Gustung-gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na balikan ang kasaysayan sa tuwing binabanggit niya ang tungkol sa Mindanao. Tutuligsain niya ang U.S. dahil sa mga makasaysayang kawalang-katarungan na ginawa nito sa mga mamamayan ng Bangsamoro.
Gayunpaman, ang unang pangulo mula sa Mindanao ay hindi kailanman binabanggit ang isa pang panahon sa kasaysayan ng rehiyon na nadungisan ng mga pang-aabuso sa karapatang-tao: na sa ilalim ng namayapang diktador Ferdinand Marcos, na ang labi ay inilipat sa Libingan ng mga Bayani sa isang lihim na libing noong nakaraang taon na inaprubahan ni Duterte.
Isa sa nakalulungkot na pangyayari ay naganap 43 taon na ang nakakaraan ngayon: Ang Malisbong Massacre, na tinatawag ding Palimbang Massacre.
Maraming pag-aaral, mga ulat ng media at mga testimonya ng mga nakaligtas ang mismong kumilala sa pwersa ng militar noong panahon ng martial law ni Marcos bilang siyang nasa likod ng mga pagpatay.
Sa ulat ng Transitional Justice and Reconciliation Commission (TJRC) sinabing 1,500 kalalakihan at kababaihang Moro ang pinatay ng mga pwersa ng militar at paramilitar noong Setyembre 1974 sa komunidad ng baybayin ng Malisbong sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Ang TJRC ay isang independiyenteng komisyon na inatasan ng mga lupong pangkapayapaan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang magsagawa ng pag-aaral at gumawa ng mga rekomendasyon para matugunan ang mga paglabag sa karapatang pantao, iwasto ang mga nangyaring kawalan ng katarungan sa kasaysayan at itaguyod ang pagpapahilom at pagkakasundo sa mga komunidad na apektado ng hidwaan sa rehiyon ng Bangsamoro.
Sinabi ng isang nakaligtas sa masaker sa komisyon na higit sa 1,000 katao ang ikinulong sa loob ng isang moske at hindi na nakita muli.
“Araw-araw sa moske, kumukuha ang Army ng isa hanggang 10 tao. Ang mga nasa loob ng moske makakarinig ng mga putok ilang mga oras pagkatapos na dalhin ang mga taong ito sa labas. At ang mga dinala sa labas ay hindi kailanman na bumalik, “ayon sa ulat ng TJRC na sinipi ang sinabi ng isang nakaligtas.
Sinabi ng nakaligtas na ang kanyang lolo ay nalibing na buhay habang ang isang kamag-anak ay ipinako sa krus tulad ni Kristo.
Ang kanyang ama, kapatid na lalaki at iba pang kamag-anak ay inilabas at hinubaran ng kanilang mga damit.
“Dinala sila sa beach; inutusan na maghukay ng kanilang sariling mga libingan; at nang matapos na, sila ay binaril at pinatay, ” sabi ng nakaligtas.
Ang mga parehong nakapanlulumong testimonya ay isilaysay ng iba pang mga nakaligtas sa isang dokumentaryo na ginawa ng Commission on Human Rights (CHR).
Sinabi ni Abdulsukor Tacbil, na 11 gulang lamang noon, ang mga kababaihan at mga bata ay ihiniwalay sa mga lalaki. Inutusan ang mga lalaki na pumasok sa moske habang ang mga kababaihan at mga bata ay pinasakay sa isang barko na nakadaong sa katihan.
“Isang araw doon nabilad kami, gutom, yung iba dyan nakita ng mata ko, meron ding namatay na kuan sa laki ng naval. Ang iba itanapon na mga bata kasi nagsakit sa init ng araw,” sabi ni Tacbil.
Mayroon ding mga kwento ng mga kababaihan na ginahasa at pinatay ng militar.
Noong Setyembre 2014, 40 taon matapos ang nakakikilabot insidente, kinilala ng CHR ang mga nakapangingilabot na nangyari sa Malisbong. Ang mga nakaligtas at pamilya ng mga biktima ay isinama sa mga may-habol sa P10 bilyong pondo na itinakda ng pamahalaan upang mabayaran ang mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang-tao sa panahon ng batas militar. (Tignan VERA FILES FACT SHEET: The sins of martial law, in tranches)
Nailagay ng TJRC sa dokumento ang iba pang mga kaso ng mga pang-aabuso sa karapatang pantao sa Mindanao sa panahon ng batas militar ni Marcos sa pamamagitan ng testimonya ng mga saksi. Kabilang dito ang “Tran Incident” at ang “Tong Umapuy Massacre.”
Tinutukoy ng Tran Incident ang isang kampanya ng militar laban sa Moro National Liberation Front (MNLF) sa Central Mindanao mula Hunyo hanggang Agosto 1973. Ang mga sibilyang Moro mula sa Populacion sa Kalamansig, Sultan Kudarat ay kinulong sa isang kampo ng militar, pinagtatanong at pinahirapan. Ang mga kababaihan ay isinakay sa mga barko ng hukbong-dagat at ginahasa.
Ang Tong Umapoy Massacre ay nangyari sa Tawi-Tawi noong 1983, kung saan sinasabing pinagbabaril ng barko ng Navy ang isang bangkang pampasahero at napatay ang 57 katao. Ang mga pasahero, ayon sa mga testimonya, ay papunta sa isang athletic event sa Bongao, ang kabisera.
Ang mga kalupitan na ginawa ng mga armadong grupo na kasangga ng estado tulad ng Ilaga noong panahon ng batas militar ay tampok din sa ulat ng TJRC at isinasaalang-alang bilang “isa sa mga pinaka-nakababahalang pamana ng karapatang pantao ng 40-taong hidwaan.”
Ang ulat ng TJRC at maraming iba pang mga pananaliksik ay nagsabi na ang presensya ng Ilaga sa rehiyon ay nagresulta sa pag-agaw ng lupa at pag-aalis ng mga Moro at mga katutubo doon.
Bago pa idineklara ang batas militar, nasimulan na ng Ilaga ang mga marahas na aktibidad nito.
Ang mga kuwento mula sa ulat ng TJRC at isang pag-aaral ng World Bank ay naniniwala na ang Ilaga ay may kaugnayan sa mga awtoridad ng estado, kabilang ang mga lokal at pambansang pulitiko, upang sugpuin ang lumalaking armadong kilusang Moro.
Kinilala din ng namayapang pangulo na si Diosdado Macapagal ang kaugnayang ito.
Sa isang aklat na may pamagat na Bangsamoro: A Nation Under Endless Tyranny, sinipi si Macapagal na nagsasabing: “Ang patakaran at kakulangan ng pagpapahalaga sa pangangasiwa ng mga problema ng Muslim sa ilalim ng paghahari ni Marcos ay umabot sa sukdulan nang pahintulutan ng mga awtoridad at tulungan ang mga Ilaga, mga armadong grupo ng mga Kristiyanong Pilipino, na naglunsad ng operasyong patayin ang mga Muslim. ”
Bukod sa walang-tuos na pamamaslang at pagsusunog ng mga bahay, ang Ilaga, ayon sa ulat ng TJRC, ay may iniiwang pirma sa paggawa ng mga krimen: pagputol sa kamay at paa at paglapastangan ng mga katawan, kabilang ang kanibalismo.
Tagapagdala ng karangalan at kultura, ang mga kababaihan ay hindi kinaawaan at ginamit ng mga Ilaga at sundalo upang sirain ang magandang kaugalian ng mga Moros.
Nag-ulat ang TJRC ng mga kuwento ng mga kababaihan na ginahasa ng mga Ilagas at mga sundalo sa harap ng kanilang mga pamilya o ng mga kababaihan na pinilit na makipagtalik sa kanilang mga asawa para libangin ang mga sundalo.
Sa pagitan ng 1972 at 1974, ang mga kababaihan ay pinilit na magtrabaho bilang mga sex slave para sa mga Navy. Idinagdag pa ng ulat: “Sa loob ng higit sa isang linggo, ang mga sundalo ay bumubuo ng isang grupo ng hindi bababa sa 10 kababaihan mula sa Labangan at pinilit ang mga ito isakay sa mga bangka ng hukbong-dagat upang paglingkuran ang mga sekswal na pangangailangan ng mga Navy. Nang sumunod na araw sila ay pinakawalan para lamang halinhinan ng ibang grupo ng mga kababaihan. ”
Maraming mga kababaihang Moro at batang babae na dinukot at ginahasa ang hindi na kailanman nakita muli.
Mga pinagkunan:
Report of the Transitional Justice and Reconciliation Commission
Transitional Justice and Reconciliation Commission, The Listening Process Report 2017
Jubair, S. (1999). Bangsamoro: A Nation Under Endless Tyranny, 3rd ed. Kuala Lumpur: IQ Marin.
Land: Territory, Domain, and Identity
Media interview with President Rodrigo Duterte, Lima, Peru, November 18, 206
1,500 Moro massacre victims during Martial Law honored
— Daniel Abunales