Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address noong Hulyo 24 na magbibigay sa mga dayuhang merchant marine vessel ng tuluy-tuloy na supply ng maaasahang Filipino seafarers.
Sa paglipas ng mga taon, ang Pilipinas ay kabilang sa mga nangungunang supplier ng seafarers sa pandaigdigang merkado. Ang bansa ay nagde-deploy ng mahigit 400,000 seafarers bawat taon mula 2017, at ito ay umabot sa 507,730 noong 2019.
Ngunit sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong 2020, mayroong 57% na kakulangan sa deployment ng seafarer ang bansa, kung saan 217,000 lamang ang naipadala para mag trabaho, ayon sa ulat mula sa Maritime Industry Authority (MARINA). Gayunpaman, ang bansa ay nagpatuloy na nasa nangungunang puwesto sa pandaigdigang seafaring market noong 2021, na tinalo ang Russia, Indonesia, China at India.
Ang deployment ng mga Filipino seafarer ay hindi palaging smooth-sailing. Noong 2022, nahaharap sila sa isang potensyal na ban sa pagtatrabaho sa mga sasakyang European.
Nangyari ito matapos makita sa 2020 European Maritime Safety Agency (EMSA) audit na hindi sumusunod ang bansa sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (ISTCW), na nagtatakda ng “minimum na pamantayan kaugnay nang training, certification at watchkeeping para sa mga seafarer kung saan ang mga bansa ay obligadong matugunan o higitan.”
Nabigo ang bansa na maabot ang mga naturang pamantayan sa nakalipas na 17 na taon.
Dahil dito, sinabi ng European Commission (EC) – ang politically independent executive arm ng European Union (EU) – sa gobyerno noong 2021 na babawiin nito ang pagkilala sa mga certificate ng seafarers na inisyu ng Pilipinas “maliban kung may mga seryosong mga hakbang” itong gagawin, kabilang ang pagsunod sa ISTCW.
Sa kanyang SONA, sinabi ng pangulo na ang problema ay “nalutas na sa wakas” at ang bansa “ngayon ay epektibong nagpapanatili ng natatanging competitive advantage ng Filipino seafarers sa pandaigdigang shipping labor market.”
Ano ang ugat ng problemang ito at ano ang iba pang alalahanin na kinakaharap ng mga maritime higher education institutions (MHEIs) sa bansa? Ilang seafarers ang naapektuhan bago ibinaba ng EC ang potential ban nito sa Filipino seafarers? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:
1. Anong mga problema ang kinakaharap ng mga MHEI?
Ang mga problema ng MHEI ay higit pa sa paghahatid ng kurso. Binanggit ng EU Philippine Delegation – ang mga opisyal na kinatawan ng EU sa Pilipinas – “ang mga hindi pagkakapare-pareho kaugnay ng mga kakayahan na saklaw ng mga programang pang-edukasyon at pagsasanay na humahantong sa pagbibigay ng mga certificate ng mga opisyal, gayundin sa ilang mga naaprubahang programa tungkol sa mga paraan ng pagtuturo at pagsusuri, mga pasilidad at kagamitan,” ayon sa mga ulat ng balita.
Noong 2017, tinukoy ng isang pag-aaral ng maritime faculty na sinuri ng National Maritime Polytechnic (NMP) ang mga sumusunod na hamon ng mga MHEI:
- Maling pagkakahanay ng syllabus at pagsasanay sa nilalayon na pag-aaral, programa at mga resulta ng kurso
- Napakaraming inilaan na resulta ng pag-aaral para sa isang tiyak na takdang panahon ng kurso
- Ang mga kagamitan at pasilidad ay hindi na-update upang matugunan ang mga pamantayan ng ISTCW, at hindi proporsyonal sa bilang ng mga mag-aaral
- Kakulangan o hindi pagkakaroon ng mga libro at materyales sa pag-aaral
- Paputol-putol na koneksyon sa internet sa mga paaralan
- Siksikan sa mga silid-aralan
- Kakulangan ng “qualified” maritime faculty dahil sa mabilis na turnover
- Walang mga insentibo para sa mga guro na bumuo at nagdisenyo ng mga pagsasanay sa simulator
- Kakulangan sa pondo ng mga MHEI sa upskilling ng maritime faculty
- Hindi magkakatugmang mga patakaran at alituntunin sa pagitan ng Commission on Higher Education (CHED) at MARINA.
Ang mga rate ng pagkumpleto ng programa at mga rate ng trabaho sa barko ay nananatiling mababa, ayon sa isang pag-aaral noong 2020 sa pamamahala ng mga MHEI. Ang mga nagtapos ng Philippine MHEIs sa 2017 – 2018 school year ay mas mababa pa sa 50% sa 13 rehiyon sa bansa. Ang pinakamababang graduation rate noong academic year ay naitala sa Metro Manila, kung saan 7% o 933 na estudyante lamang ang nagtapos sa 13,550 enrollees.
2. Anong mga hakbang ang ginawa ng pamahalaan ng Pilipinas upang matugunan ang mga ito?
Binalangkas ng MARINA ang 19 na hakbang na ginagawa ng bansa upang matugunan ang mga alalahanin ng EC, pito sa mga ito ay iniulat bilang “nakumpletong mga aktibidad.” Ang iba pang mga pagsisikap ay patuloy, partikular sa pagbuo ng syllabi sa pagtuturo at pagtatasa ng mga resulta ng pagkatuto ng kurso ng mga mag-aaral sa MHEIs.
Karamihan sa mga natapos na aktibidad ng gobyerno ay nakasalalay sa MARINA at sa pagpapalabas ng CHED noong Marso 7, 2022 ng isang binagong patakaran, mga pamantayan at mga alituntunin para sa mga programang Bachelor of Science in Marine Transportation (BSMT) at Marine Engineering (BSMarE).
Nagtakda ito ng pinakamababang 175 at 179 credit units, ayon sa pagkakabanggit, na dapat ipasa ng mga mag-aaral sa bawat isa sa mga programang pang-degree. Ito ay bukod sa 40 credit units na dapat matanggap ng mga estudyante kapag natapos na nila ang kanilang on-board training.
Ang parehong mga alituntunin ay nag-aatas sa mga MHEI na mag offer ng hindi bababa sa dalawa sa 10 na inirerekomendang elective courses na nakabalangkas para sa dalawang degree programs.
Binago pa ng administrasyong Marcos ang mga alituntuning ito noong Pebrero 2023. Bagama’t binawasan nito ang pinakamababang bilang ng mga unit sa 165 at 176 para sa BSMT at BSMarE, ayon sa pagkakasunod-sunod, nilinaw nito na ang mga mag-aaral ng BSMarE ay dapat kumpletuhin ang 436 na oras ng workshop skills training workshop na nakakalat sa pitong kurso ng BSMarE.
Nangangahulugan ito na ang mga mag-aaral ng BSMarE ay magkakaroon ng apat na oras ng laboratoryo sa bawat isa sa 16 na linggo sa isang semestre.
Gayundin, nilinaw ng parehong mga alituntunin na ang mga full-time na miyembro ng faculty ay dapat magkaroon ng maximum load na 30 contact hours bawat linggo.
Higit pa rito, parehong nakatakdang maglabas ng “enhanced curriculum” ang CHED at MARINA para sa maritime schools, kasama ang upskilling at retraining maritime faculty, sabi ni CHED Chairperson Prospero De Vera.
Sa unang bahagi ng taong ito, naglabas ang CHED ng limang taong moratorium sa mga bagong maritime program para masuri ng ahensya ang mga kasalukuyang programa sa mga accredited MHEI ng bansa, na iniutos ni Marcos na tapusin sa loob ng dalawang taon.
3. Ano ang magiging epekto sa maritime industry kung nabigo ang Pilipinas na sumunod sa mga international na pamantayan sa edukasyon ng mga seafarer?
Nasa 50,000 Filipino seafarers na nagtratrabaho sa European vessels ang malalagay sa panganib kung ang Pilipinas ay hindi nagpakita ng “seryosong pagsisikap” na sumunod sa mga kinakailangan ng EC sa pagsubaybay, pangangasiwa at pagsusuri ng pagsasanay at pagtatasa. Sa EU lamang, ang Pilipinas ay patuloy na nangunguna sa mga non-EU holder ng certificate of competency mula noong 2017.
Taon | Bilang ng mayroong certificates of competency |
2017 | 30,615 |
2018 | 39,145 |
2019 | 46,114 |
2020 | 49,461 |
2021 | 47,313 |
Pinagmulan: EMSA, Seafarer Statistics in the EU (Statistical Review 2017 – 2021), na-access noong Ago. 8, 2023
Ang mga tungkulin ng mga Pilipinong seafarer sa mga barko ay hindi limitado sa pag-navigate, pagpapatakbo ng makina at pagpapanatili ng mga sasakyang pangkargamento at turismo. Nagsasagawa rin sila ng mga tungkulin sa pagpapanatili ng quarters, at pagluluto at mabuting pakikitungo sa parehong uri ng mga barko.
Bukod dito, ang dollar remittance ng mga seafarer ay bumubuo ng hindi bababa sa 1.6% ng taunang gross domestic product (GDP) ng bansa mula noong 2017. Noong 2022, nag-remit ang mga seafarer ng $6.71 bilyon, na bumubuo ng 1.66% ng $404.28 bilyong GDP ng bansa sa taong iyon.
Taon | Remittance ng seafarers | GDP | % of GDP |
2017 | 5,870,827 | 328,480,000 | 1.79% |
2018 | 6,139,512 | 346,840,000 | 1.77% |
2019 | 6,539,246 | 376,820,000 | 1.74% |
2020 | 6,353,522 | 361,750,000 | 1.76% |
2021 | 6,545,002 | 394,090,000 | 1.66% |
2022 | 6,715,880 | 404,280,000 | 1.66% |
Pinagmulan: World Bank, GDP – Philippines, na-access noong Ago. 8, 2023; Bangko Sentral ng Pilipinas, Overseas Filipinos’ Remittances (Historical), na-access noong Ago. 8, 2023
Binanggit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang remittances ng Overseas Filipino Workers ay “nagsisilbing catalyst para sa pang-ekonomiyang aktibidad.” Nagbibigay ito ng parehong matatag na mapagkukunan ng kita para sa mga personal na sambahayan at isang matatag na mapagkukunan para sa foreign currency reserves ng bansa, na pinamamahalaan ng BSP upang mapanatili ang pandaigdigang katatagan ng Philippine peso.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Office, 2nd State of the Nation Address of His Excellency Ferdinand R. Marcos Jr. President of the Philippines to the Congress of the Philippines, July 24, 2023
Maritime Industry Authority (MARINA), MARINA STATISTICAL REPORT, 2017-2021, June 2022
United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD), Review of Maritime Transport 2021, Nov. 18, 2021
International Maritime Organization, International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW), Accessed Aug. 4, 2023
European Commission (Mobility and Transport), Maritime transport: Commission continues to recognise Filipino seafarer’s certificates. March 31, 2023
On MHEIs problems
- Business World Online, EU tells Philippines to enhance efforts to comply with STCW convention, Feb. 18, 2022
- Manila Bulletin, EU says PH seafarers’ education fails to meet standards, Feb. 18, 2022
- Inquirer.net, 50,000 Filipino seafarers risk job loss on EU vessels, Oct. 28, 2022
- National Maritime Polytechnic, SKILLS GAP ANALYSIS OF MARITIME FACULTY IN PHILIPPINE MARITIME HIGHER EDUCATION INSTITUTIONS, 2017
- World Maritime University, Improving governance of maritime higher education institutions to ensure success of filipino cadets, 2020
On PH government’s steps to address EC concerns
- MARINA, UPDATE ON THE IMPLEMENTATION OF THE PHILIPPINE MEASURES TO ADDRESS THE FINDINGS IN THE EC ASSESSMENT REPORT, May 31, 2022
- MARINA, Revised Guidelines on Joint Ched-Marina Monitoring of Bachelor of Science In Marine Transportation and Bachelor of Science In Marine Engineering Programs, March 7, 2022
- MARINA, Policies, Standards and Guidelines for the Bachelor of Science in Marine Transportation and Bachelor of Science in Marine Engineering Programs, Series of 2022 as amended, Feb. 2, 2023
- Inquirer.net, 15 maritime programs shut for noncompliance, April 12, 2023
- Business Mirror, CHED shutters 15 maritime programs following review, April 12, 2023
- Malaya, CHED: Marcos wants review of 83 maritime schools done in 2 years, April 17, 2023
On impact to the maritime industry
- Inquirer.net, 50,000 Filipino seafarers risk job loss on EU vessels, Oct. 28, 2022
- Reuters, Philippine leader cheers EC move as job losses for 50,000 seafarers averted, April 2, 2023
- Business Mirror, PHL passes EU audit; 50,000 Filipino seafarers can stay in EU ships, March 31, 2023
- EMSA, Seafarers Statistics in the EU – Statistical Review (2017 data STCW-IS), Aug. 7, 2019
- EMSA, Seafarers Statistics in the EU – Statistical Review (2018 data STCW-IS), July 27, 2020
- EMSA, Seafarers Statistics in the EU – Statistical Review (2019 data STCW-IS), Nov. 17, 2019
- EMSA, Seafarers Statistics in the EU – Statistical Review (2020 data STCW-IS), July 7, 2022
- EMSA, Seafarers Statistics in the EU – Statistical Review (2021 data STCW-IS), May 10, 2023
- Institute of Developing Economies – Japan External Trade Organization (IDE-JETRO), Filipino Seafarers in the Global Labor Market: Compliance and Quality Standards, March 2023
- World Bank, GDP – Philippines, accessed on Aug. 8, 2023
- Bangko Sentral ng Pilipinas, Overseas Filipinos’ Remittances (Historical), accessed on Aug. 8, 2023
- Bangko Sentral ng Pilipinas, OF Portal – FAQs on remittances, accessed on Aug. 8, 2023
- Bank for International Settlements, Reserve management and FX intervention, Oct. 31, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)