Noong Enero 8, nilinaw ng Commission on Higher Education (CHED) sa isang press conference ang mga isyu sa pagpapahinto ng Senior High School (SHS) program sa local at state universities at colleges (LUCs at SUCs).
“[Ang] K-12 program ay hindi inaalis. Wala sa kapangyarihan ng komisyon na buwagin [ang] K-12 program. Ito ay isang batas na ipinagtibay ng Kongreso. Magpapatuloy ang K-12 alinsunod sa Republic Act na lumikha nito,” sinabi ni CHED Chairperson Prospero “Popoy” De Vera.
Bakit ititigil ng CHED ang SHS program sa mga unibersidad at kolehiyong pinamamahalaan ng gobyerno? Narito ang kailangan mong malaman:
1. Bakit ititigil ng CHED ang SHS program sa LUCs at SUCs?
Noong Dis. 18, 2023, naglabas ng memorandum ang CHED na nag-uutos sa mga LUC at SUC na simulan ang pagtatapos ng kanilang SHS program para sa school year 2024-2025, dahil wala nang legal na basehan para pondohan ito.
Sa press briefing noong Enero 8, ipinaliwanag ni De Vera na nagkaroon ng kasunduan ang CHED sa Department of Education (DepEd) noong 2015 kung saan pinapayagan ang mga LUC at SUC na magkaroon ng SHS program mula school years (SY) 2016-2017 hanggang 2020-2021 para tumulong na matugunan ang mga capacity isyu.
Aniya, walang bagong college enrollees noong transition period ng K-12 system kaya tinanggap ng LUCs at SUCs ang mga mag-aaral ng SHS para tumulong sa mga basic education institutions na noong panahong iyon, kailangan pa ng mas maraming pasilidad para ma-accommodate ang mga Grade 11 at Grade 12 students.
Nilinaw ni De Vera na ang kanyang memorandum noong Dis. 18 ay nagsisilbing paalala lamang ng kasunduang iyon na ginawang legal ng Circular Memorandum Order Nos.32 at 33 na inisyu noong 2015 at 2016, ayon sa pagkakasunod.
“Walang arbitrariness sa bahagi ng CHED dahil maraming state universities at colleges ang nagsara ng kanilang senior program noon pang tatlong taon na ang nakakaraan,” binanggit ni De Vera.
“Hindi ito ayon lamang sa sariling kagustuhan. Hindi ito kapritso. Nangyayari ito hindi lang ngayon,” iginiit niya.
2. Ano ang mangyayari kapag ang SHS program ay itinigil sa mga LUC at SUC?
Nakasaad sa memorandum noong Dis. 18 na naglabas ang DepEd ng abiso sa pamamagitan ng Private Education Assistance Committee (PEAC) na wala nang tulong na manggagaling gobyerno para sa mga estudyante at guro ng pribadong paaralan na lumipat sa SUCs at LUCs para sa SHS program.
Gayunpaman, ang mga pumapasok sa Grade 12 sa SY 2023-2024 ay exempted sa direktiba na ito.
Paliwanag ni De Vera, maaaring walang legal na basehan ang pagbibigay ng voucher dahil tapos na ang transition period. Dahil ang tuition ng mga mag-aaral mula sa SUCs at LUCs ay pinondohan ng gobyerno, binabayaran ng DepEd ang tuition at miscellaneous fees ng mga SHS students na naka-enroll sa mga unibersidad at kolehiyong ito sa pamamagitan ng voucher program nito.
.“Kung ang mga SUC ay tatanggap ng mga estudyante mula sa Senior High, paano nila babayaran ang kanilang pag-aaral? Kaya, iyon ang dahilan kung bakit kailangang pag-usapan ito ng mga board,” sinabi niya.
Sa pinakahuling ulat mula sa DepEd, binanggit ang kabuuang 17,700 Grade 11 na mga mag-aaral na maaaring maapektuhan ng paghinto ng SHS program sa mga unibersidad at kolehiyo na pinamamahalaan ng gobyerno.
Gayunpaman, tiniyak ni Education Undersecretary Michael Poa na walang mga tumatanggap ng voucher ang naapektuhan ng CHED memorandum, at idinagdag na ang mga estudyanteng ito ay may dalawang opsyon sa susunod na school year: “Magpatala sa mga pampublikong paaralan o kung mas gusto nila, maaari rin silang mag-enroll sa pribadong paaralan at gumamit ng voucher program.”
Umani ng reaksyon mula sa mga mambabatas ang direktiba na itigil ang SHS program sa SUCs at LUCs.
Nanawagan si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa CHED at DepEd na tiyakin ang maayos na komunikasyon sa pagitan nila upang walang maalis na mga estudyante.
Si Sen. Grace Poe, sa kabilang banda, ay nagmungkahi na ang mga awtoridad sa edukasyon ay magsagawa ng pagtatasa “upang malaman kung ang mga pampublikong paaralan sa buong bansa ay may mga pasilidad at tauhan upang tanggapin ang inaasahang pagdagsa ng mga mag-aaral.”
Sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na ang mga naunang konsultasyon sa mga stakeholder ay dapat na ginawa bago putulin ang tulong pinansyal.
“Sana nagkaroon ng konsultasyon sa students, parents at teachers kasi apektado sila dito. Sa mga estudyante at magulang kasi mawawalan sila ng ayuda at makikipagsiksikan sa mga public high school. Sa mga guro din na maaaring in limbo ang kanilang load at trabaho dahil dito,” aniya.
Samantala, sinabi ni De Vera na may posibilidad pa rin na payagan ang mga SUC at LUC na ipagpatuloy ang SHS program pagkatapos ng masusing pag-aaral.
“Sa tamang panahon, kung matukoy natin na limitado o walang kapasidad ang mga pasilidad ng DepEd at mayroon pa ring kapasidad sa SUCs o LUCs, isa-isa nating ituturing ang mga kasong ito at titingnan ito at hahanapan ng legal na batayan upang ipagpatuloy ang program na ito, ngunit hindi iyan magagamit sa ngayon. Kaya nga inutusan namin ang SUCs at LUCs na pag-usapan ito ngayon,” sinabi niya.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Commission on Higher Education, Press Conference on the Discontinuance of SHS program in government-run universities and colleges, Jan. 8, 2024
CHED memorandum dated Dec. 18, 2023
- Philstar, CHED directs SUCs to stop offering SHS program, Dec. 31, 2023
- Inquirer.net, CHED: No more Sr. High School program in SUCs, LUCs, Jan. 2, 2024
- Pahayagang KAPP, Memorandum from the Office of the Chairperson, Dec. 29, 2023
Commission on Higher Education, CMO No. 32, Oct. 20, 2015
Commission on Higher Education, CMO No. 33, June 6, 2016
Statement from DepEd
- Inquirer.net, DepEd: 17,700 Grade 11 students in SUCs, LUCs must change school, Jan. 3, 2024
- GMA News, DepEd: SHS learners in SUCs, LUCs may transfer to public schools, Jan. 3, 2024
- Philippine News Agency, CHED directs SUCs, LUCs to handle K-12 transition program, Jan. 3, 2024
Senate of the Philippines, CHIZ CALLS ON CHED, DEPED TO ENSURE NO STUDENTS ARE DISPLACED WITH SHS PHASE OUT IN SUCS, LUCS, Jan. 4, 2024
Senate of the Philippines, Poe on CHED memo on SHS program, Jan. 4, 2024
Act Teachers Party-list Facebook page, Teacher France: Consultation should have been done first before DepEd and CHed memos cutting financial assistance to Gr.11&12 students, Jan. 4, 2024
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)