Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Bakit problema ang underspending ng gobyerno?

Nanguna sa listahan ang Department of Information and Communications Technology na may 5.6% utilization rate lamang. Bakit mahalagang tugunan ang underspending ng mga tanggapan ng gobyerno? Narito ang mga bagay na kailangan mong malaman.

By VERA Files

Sep 11, 2023

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang sektoral na pagpupulong sa Malacañang noong Ago. 15, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya na tugunan ang underspending at pagbutihin ang kanilang paggamit ng budget.

Ang paglaki ng underspending ng gobyerno sa ikalawang quarter ng taon ay isang alalahanin na pinag-usapan sa mga briefing sa budget sa Senado at sa House of Representatives sa nakalipas na mga linggo.

Bakit mahalagang tugunan ang underspending ng mga tanggapan ng gobyerno? Narito ang mga bagay na kailangan mong malaman:

1. Ano ang underspending at aling mga opisina ang na-flag dahil dito?

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado sa panukalang P5.678 trilyon na budget para sa 2024 noong Ago. 15, tinukoy ni Secretary Amenah Pangandaman ng Department of Budget and Management (DBM) ang underspending bilang “the difference between the programmed disbursements from actual disbursements.”

Ayon sa datos na kanyang ipinakita, ang disbursement na P2.5 trilyon ay nai-program para sa unang semestre ng 2023. Gayunpaman, ang aktwal na disbursement ay umabot lamang sa P2.4 trilyon, na nagresulta sa P170.5 bilyon sa underutilized na pondo.

Sa budget briefing sa House of Representatives noong Ago. 10, ipinakita ni Pangandaman ang listahan ng mga ahensyang may mababang paggamit ng pondo. Nanguna sa listahan ang Department of Information and Communications Technology na may 5.6% utilization rate lamang.

Infographic: Government agencies with low budget utilization in the first quarter of 2023

Ayon sa pangkalahatang probisyon sa General Appropriations Act (GAA) para sa 2022 at 2023, ang mga hindi nagamit o hindi nagastos na mga pondo pagkatapos ng validity period ay dapat na ibalik sa unappropriated surplus ng General Fund, gaya ng itinatadhana sa ilalim ng Executive Order No. 292. Hindi ito dapat gastusin maliban kung may ibang batas na ipinasa na nagpapahintulot sa disbursement.

2. Bakit underspending ang mga ahensya ng gobyerno?

Sa DBCC briefing noong Ago. 15 sa Senado, ipinaliwanag ni Pangandaman ang mga dahilan ng underspending ng mga opisina.

“Sa pangkalahatan, ito ay dahil sa patuloy na pagpapatupad at pagkuha ng mga programa, aktibidad, at proyekto ng iba’t ibang ahensya sa panahong ito ng taon,” aniya.

Batay sa paunang datos na nakalap ng DBM sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensyang nagpapatupad, idinetalye ni Pangandaman ang ilan sa mga isyu na nagresulta sa mababang disbursement:

  • Naitala ang malaking outstanding checks noong Hunyo 2023, na nangangahulugan na ang mga inisyu na tseke ay hindi pa naibabayad
  • Patuloy na pagpapatupad ng mga socio-protection programs, partikular ang pagpaparehistro at pagpapatunay ng mga benepisyaryo
  • Mga problema na may kaugnayan sa procurement
  • Patuloy na right-of-way at site acquisition at utility relocation para sa land at rail transport projects sa ilalim ng Department of Transportation
  • Mga alalahanin sa pagsingil mula sa mga supplier at nagpapautang gaya ng huli na pagsusumite ng mga billing statement at pagsunod sa mga kinakailangan sa dokumentaryo.

Ipinaliwanag ni Pangandaman na ang ilan sa mga problemang ito na may kinalaman sa procurement ay kinabibilangan ng huling delivery ng mga kalakal at nabigong auction dahil sa withdrawal o disqualification ng mga bidder, kawalan ng mga competent na supplier pati na rin ang kakulangan o huling submission ng supporting documents.

3. Bakit problema ang underspending?

Ang gross domestic product (GDP) ng bansa ay lumago lamang ng 4.3% sa ikalawang quarter ng 2023, mas mabagal kaysa sa 6.4% noong unang quarter at 7.5% sa parehong period noong nakaraang taon.

Ito ay pangunahing naiugnay sa mahinang pagkonsumo dahil sa patuloy na pagtaas ng  presyo ng bilihin at pagbaba sa paggasta ng gobyerno, na nag bumaba ng 7.1% mula Abril hanggang Hunyo 2023.

Sa isang event na inorganisa ng University of the Philippines School of Economics noong Ago. 19, sinabi ni Pangandaman na umabot sana sa 5.3% ang GDP ng bansa sa ikalawang quarter kung gumastos lamang ang gobyerno ng hindi bababa sa P65 bilyon mula sa P170-bilyong gap.

Sa parehong pagdinig ng DBCC sa Senado, inilatag ni Pangandaman ang mga plano ng Budget department na tugunan ang underspending, na pangunahing binubuo ng pag-amyenda sa procurement law, issurance ng maagang pagpapalabas ng allotment at paglulunsad ng government purchase card.

Ayon sa Budget secretary, ang mabilis na pag isyu ng mga allotment order ay magbibigay-daan sa mga ahensya na simulan ang pagpapatupad ng mga programa sa sandaling maging epektibo ang budget. Ang mga government purchase card, sa kabilang banda, ay tutulong sa mabawasan ang oras na kailangan para ma-liquidate ang mga transaksyon ng gobyerno at mabawasan ang cash handling ng mga ahensya ng gobyerno.

Noong Ago. 10, naglabas ang DBM ng Circular Letter No. 2023-10, na nag-aatas sa mga ahensya na magsumite ng “catch-up plans” para mapadali ang pagpapatupad ng budget para sa natitirang bahagi ng 2023.

Noong unang bahagi ng Mayo, naglabas ng pahayag ang DBM na humihimok sa mga ahensya ng gobyerno na pataasin ang kanilang disbursement at paggasta sa budget.

“Alam nating lahat na ang ating pambansang budget ay ang buhay ng lahat ng mga programa at proyekto ng gobyerno. Kung mas mabilis nating i-disburse at gamitin ang ating mga pondo, mas mabilis natin makakamit at maipatpaupad ang ating mga proyekto,” sabi ni Pangandaman.

“Kaya gusto naming paalalahanan ang ating mga ahensya na iwasan ang underspending, lalo na mayroon tayong limitadong fiscal space. Muli, kailangan nating itanim ang disiplina sa ating mga ahensiya ng pambansang pamahalaan o ilalagay natin ang pera sa mga ahensyang talagang makakapagpatupad nito. Dapat nating tandaan, simula pa lang ng taon, binigyang-diin natin na ang mga panukalang handa sa pagpapatupad lamang ang isasama sa 2024 budget,” dagdag niya.

Ang panukalang P5.768 trilyon na budget para sa 2024 ay 9.5% na mas mataas kaysa sa kasalukuyang taon at kumakatawan sa 21.8% ng GDP ng bansa.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Radio Television Malacañang – RTVM, Sectoral Meeting: DBM Presentation on Budget Utilization, Aug. 15, 2023

Senate of the Philippines, Committee on Finance (August 15, 2023), Aug. 15, 2023

House of Representatives, FY 2024 Budget Briefings (Committee) DBCC: DBM, NEDA, DOF, BSP (Part 2), Aug. 10, 2023

Department of Budget and Management, General Provisions Fiscal Year 2022, Dec. 30, 2021

Department of Budget and Management, General Provisions Fiscal Year 2023, Dec. 16, 2022

Department of Budget and Management, National Budget Circular No. 590, Jan. 3, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.