Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ano ang ibig sabihin ng ‘walang kalaban’ sa 2022 halalan

Ang mga kandidatong walang kalaban ay nangangailangan lamang ng kahit isang boto para manalo, ayon sa Comelec.

By VERA Files

May 4, 2022

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mahigit 800 kandidatong walang kalaban ang nakatitiyak na maupo sa puwesto na kanilang hinahangad sa Mayo 9 na halalan.

Ipinaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) Law Department na “maaaring ideklarang naihalal ang mga kandidato kung sila ay makakatanggap ng pinakamarami o mas nakahihigit na mga legal na boto sa halalan.” Ngunit para sa isang nag-iisa o walang kalaban na kandidato, “isang simpleng mayorya ng mga boto o kahit isang boto lamang” ay maaaring magpanalo sa kandidato.

Narito ang kailangan mong malaman tungkol sa pagtakbo ng mga kandidatong walang kalaban sa Pilipinas:

1. Sino ang mga walang kalaban na kandidato?

Ang kaso ng mga kandidatong tumatakbo nang walang kalaban ay “natural na bunga lamang ng isang demokratikong sistema,” sabi ng abogadong si Michael Yusingco sa isang panayam sa VERA Files Fact Check. Si Yusingco ay isang senior research fellow sa Ateneo de Manila School of Government.

 

Alamin kung sino ang mga kandidato na walang kalaban sa infographic na ito:

 

 

2. Bakit ito mahalaga?

Bagama’t itinuturing ito ni Yusingco na isang “normal na kahihinatnan” sa demokratikong halalan, ikinalungkot niya na ang Pilipinas ay mayroong “napakaraming” walang kalaban na kandidato. “[Ito] ay isang indikasyon ng isang hindi gumaganang demokratikong sistema,” sabi niya, “dahil ang publiko ay wala nang puwang o interes na tumakbo laban sa mga kandidatong iyon.”

Ang dami ng mga walang kalaban na kandidato ay nagpapakita ng dominasyon ng mga political dynasties sa Pilipinas, sabi ni Yusingco. Ayon sa Inter-Agency Task Force on Federalism and Constitutional Reform (CORE), umiiral ang political dynasty kapag:

“…a family whose members are related as a spouse, and up to the second degree of consanguinity or affinity, whether such relations are legitimate, illegimitate, half, or full blood, maintains or is capable of maintaining political control by succession or by simultaneously running for or holding elective positions.”

 

(…isang pamilya na ang mga miyembro ay may relasyon bilang asawa, at hanggang sa ikalawang antas ng consanguinity o affinity, maging lehitimo man, hindi lehitimo, kalahati, o buong kadugo ang mga naturang relasyon, ay nagpapanatili o may kakayahang mapanatili ang kontrol sa pulitika sa pamamagitan ng pagmamana o sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagtakbo para sa o paghawak ng mga elective na posisyon.)

 

Pinagmulan: Office of the President, Inter-Agency Task Force on Federalism and Constitutional Reform, Okt. 31, 2018

Ang CORE ay nilikha ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 para bumalangkas ng mga panukalang pagbabago sa 1987 Constitution. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Draft charter defines, bans political dynasties)

Sinabi ni Yusingco sa Ingles na “halos may one-on-one na ugnayan sa pagitan ng mga kandidatong tumatakbong walang kalaban at ang mga kandidatong iyon ay miyembro ng fat dynasties.” Ang mga pamilyang ito, kung gayon, ay “nakakamit ng lahat ng mga kalamangan” sa halalan sa pamamagitan ng panggigitgit sa kanilang kumpetisyon, idinagdag niya.

Binanggit niya ang mga Tan ng Sulu bilang isang halimbawa ng isang “fat dynasty.”

Ang datos mula sa Comelec, noong Marso 18, ay nagpapakita rin na karamihan sa mga walang kalaban na kandidato ay mga nanunungkulan na naghahangad na muling mahalal para sa ikalawa o ikatlong termino.

Sinabi ni Yusingco na ang sitwasyon ay nagpapakita ng mga patibong sa political party system ng bansa, na nangatuwiran na ang “tunay na demokratikong partidong pampulitika … ay palaging magsusumikap na maglagay ng isang kandidato.”

Dahil dito, aniya, karamihan sa mga Pilipino ay nakikilahok lamang sa halalan sa pamamagitan ng pagboto at hindi sila naghahangad na sumali sa mga partidong politikal na nagsusulong ng mga adbokasiya na umaayon sa kanilang mga prinsipyo.

Ayon sa batas, gayunpaman, ang Pilipinas ay hindi maaaring magpasa ng batas na magbabawal sa mga kandidato na walang kalaban dahil ito ay magiging “hindi demokratiko at labag sa konstitusyon,” ayon kay Yusingco.

“Ang kulang sa atin ay isang batas na kumokontrol sa partisipasyon ng political dynasties sa ating halalan,” aniya sa Ingles.

Nakasaad sa 1987 Constitution na dapat magkaroon ng “pantay na mga pagkakataon para makapagbigay serbisyo sa publiko,” at sa gayon, ang political dynasties, na “maaaring tukuyin ng batas,” ay ipinagbabawal.

Mula noong muling pagpupulong ng Kongreso noong 1987, ilang panukala laban sa dinastiyang pampulitika ang inihain sa Senado at House of Representatives, ngunit walang nakarating sa plenaryo para mapagdebatehan.

Sa pinakahuling panukalang batas na inihain ni Sen. Grace Poe noong Mayo 4, 2020, ang political dynasty ay tinukoy bilang “ang konsentrasyon, pagsasama-sama, at/o pagpapatuloy ng mga kapangyarihang pampulitika ng mga taong may kaugnayan sa isa’t isa hanggang ikalawang antas ng consanguinity o affinity.”

Iminungkahi ni Poe na ipagbawal ang sinumang may kaugnayan sa political dynasty sa sinumang nanunungkulan na nahalal na opisyal “na pumalit” sa nanunungkulan at “magkasabay na tumakbo” para sa posisyon sa barangay, lungsod, munisipyo, distrito, o probinsya sa parehong lugar.

Sa pambansa o lokal na antas (bilang mayor, gobernador, o kinatawan ng distrito), iminumungkahi ni Poe na ang mga asawa at mga kamag-anak sa ikalawang antas ay hindi maaaring tumakbo nang sabay para sa nasabing mga posisyon “sa alinmang bahagi ng bansa.”

Bukod sa pagsusulong ng batas na kumokontrol sa political dynasties, sinabi ni Yusingco na ang demokratikong halalan sa Pilipinas ay dapat na kaakibat ng political will at partisipasyon ng mga botante.

(Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ang boto ng Filipino noong Mayo 2022)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Commission on Elections, Personal Communication (email)

Michael Yusingco, Personal Communication (call)

Official Gazette of the Philippines, The Constitution of the Republic of the Philippines

Official Gazette of the Philippines, ​​The Local Government Code Of The Philippines

Office of the President, Inter-Agency Task Force for Federalism and Constitutional Reform, Prohibition Of Political Dynasties

Anti-political dynasty bills filed in the 18th Congress

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.