Halos 15 buwan matapos ipagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “paggamit, pagbebenta o pagbili ng mga e-cigarette at mga produktong tabako” sa mga wala pang 21 taong gulang, inaprubahan ng House of Representatives ang isang panukalang batas na nagpapababa sa 18 ang minimum na edad ng mga makabibili ng heated tobacco products (HTPs) at electronic nicotine/non-nicotine delivery systems (ENDs/ENNDS).
Ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa noong Mayo, ang House Bill No. 9007 o ang Non-Combustible Nicotine Delivery Systems Regulation Act, ay nagpapahintulot din, bukod sa iba pa, ng online marketing at pagbebenta ng mga HTP at ENDs/ENNDS, na napapailalim sa mga safeguard. Nakabinbin pa rin sa committee level ang katuwang na panukala sa Senado.
“Sa pamamagitan ng pagkilala sa prinsipyo ng harm reduction, nakikita namin na ang panukalang batas na ito ay mag-aambag sa pangangalaga ng kalusugan ng publiko, hindi lamang para sa mga naninigarilyo kundi pati na rin sa mga Pilipinong nasa hustong gulang na naninigarilyo sa kasalukuyan,” sabi ni Rep. Sharon Garin, isa sa mga tagapagtaguyod ng panukalang batas.
Ang industriya ng tabako ay nagtataguyod ng mga HTP at ENDs/ENNDS bilang mga walang usok na alternatibo sa sigarilyo para sa mga naninigarilyo na gustong huminto sa paninigarilyo.
Nang pirmahan niya ang Executive Order No. 106 noong Peb. 26, 2020, sinabi ni Duterte na “may pangangailangan na rendahan ang pag-access at paggamit ng ENDS/ENNDS, HTPs, at iba pang novel tobacco products, upang matugunan ang seryoso at hindi maiaalis na banta sa pampublikong kalusugan, pigilan ang pagsisimula ng mga hindi naninigarilyo at mga kabataan, at bawasan ang mga panganib sa kalusugan sa parehong mga gumagamit at iba pang mga partido na nalantad sa mga emission.”
Tatlong buwan bago nilagdaan ang EO 26, inihayag ng pangulo na ipagbabawal niya ang paggamit at pag-import ng mga e-cigarette at aarestuhin ang sinumang gumagamit nito. “Ito ay nakakalason at (ang) gobyerno ay may kapangyarihan na maglabas ng mga hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at interes ng publiko,” sabi ni Duterte, isang dating naninigarilyo.
Bagama’t ang mga sigarilyo ay hindi sa anumang paraan obsolete sa Pilipinas, ang alternatibong novel tobacco products, na may iba’t ibang anyo, ay umaangat na.
Narito ang limang bagay na kailangan mong malaman tungkol sa mga alternatibong walang usok o smoke-free na produktong tabako:
Ano ang HTPs at ENDS/ENNDS?
Ang mga Heated Tobacco Products o HTP at Electronic Nicotine/Non-Nicotine Delivery Systems (ENDS/ENNDS) ay dalawang alternatibong novel products, na sinasabing hindi gaanong nakapipinsala kumpara sa paninigarilyo. Ito ay mga produktong tabako na pinainit sa temperatura na mas mababa kaysa sa mga regular, sinisindihan na sigarilyo. Dahil walang pagkasunog na nangyayari, pareho itong walang abo o usok.
Ano ang pagkakaiba ng HTP sa ENDS/ENNDS?
Pinapainit ng HTP ang naprosesong dahon ng tabako sa isang partikular na temperature range upang lumikha ng aerosol, na nilalanghap ng mga gumagamit.
Ang ENDS/ENNDS naman ay hindi gumagamit ng dahon ng tabako. Kadalasang pinagsasama-sama sa e-vapor products o “vapes” at e-cigarettes, ang mga ito ay gumagamit ng isang electrically powered coil na tinatawag na atomizer, na nagpapainit ng likidong tinatawag na e-juice, upang makagawa ng aerosol na nilalanghap ng gumagamit.
May nicotine ba ang HTPS at ENDS/ENNDS?
Sinabi sa isang explainer noong 2019 na inilathala ng Philip Morris International (PMI), isang American tobacco company, na ang mga HTP at karamihan ng mga e-cigarette ay may nicotine, ngunit ang ilang mga e-liquid ay walang nicotine o nicotine-free.
Ang nicotine ay “naturally present” sa tabako na ginagamit sa mga HTP, ang sabi ng explainer.
Sa mga e-cigarette, ang nicotine na nagmula sa tabako ay idinaragdag sa e-juice na ginagamit sa produkto. Ang e-juice ay may iba’t ibang flavor at maaaring naglalaman ng maraming iba pang additives bukod sa nicotine.
Ayon sa PMI, ang nicotine ay isa sa mga dahilan kung bakit naninigarilyo ang mga tao. Para huminto sa paninigarilyo ng regular na sigarilyo at lumipat sa mga alternative novel tobacco products, ang mga ito ay “karaniwang kailangang maglaman ng nicotine,” sabi ng explainer.
Wala bang panganib o risk-free ang HTP at ENDS/ENNDS?
Hindi risk-free ang HTP at ENDS/ENNDS.
Ang mga HTP at karamihan sa mga e-cigarette ay may nicotine, na nakaka-adik at hindi risk-free, gaya ng binanggit ng PMI sa kanilang Frequently Asked Questions. Maaaring makaapekto ang nicotine sa pag-debelop ng utak ng adolescents at young adults, ayon sa isang fact sheet ng United States (U.S.) Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
Bilang medyo bagong produkto, wala pang mga pag-aaral na nagdedetalye ng mga short at long-term na epekto ng paggamit ng HTP at ENDS.
Gayunpaman, ipinapakita ng ebidensya na ang mga emission ng HTP ay mayroon pa rin mga nakapipinsalang sangkap. Ang mga aerosol na nabubuo ng ENDS/ENNDS ay may mga nakalalason na sangkap na nakakapinsala sa mga gumagamit at hindi gumagamit na nakalalanghap din ng secondhand na aerosol, ayon sa isang explainer ng World Health Organization (WHO).
Binanggit sa isang 2013 national study sa U.S. tungkol sa alternative tobacco product use at pagtigil sa paninigarilyo na inilathala sa American Journal of Public Health (AJPH) na ang paggamit ng walang usok na tabako “ay nauugnay sa mas mataas na panganib ng oral, esophageal, at pancreatic cancer; myocardial infarction at stroke; sakit sa bibig; at mga problema sa reproductive system.”
Sinasabi ng PMI na ang mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo ay pangunahing sanhi ng paglanghap ng mga nakapipinsalang kemikal na nabuo kapag sinindihan ang tabako. Dahil ang novel tobacco products ay hindi naman sinusunog, sinasabi ng industriya ng tabako na ang mga alternatibong walang usok ay mas ligtas kaysa sa mga regular na sigarilyo.
Nakatutulong ba ang HTP at ENDs/ENNDS sa paghinto ng mga naninigarilyo sa paninigarilyo?
Wala pang nakikitang siyentipikong patunay na nakatutulong ang HTP sa mga naninigarilyo na huminto, ayon sa U.S. CDC.
Gayon din, sinabi ng WHO na ang potensyal para sa ENDS bilang isang interbensyon sa pagtigil sa paninigarilyo ng tabako ay hindi malinaw dahil sa napakamaraming produkto ng ENDS at ang mababang katiyakan na nakapalibot sa maraming pag-aaral.
Bagama’t may mga anecdotal na pahayag na ang mga smoke-free alternative ay mabisang mga gamit sa pagtigil sa paninigarilyo ng tabako, walang pangmatagalang controlled clinical trials na nakapagpatunay dito bilang isang katotohanan, ayon sa pag-aaral noong 2013.
Tala ng editor: Ang VERA Files ay bahagi ng Project Seeing Through the Smoke, na may suporta mula sa International Union Against Tuberculosis and Lung Disease, Inc (The Union) at Bloomberg Philanthropies.
Mga Pinagmulan
House of Representatives, Vol. 5: Record No. 19, p. 31, Rep. Garin Sponsorship Speech, March 22, 2021
Official Gazette, Executive Order No. 106, s. 2020, Feb. 26, 2021
John Hopkins Medicine, 5 Vaping Facts You Need to Know
Centers for Disease Control and Prevention, Heated Tobacco Products: What’s the Bottom Line?
World Health Organization, Heated Tobacco Products: A Brief
Philip Morris International, Heated tobacco products: How are they different from, and similar to, e-cigarettes?, Oct. 18, 2019
Philip Morris International, Who are we
Philip Morris International, Top 15 myths about smoke-free alternatives: Frequently asked questions, Oct. 1, 2019
Centers for Disease Control and Prevention, About Electronic Cigarettes (E-Cigarettes)
World Health Organization, Tobacco: E-cigarettes, Jan. 29, 2020
American Journal of Public Health, Alternative Tobacco Product Use and Smoking Cessation: A National Study, May 2013
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)