Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Paliwanag sa pagpapawalang-bisa ni Duterte sa amestiya ni Trillanes

Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman.

By VERA Files

Sep 4, 2018

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Ipinawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 31 ang amnestiya ni Sen. Antonio Trillanes IV at iniutos ang kanyang agarang pag-aresto.

Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman.

1. Ano ang amnestiya?

Binibigyan ng 1987 Konstitusyon ang pangulo ng kapangyarihan na magkaloob ng amnestiya na may pagsang-ayon ang mayorya ng Kongreso.

Ang amnestiya ay ang pagpapatawad na ipinagkaloob sa mga tao na “nagpapalampas at bumubura sa pagkakasala” na ibinibintang sa kanila, sabi ni Joaquin Bernas sa kanyang reviewer ng saligang-batas.

Noong 2010, pinagkalooban ni Pangulong Benigno S. Aquino III si Trillanes at ilang iba pang mga miyembro ng militar ng amnestiya sa kanilang pagkakasangkot sa 2003 Oakwood mutiny, 2006 Fort Bonifacio marine standoff at 2007 Manila Peninsula siege.

Bigo ang tatlong kudeta na naglalayong palayasin sa puwesto ang hinalinhan ni Aquino, si Gloria Macapagal-Arroyo. Si Trillanes, isang junior military officer, ay sinampahan ng kaso kaugnay ng kudeta at nabilanggo.

Sa pagbibigay ng amnestiya ni Trillanes, ginamit ni Aquino ang executive clemency, ang kapangyarihan na gawad ng Konstitusyon na nagpapahintulot sa mga presidente na burahin ang pagkakasala ng mga taong sumasailalim sa paglilitis, upang patawarin ang mga nahatulan sa mga krimen o bawasan ang mga parusa.

Sa pamamagitan ng Proclamation No. 75, ipinahayag ni Aquino, sa pagsang-ayon ng Kongreso, na ang mga krimen na ginawa ni Trillanes at ang kanyang kasamang mga akusado sa nabigong mga kudeta ay pinawawalang-bisa.

2. Tungkol saan ang kautusan ni Duterte?

Sa pamamagitan ng Proclamation No. 572 na inilathala noong Setyembre 4 sa diyaryong The Manila Times, ipinahayag ni Duterte na ang amnestiya na ipinagkaloob kay Trillanes ay walang bisa mula pa sa simula.

Pinirmahan noong Agosto 31 bago umalis si Duterte para sa kanyang mga opisyal na pagbisita sa Israel at Jordan, ang proklamasyon ay nagsabing si Trillanes “ay hindi nag-file/nagsumite ng isang opisyal na aplikasyon para sa amnestiya” at “hindi kailanman nagpahayag ng pagsisisi sa kanyang pagkakasala” sa mga kudeta sa Oakwood at Manila Peninsula.

Ang hindi pagsunod sa mga ipinaguutos na pangangailangan na ito, sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa isang press conference, ay nangangahulugang ang amnestiya ay “walang bisa mula sa umpisa … na parang hindi ito umiral kahit na kailan.”

Iniutos din ng Proclamation No. 572 sa sandatahang lakas at pulisya na “gamitin ang lahat ng mga legal na paraan upang arestuhin” si Trillanes para ang senador ay “maibalik sa pasilidad ng detensyon kung saan siya ay nakulong.”

“Siya ay ilalagay sa pag-iingat, kung saan man ito, iyon ay isang bagay na kailangan nating maghintay ng kaunti,” sabi ni Guevarra, na nagdagdag na maaaring ilagay ng Senado si Trillanes sa ilalim ng pag-iingat nito kung pumupunta siya sa mga sesyon.

“Sa ngayon ay siya lamang ang sinasakop ng proklamasyon, ngunit naniniwala ako na baka ang iba pa na maaaring nasa katulad na sitwasyon din, (ang kanilang) aplikasyon (para sa amnestiya) ay sinusuri rin,” sabi ni Guevarra.

Nang tanungin kung kailangan ng proklamasyon ang pagsang-ayon ng Kongreso, sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo na si Harry Roque na hindi.

“Ang aming posisyon ay hindi po kinakailangan iyan dahil unang-una, ito ay trabaho ng Pangulo na ipatupad ang batas,” sinabi ni Roque sa mga mamamahayag sa Israel.

3. Ano ang tugon ni Trillanes sa pagpapawalang-bisa ng kanyang amnestiya?

Sa isang privilege speech sa Senado noong Setyembre 4, pinabulaanan ni Trillanes ang mga pangunahing argumento ng deklarasyon ni Duterte sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga video clip mula 2011 ng kanyang pagsumite ng kanyang aplikasyon para sa amnestiya at pag-amin sa “paglabag sa batas.”

“Ang aking amnestiya ay ipinagkaloob pagkatapos na matugunan ang lahat ng mga kinakailangan,” sabi ni Trillanes.

“Ako ay sumumpa pa sa harap ng defense officials noon. Ang lahat ng aking mga kaso na sakop ng amnestiya ay nabasura,” dagdag niya.

Sa isang naunang pakikipanayam sa ilang mga mamamahayag, inihalintulad ng senador ang mga paratang laban sa kanya sa mga ibinato laban sa kapwa senador na si Leila De Lima.

“Wala yun, bogus lahat yun. Parang yung kaso kay Secretary, ay Senator De Lima, bogus yan,” aniya.

Sina Trillanes at De Lima ay parehong mga kritiko ng administrasyong Duterte.

Naunang inakusahan ni Trillanes si Duterte ng tagong kayamanan. Si De Lima ay nasa detensyon mula pa noong Pebrero 2017 dahil sa mga akusasyon na may kinalaman sa droga, na pinaninindigan ng kanyang kampo na gawa-gawa at pampulitikang pag-uusig.

4. Ano ang nagawa nang Senado tungkol sa utos na arestuhin si Trillanes?

Inilagay ni Senate President Vicente Sotto III si Trillanes sa ilalim ng kanyang pag-iingat, na sinabing ang Senado ay “hindi pahihintulutan ang sinumang senador na maaresto sa loob ng bakuran ng Senado.”

Binatikos nina Senador Franklin Drilon, Paolo Benigno Aquino IV, Ralph Recto, Francis Pangilinan, Risa Hontiveros at Leila De Lima ang Proclamation No. 572 sa magkakahiwalay na pahayag.

Ang proklamasyon at muling pagbubukas ng kanyang mga kasong kriminal ay “lalabag sa karapatan ni Trillanes laban sa double jeopardy,” ani Drilon, na nagdagdag na ibinasura na ang kanyang mga kaso ng korteng naglitis.

“Narito ang isang tao na, ni hindi tumapak ang isang paa sa labas ng bilangguan, ay binigyan ng amnestiya, hindi ng isang tao kundi ng 11 (milyon) katao,” sabi ni Recto, na inalala ang matagumpay na pagkandidato ni Trillanes bilang senador noong 2007. “Nang manalo sa muling pagkandidato noong 2013, mas maraming tao — 14 milyon sa panahong iyon — ay nagpatunay na ang naunang pagpapatawad na ibinigay sa kanya ay tama,” dagdag ni Recto.

“Ang pagbawi ng proklamasyon,” sabi ni Pangilinan, “ay isang malinaw na pag-uusig laban sa isa sa mga pinakamatinding kritiko ng administrasyon.”

“Ito ay nagpapahiwatig ng lumalawak na paghihigpit sa pampulitikang oposisyon at sa patuloy na pagdausdos ng presidente tungo sa ganap na diktaturya,” sabi ni Hontiveros.

Mga pinagkunan ng impormasyon:

Bernas, J.G. (2011). The 1987 Philippine Constitution: A Comprehensive Reader.

Official Gazette, Proclamation No. 75, s. 2010.

Official Gazette, Proclamation No. 572, s. 2018.

People’s Television, Press Briefing ng DOJ ukol sa pagbawi sa amnesty ni Sen. Trillanes, Sept. 4, 2018.

Presidential Communications Operations Office, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque, Sept. 4, 2018.

Rappler, Trillanes: Mr. Duterte, hindi ako takot sa iyo, Sept. 4, 2018.

Sen. Antonio Trillanes IV’s Facebook page, Privilege Speech of Sen. Trillanes at the Senate Session Hall, Sept. 4, 2018.

Senate of the Philippines, Dispatch from Crame No. 373: Statement of Sen. Leila M. de Lima on Duterte’s revocation of Sen. Sonny Trillanes’ amnesty, Sept. 4, 2018.

Senate of the Philippines, Hontiveros to Duterte: You can never jail the resistance, Sept. 4, 2018.

Senate of the Philippines, Sen. Bam on revocation of Trillanes’ amnesty, Sept. 4, 2018.

Senate of the Philippines, Statement by Senate Minority Leader and former Justice Secretary Franklin M. Drilon on the revocation of the amnesty of Senator Antonio Trillanes, Sept. 4, 2018.

Senate of the Philippines, Statement on the Revocation of Amnesty Granted to Senator Trillanes, Sept. 4, 2018.

Senate of the Philippines, Transcript of Ambush Interview of Senate President Vicente C. Sotto III, Sept. 4, 2018.

Senate of the Philippines, Trillanes amnesty had congressional concurrence, any arrest sans Senate, House illegal: Pangilinan, Sept. 4, 2018.

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.