naglalaman ng mga sinasadyang maling pahayag ng katotohanan para gisingin ang mga silakbo ng damdamin, maakit ang mga manonood, o manloko.”
Sabi ng Facebook ang mga nagkakalat ng fake news “ay maaaring naudyukan ng pera, mga pansariling motibasyong pampulitika, pag-akit ng mga pag-click, o lahat ng binanggit.”
Ayon sa publiko
Isang pag-aaral na inilabas noong Oktubre ng Reuters Institute for the Study of Journalism sa University of Oxford ang nagpapakita na ang tingin ng karamihan ng mga tao sa fake news ay isang “malawak at magkakaibang kategorya” at hindi lamang tungkol sa mga gawa-gawang ulat na sinadya upang makapanloko.
Sabi ng pag-aaral, ang fake news para sa publiko ay maaaring nangangahulugang:
- Mahinang uri ng pamamahayag: hindi tumpak, sensasyonal at mababaw na pag-uulat ng kilalang mga organisasyon ng media
- Propaganda: nagsisinungaling na mga pulitiko at matinding nilalaman mula sa matapat na mga tagasuporta
- Ilang uri ng advertising: sponsored at promoted na nilalalaman, at pop-up na mga ads
Mga pinagkunan:
Senate Bill 1492: Anti-Fake News Act of 2017
House Bill 6022: Anti-Fake News Act of 2017
Collins Dictionary, “Fake News”
Oxford Learner’s Dictionary, “Fake News”
Cambridge Dictionary, “Fake News”
Time.com, The Dictionary is adding an entry for ‘fake news.’ Sept. 27, 2017
Merriam-Webster, The Real Story of Fake News
Center for Media Freedom and Responsibility, Knowing your source: think before you click. Oct. 4, 2016
First Draft, Information Disorder: Toward a disciplinary framework for research and policymaking
Facebook, Information Operations and Facebook
Reuters Institute for the Study of Journalism, “News you don’t believe”: Audience perspectives on fake news