Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Pag-unawa sa good conduct time allowance (GCTA) para sa mga bilanggo: 4 na mga bagay na dapat mong malaman

Isang debate sa pagpapatupad ng isang batas na nagdadagdag sa good conduct time allowance (GCTA) ng mga bilanggo ang naganap matapos ang naunang ulat na malapit nang lumaya ang nahatulang rapist-murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez. Una nang kinilala ng Justice Department at Bureau of Corrections (BuCor) si Sanchez bilang isa sa 11,000 mga bilanggo na maaaring makalaya sa bilangguan sa susunod na dalawang buwan.

By VERA Files

Aug 29, 2019

7-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Isang debate sa pagpapatupad ng isang batas na nagdadagdag sa good conduct time allowance (GCTA) ng mga bilanggo ang naganap matapos ang naunang ulat na malapit nang lumaya ang nahatulang rapist-murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez. Una nang kinilala ng Justice Department at Bureau of Corrections (BuCor) si Sanchez bilang isa sa 11,000 mga bilanggo na maaaring makalaya sa bilangguan sa susunod na dalawang buwan.

Ang Republic Act 10592 ay pinagtibay noong 2013, na sinusugan ang RA 3815 o ang Revised Penal Code (RPC). Dinagdagan ng batas ang GCTA ng mga bilanggo upang mai-kredito sa serbisyo ng kanilang parusa. Noong nakaraang Hunyo, nagpasya ang Korte Suprema na ang batas ay dapat pairalin bago pa man ito naipagtibay.

Ilang mambabatas, kasama na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ay nanawagan para suriin ang batas.

Ngunit ano ba talaga ang GCTA? Makikinabang ba dito ang lahat ng mga bilanggo?

Narito ang apat na mga bagay na dapat mong malaman.

Ano ang good conduct time allowance?

Ang good conduct time allowance o GCTA ay pagbabawas sa sentensya ng mga bilanggo na nagpapakita ng mabuting pag-uugali.

Umiral ito mula pa noong 1906. Ang Act 1533 ay ang “pagbabawas ng mga sentensyang ipinataw sa mga bilanggo” bilang pagsasaalang-alang sa mabuting pag-uugali at kasipagan.

Sa isang desisyon noong 1908, sinabi ng SC na ang batas ay nagsilbi ng dobleng layunin: “himukin ang bilanggo na magsikap na magbago” at “hikayatin…ang mga gawi ng pagsisikap at mabuting pag-uugali” sa tao higit sa kanyang sentensya, at “tumulong sa disiplina” sa iba’t ibang mga kulungan at bilibid.

Makalipas ang dalawampu’t apat na taon, ang RPC, isang ligal na code na namamahala sa mga krimen at kanilang parusa, ay nilagdaang maging batas, na nagsasama ng mga good conduct time allowance para sa “sinumang bilanggo sa anumang sitwasyon sa bilibid.”

Ano ang RA 10592 at paano ito gumagana?

Noong Mayo 2013, pinirmahan nang noo’y Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang RA 10592, na sinusugan ang mga Article 29, 94, 97, 98, at 99 ng RPC, na naghahangad na:

    • palawakin ang aplikasyon ng GCTA sa mga nasa ilalim ng preventive imprisonment o mga nakakulong bago at sa panahon ng paglilitis, na itinuturing na mapanganib kung palalayain;
    • dagdagan ang bilang ng mga araw na maaaring ikredito para sa GCTA;
    • payagan ang karagdagang pagbabawas ng 15 araw para sa bawat buwan ng pag-aaral, pagtuturo, o paglilingkod sa pangangalaga; at
    • palawakin ang espesyal na allowance ng oras para sa katapatan at gawin itong angkop sa mga nasa ilalim ng preventive imprisonment.

Sa mga kaso ng “espesyal na sitwasyon,” tulad ng mga kalamidad, ang mga bilanggo na, pagkatapos umiwas sa preventive imprisonment o pagseserbisyo ng kanilang sentensya, ay sumuko sa mga awtoridad sa loob ng 48 oras matapos ang “pangyayari” na lumipas, ay makakukuha ng pagbabawas ng isang-ikalima ng kanilang sentensya bunga ng “katapatan.”

Ibig sabihin, ang mga bilanggo na umiwas sa serbisyo dahil sa sunog, lindol, pagsabog, o iba pang mga sakuna ay dapat sumuko sa loob ng dalawang araw mula sa deklarasyon ng mga awtoridad na ang mga kaganapang ito ay hindi na umiiral upang maging karapat-dapat sa pagbabawas dahil sa katapatan.

Ayon sa Section 5 ng batas, ang direktor ng BuCor, pinuno ng Bureau of Jail Management and Penology, at/o ang warden ng panlalawigan, distrito, munisipal o bilangguan ng lungsod “ay magbibigay ng mga allowance para sa mabuting pag-uugali.”

Noong nakaraang Hunyo, ipinagkaloob ng SC ang petisyon na isinampa ng mga bilanggo ng New Bilibid Prison, na nagpapawalang-bisa sa Sec. 4, Rule 1 ng RA 10592 Implementing Rules and Regulations (IRR), na nagsasaad na ang pagbibigay ng allowance ng oras sa mga bilanggo dahil sa mabuting pag-uugali, pag-aaral, pagtuturo, at mentoring service, at pagiging matapat “ay maaasahan ang pagpapatupad.”

Nagpasya ang Korte Suprema na ang batas ay dapat magkabisa sa petsang nakaraan, nangangahulugang ang mga nakakulong o nahatulan bago pa pumasa ang RA 10592 ay dapat ding masakop, at, samakatuwid, ay maaaring makinabang sa batas.

Ang desisyon ay alinsunod sa Article 22 ng RPC, na nagsasaad na ang mga penal law “ay magkakaroon ng epekto simula sa nakaraan dahil pinapaboran nito ang mga taong nagkasala ng krimen, na hindi pusakal na kriminal.”

Sino ang makikinabang sa batas?

Ang mga bilanggo na nagpapakita ng “mabuting pag-uugali at [walang] rekord ng paglabag sa disiplina o paglabag sa mga panuntunan at regulasyon ng bilangguan” ay maaaring maging karapat-dapat sa GCTA, ayon sa operating manual ng BuCor, tulad ng nabanggit sa desisyon ng SC.

Ang IRR ng RA 10592 ay tumutukoy sa mabuting pag-uugali tulad ng:

the conspicuous and satisfactory behavior of a detention or convicted prisoner consisting of active involvement in rehabilitation programs, productive participation in authorized work activities or accomplishment of exemplary deeds coupled with faithful obedience to all prison/jail rules and regulations

(ang hayag at kasiya-siyang pag-uugali ng isang nasa detensyon o nakakulong na bilanggo na binubuo ng aktibong paglahok sa mga programa ng rehabilitasyon, produktibong pakikilahok sa mga pahintulutang gawain o pagtupad ng mga huwarang gawa na kasama ng tapat na pagsunod sa lahat ng mga patakaran at regulasyon ng bilangguan/kulungan.”

Pinagmulan: Supreme Court, G.R. No. 212719/G.R. No. 214637, Hunyo 25, 2019

Sa mga nakaraang taon, si Sanchez ay nahuling lumabag sa mga patakaran ng kulungan, ayon sa mga ulat mula sa Philstar.com, Rappler, at CNN Philippines.

Noong 2006, isang reklamo ang isinampa laban kay Sanchez dahil sa umano’y pagkakaroon ng shabu at marijuana.

Noong 2010, isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon ang natuklasan sa isa sa mga estatwa ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng kanyang selda. Pagkalipas ng limang taon, isang air-conditioner, flat-screen na telebisyon, at refrigerator ang nakuha sa kanyang selda.

Si Sanchez ay nahuli ring positibo sa paggamit ng iligal na droga, ayon sa isang ulat ng BuCor.

Sino ang hindi saklaw ng batas?

Ang mga taong paulit-ulit sa paggawa ng krimen o ang mga “dati nang nahatulan ng dalawang beses o higit pa sa anumang krimen,” mga karaniwang delingkwente, takas at mga taong kinasuhan ng mga heinous crime ay hindi saklaw nito, ayon sa Section 1 ng RA 10592.

Ang batas, pati na rin ang RPC, gayunpaman, ay hindi tinukoy kung ano ang bumubuo sa “heinous crime.”

Sa ilalim ng RA 7659 o the Death Penalty Act, ang mga heinous crime ay:

grievous, odious and hateful offenses and which, by reason of their inherent or manifest wickedness, viciousness, atrocity and perversity are repugnant and outrageous to the common standards and norms of decency and morality in a just, civilized and ordered society

(matindi, nakasusuklam at nakamumuhing mga pagkakasala at kung saan, sa kadahilanan ng kanilang likas o hayag na kasamaan, kabangisan, kalupitan at kabalintunaan ay nakagagalit at nakaririmarim sa mga karaniwang huwaran at pamantayan ng kagandahang-asal at moralidad sa isang makatarungang, sibilisado at maayos na lipunan).”

Sa Death Penalty Act, na pinawalang-bisa noong 2006, ang pagpatay at panggagahasa ay tinukoy na “heinous crime” na maaaring parusahan ng kamatayan.

Noong 1995, sina Sanchez at anim na iba pa ay nasentensiyahan ng pitong termino ng reclusion perpetua, para sa brutal na panggagahasa at pagpatay sa estudyante ng University of the Philippines Los Baños na si Eileen Sarmenta at sa torture at pagpatay kay Allan Gomez, isa pang estudyante, noong 1993.

Sa ilalim ng RPC, ang pinakamahabang panahon ng pagkakakulong ay 40 taon, anuman ang bilang ng mga termino ng sentensya ng isang tao. Ibig sabihin, ang pinakamatagal na ilalagi ni Sanchez sa bilangguan ay 40 taon, kahit na siya ay pinarusahan ng pitong habang-buhay na pagkabilanggo.

Noong 1996, nahatulan ng korte sina Sanchez at tatlong iba pa sa double murder ng mag-amang Nelson at Rickson Peñalosa. Nakakulong na si Sanchez noon para sa panggagahasa at pagpatay kay Sarmenta at pagpatay kay Gomez, ayon sa Inquirer.net, Philstar.com, at ABS-CBN News.

Noong 1999, kinumpirma ng SC ang mga desisyon ng mas mababang kapulungan laban kay Sanchez sa panggagahasa at pagpatay kina Sarmenta at Gomez at pagpatay sa mga Peñalosa.

 

Mga Pinagmulan

ABS-CBN News, Ex-Calauan mayor Sanchez, convicted for 1993 rape and murder, set for release, Aug. 21, 2019

Philstar.com, Ex-mayor Antonio Sanchez set for release, Aug. 21, 2019

Interaksyon.com, Rapist-murderer Antonio Sanchez is about to walk free, and people are furious, Aug. 21, 2019

Official Gazette, Republic Act 10592

Lawphil.net, Act 1533

Chan Robles Virtual Law Library, Act 1533

Official Gazette, Republic Act 3815

Bureau of Corrections, Operating Manual

Supreme Court, Inmates of the New Bilibid Prison, Muntinlupa City, namely: Venancio A. Roxas, et al. Vs Secretary Leila M. De Lima, Department of Justice and Secretary Manuel A. Roxas II, Department of the Interior and Local Government/Reynaldo D. Edago, et al. Vs. Secretary Leila M. De Lima, et al., June 25, 2019

Philstar.com, Good behavior? Prison violations, murder convictions mar Sanchez’s record, Aug. 22, 2019

Rappler.com, BuCor changes tune: Sanchez may not be freed soon after all, Aug. 22, 2019

CNN Philippines, Family of Antonio Sanchez’s victim questions convict’s supposed good behavior in Bilibid, Aug. 22, 2019

Official Gazette, Republic Act 7659

Inquirer.net, Antonio Sanchez was convicted of 2 other murders, Aug. 22, 2019

ABS-CBN News, Sanchez had sought clemency, but was denied due to ‘gravity of offenses’, Aug. 23, 2019

Supreme Court, G.R. No. 121039-45, January 25, 1999

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.