Skip to content
post thumbnail

​VERA FILES FACT SHEET: Mga dapat basahin tungkol sa ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ni Marcos

Ang hatol: inilubog ni Marcos ang bansa sa isang malaking krisis na pang-ekonomiya, na ang mga epekto ay nararamdaman hanggang ngayon.

By VERA FILES

Sep 21, 2017

4-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Sa kabila ng napakaraming katibayan na nagpapakita na ang ekonomya ng Pilipinas sa ilalim ni Ferdinand Marcos ay isang disaster, patuloy ang paglaganap ng “mga alternatibong katotohanan.”

Isang halimbawa: Sa Youtube, ang mga salitang “Marcos economy” ay agad magbibigay ng mga video tulad ng “The Golden Era Economic Statistics” o “Golden Achievements of Ferdinand Marcos” na maling naglalarawan sa 20-taong panguluhan ni Marcos bilang isang napakagaling na panahon.

Kahit si Pangulong Rodrigo Duterte, sadya man o hindi, ay nagkakamali pa rin.

Isang halimbawa: Sinabi ni Duterte sa isang speech noong Agosto 29 na kinuha ni Marcos ang kanyang mga ma-alamat na bara ng ginto sa mga kaha ng bansa upang “protektahan ang ekonomiya ng bansa.” (Tignan VERA FILES FACT CHECK: Duterte and Imelda tell contradicting stories about Marcos gold)

Gayunpaman, ito ay matagal nang hindi pinagtatalunan sa naparaming mga libro, pang akademikong mga papeles at mga ulat ng balita.

Ang hatol: inilubog ni Marcos ang bansa sa isang malaking krisis na pang-ekonomiya, na ang mga epekto ay nararamdaman hanggang ngayon.

Mula sa sampol, narito ang tatlong mababasa, hindi man lubusang napakalawak ang saklaw ngunit makatutulong, habang sinasariwa ng Pilipinas ngayong Set. 21 ang ika-45 taon mula noong deklarasyon ng batas militar.

1. The truth about the economy under the Marcos regime

Ang kolum na ito ng propesor sa economics ng University of the Philippines na si Emmanuel De Dios, isinulat noong 2015, ay mababasa sa loob ng 10 minuto.

Bagaman maikli, ito ay naglalaman ng maraming mga detalye at, bukod sa iba pa, ay pinasisinungalingan ang alamat na ang maraming proyektong pang imprastraktura ng administrasyong Marcos, na pinopondohan ng gabundok na utang sa ibang bansa, ay patunay ng kanyang sinasabing pang-ekonomiyang pamana.

“Ang rekord ng ekonomiya sa ilalim ni Marcos ay kapareho ng isang tao na pansandaling nagpakasarap sa buhay gamit ang utang, naging bangkarote, at pagkatapos ay dumanas ng labis na paghihirap na pangmatagalan,” isinulat ni De Dios. “Isang kahangalan na sabihin na kagila-gilalas ang pangangasiwa ng taong iyon sa kanyang buhay, na babanggitin na ebidensya ay ang marangyang pamumuhay na natamasa bago mabangkarote.”

2. An analysis of the Philippine economic crisis

Isinulat noong Hunyo 1984, sa kasagsagan ng krisis sa pang ekonomiya na nilikha ng rehimeng Marcos, ang 96-pahinang ulat na ito nagtatanghal ng mga natuklasan isang workshop na dinaluhan ng ilang propesor ng economics sa UP.

Ang ulat ay nagsimula sa isang deretsahang konklusyon: Ang mga sitwasyon sa labas ng bansa tulad ng krisis sa langis noong 1970 at ang pagpatay sa dating Sen. Benigno Aquino Jr. ay hindi sapat na paliwanag sa krisis pang-ekonomya sa ilalim ni Marcos.

“Ang pangunahing paliwanag dito ay dahil sa uri mga patakarang pangkabuhayan at sistema ng paggawa ng patakaran ng pamunuan,” ayon sa ulat.

Kabilang sa iba pa, tinukoy ng ulat ang usapin ng panlabas na utang, isang mahalagang bahagi na napunta sa mga pribadong kumpanya.

“Ang malaking bahagi ng utang panlabas ay ginarantiyahan o idinaan sa mga pampinansiyal na institusyon ng pamahalaan,” sabi ng ulat. “Ang limitado sanang mga kabiguan at mga trahedya ng korporasyon na sasaluhin ng mga pribadong tao ay naging isang pambansang krisis sa ekonomya, at ang pasanin ng pagbabayad sa mga utang ng ilan ay ipinasa sa buong bansa.”

3. The Philippine Economy: Development, Policies and Challenges

Fast-forward sa 2003, sinuri ng aklat na ito ang mahalagang aspekto ng ekonomiya ng Pilipinas, sa paghahanap ng mga paliwanag sa tinatawag ng mga editor nito na “palaisipan.”

“Ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing pandaigdigang palaisipan ng pag-unlad,” isinulat ng chairperson ng Philippine Competition Commission at dating Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan at propesor sa Australian National University na si Hal Hill sa kanilang pambungad.

Ang pangmatagalang pag-unlad ay hindi makamit ng bansa sa kabila ng mga paborableng unang mga kondisyon matapos masungkit ang kalayaan, tulad ng pagkakaroon ng mas mataas na kita ng bawat mamamayan kumpara sa mas mayaman na ngayong mga kapitbahay sa rehiyon gaya ng South Korea, Taiwan, China at Indonesia, sulat nila.

Walang madaling sagot, ngunit ang panahon ni Marcos ay isang mahalagang bahagi ng paliwanag.

Sulat nina Balisacan at Hill:

“Sa ikalawang dekada ng administrasyong Marcos, nabago ang diskarte sa pagpapaunlad at naging walang takot na pangungutang sa ibang bansa. Ito hindi nagtagumpay dahil sa kumbinasyon ng mga walang-ingat na pamumuhunan, patuloy na pagtindi ng kronyismo at katiwalian, ang pagtaas ng kawalan ng pag-asa sa komunidad (lalo na pagkatapos ng pagpatay kay Aquino noong 1983), at panlabas na kasawian. Ang kasukdulan ay isang malubhang kawalan ng pagkakasundo sa pulitika at malalim at matagalang krisis sa ekonomiya na nagtakda sa bansa pabalik nang higit sa isang dekada, at kung saan ang pagbawi ay naging mabagal at masakit. ”

— Jake Soriano


Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling
salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at
personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami
ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa
Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

 

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.