Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Responsibilidad ng mga opisyal ng gobyerno na ilabas ang mga SALN

Sinabi ni presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na, kung mahalal, siya ay "ganap na handang" ilabas ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

By VERA Files

Feb 7, 2022

11-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na, kung mahalal, siya ay “ganap na handang” ilabas ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Dalawang araw matapos maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) noong Oktubre 2021, sinabi ng dating senador sa isang panayam sa ONE News PH na “okay” na isapubliko ang SALN sa ngalan ng “transparency at accountability.”

Makalipas ang tatlong buwan noong Enero 24, inulit niya ang kanyang paninindigan sa kaparehong segment ng ONE News PH, Sa Totoo Lang, matapos na maiulat na nagbago siya ng isip nang sabihin niya sa isa pang naunang panayam sa ALC Media Group nang araw na iyon na ang SALN ay dapat ma-access lamang ng korte kung saan may nakabinbing kaso laban sa isang pampublikong opisyal.

Nilinaw ni Marcos Jr. na ang kanyang “sinasabi ay tungkol sa sariling SALN” at siya ay “ganap na handang ilabas ito.” Ngunit patungkol sa SALN ng iba pang opisyal ng publiko, sinabi niya na may pangamba na gagamitin ito para sa layuning pampulitika tulad ng nangyari sa impeachment trial ng yumaong Supreme Court (SC) chief justice Renato Corona noong 2012.

Ang Senado, na nakaupo bilang isang impeachment court, ay hinatulang guilty si Corona ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution dahil sa pagkabigong ibunyag ang ilan sa kanyang multimillion-peso assets, kabilang ang $2.4-million at P80-million na bank accounts at real estate properties, sa kanyang SALN. Isa si Marcos Jr. sa tatlong senator-judges na bumoto para mapawalang-sala si Corona.

Sa isa pang panayam sa DZRH noong Enero 25, sinabi ni Marcos Jr., ang nag-iisang anak at kapangalan ng yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr. na ang pamilya ay may mga kaso sa korte na may kinalaman sa ill-gotten wealth, na dapat na “kusang-loob” na isinasapubliko ang SALN ng mga halal at ilang itinalagang mga opisyal ng pamahalaan at ang mga ayaw maglabas ng kanilang SALN ay “magdudusa ng pampulitikal na kahihinatnan.”

(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Court rulings against the Marcoses belie claims they had no ill-gotten wealth at VERA FILES FACT CHECK: Bongbong Marcos mali sa pagsabing gawa-gawa lamang ang mga nakapangingilabot na pangyayari noong martial law)

Ipinunto niya na hindi maaaring pilitin ang mga senador o mahistrado ng Korte Suprema na gawin ito.

Pero sakaling manalo siya sa pampanguluhang labanan, sinabi ni Marcos Jr. na ang mga opisyal na dadalhin niya sa gobyerno ay maglalabas din ng kanilang mga SALN.

Dahil sa mga puntong sinabi ni Marcos Jr. hinggil sa SALN, narito ang dalawang bagay na kailangan mong malaman tungkol sa isyu:

Ano ang sinasabi ng Konstitusyon at batas tungkol sa SALN?

Ang pag-access sa mga pampublikong dokumento, tulad ng SALN, ay isang konstitusyonal na karapatan ng bawat Pilipino sa ilalim ng Article XI Section 17. Ang pagiging accessible ng SALN ay sumusunod sa patakaran ng transparency at pananagutan sa gobyerno, at tumutulong sa pagsubaybay o pagsusuri sa pamumuhay ng mga pampublikong tagapaglingkod.

In the case of the president, the vice president, the members of the Cabinet, the Congress, the Supreme Court, the Constitutional Commissions and other constitutional offices, and officers of the armed forces with general or flag rank, the declaration shall be disclosed to the public in the manner provided by law.

(Sa kaso ng pangulo, bise presidente, mga miyembro ng Gabinete, Kongreso, Korte Suprema, mga Constitutional Commission at iba pang constitutional offices, at mga opisyal ng sandatahang lakas na may ranggo ng heneral o flag rank, ang deklarasyon ay dapat ibunyag sa publiko sa paraang itinatadhana ng batas.)

Ang Republic Act (RA) No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, ay nag-aatas sa lahat ng pampublikong opisyal at empleyado na magsumite ng kanilang SALN, maliban sa mga naglilingkod sa honorary capacity, mga manggagawa at mga kaswal o pansamantalang manggagawa.

Sa ilalim ng Section 8 ng batas, ang mga SALN ay dapat gawing available para sa inspeksyon sa “makatwirang oras.” Ang isang tao na humihiling ng kopya ng isang SALN ay dapat magbayad ng “makatwirang bayad” upang mabayaran ang halaga ng reproduction, sertipikasyon at pagpapadala sa koreo ng mga pahayag. Ang mga kopya ng SALN ay dapat na makukuha hanggang 10 taon mula sa oras ng pagtanggap at pagkatapos ay maaaring sirain, maliban kung kinakailangan sa isang patuloy na imbestigasyon.

Ang isang empleyado ng gobyerno na mabigong maghain ng kanyang SALN ay maaaring pagmultahin, suspindihin, tanggalin, at, sa ilang mga kaso, makulong at madiskuwalipika na humawak ng pampublikong tungkulin.

(Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: SALN, FOI sa Kongreso ipinaliwanag)

Ang mga SALN ay inilalagay sa file ng mga nakatalagang repository agency, na may sariling mga alituntunin para sa pagpapalabas ng mga pahayag ng mga opisyal na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.

Ang mga tanggapan ng Ombudsman at ng mga deputy ay mga repositoryo para sa mga SALN ng pangulo, bise presidente, pinuno ng mga constitutional commissions at mga opisyal ng militar na mababa sa ranggong koronel o kapitan ng hukbong-dagat.

Paano pinangangasiwaan ng mga ahensya ang mga SALN na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga?

Mula noong 2018, ang mga kahilingan ng media para sa kopya ng SALN ni Pangulong Rodrigo Duterte ay paulit-ulit na tinanggihan o na-redirect sa Office of the President (OP). (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Duterte tungkol sa Freedom of Information Act nangangailangan ng konteksto)

Ang mga SALN ng mga miyembro ng Gabinete ay nasa Malacañang Records Office.

Noong Setyembre 2020, ang Ombudsman ay nagpataw ng mas mahigpit na mga requirement sa pagpapalabas ng mga SALN ng mga opisyal na nasasakupan nito. Ito ay higit sa isang taon matapos nitong suspindihin ang pagproseso ng lahat ng kahilingan ng SALN.

Kung ikukumpara sa mga lumang alituntunin, ang mga taong wala sa listahan ng mga awtorisadong tao ay kailangang magsumite ng notarized letter of authority mula sa mga opisyal na hinihilingan ng mga SALN. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ano ang nagbago sa paghingi ng SALN mula sa Ombudsman?)

Sa isang en banc resolution na may petsang Peb. 2, 2021, ibinasura ng SC ang petisyon na kumukuwestiyon sa memorandum ni Ombudsman Samuel Martires dahil sa pagiging labag sa konstitusyon.

Ibinasura ng SC ang petisyon ni Louis “Barok” Biraogo, na humiling ng kopya ng SALN ng Bise Presidente at ngayo’y kandidato sa pagkapangulo na si Leni Robredo, dahil sa kabiguan na “matugunan ang unang kinakailangan dahil hindi ito nagpapakita ng aktwal na kaso o kontrobersya.”

Sinabi nito na habang ang “karapatan sa pag-access sa impormasyon sa SALN ng isang pampublikong opisyal ay ibinibigay sa ilalim ng Saligang Batas at Republic Act 6713, ito ay hindi isang ganap na karapatan” at “napapailalim sa regulasyon.”

Para sa mga senador at kongresista, ang kanilang mga SALN ay nasa kustodiya ng mga kalihim ng Senado at House of Representatives, ayon sa pagkakasunod.

Itinigil ng Senado ang paglalabas ng mga kopya ng SALN ng mga senador noong Pebrero 2019. Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism, naglabas si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ng Senate Policy Order 2019-001, na nagpapahintulot lamang sa pag-access sa mga buod at hindi ang aktwal na mga dokumento ng SALN.

Binanggit ng utos ang “Data Privacy Act of 2012,” na “naghihigpit sa pagpapakalat ng personal at privileged information.”

Ang abogadong si Christian Monsod, isa sa mga bumubuo ng 1987 Constitution, ay nagsabi sa isang panayam noong Enero 25 sa CNN Philippines na ang batas ay “maaaring magbigay ng paraan” ng pag-access sa mga SALN ngunit hindi mga limitasyon sa “nilalaman.”

Idinagdag niya na “napapanahon na para sa mga ahensya ng gobyerno na suriin ang kanilang sariling mga tagubilin,” dahil ito ay “hindi naipapatupad nang maayos.”

Sinabi ng human rights lawyer at senatorial aspirant na si Chel Diokno, sa parehong panayam, na kailangang amyendahan ang RA 6714 upang maremedyuhan ang mga butas. Sinabi niya sa Ingles:

“Sa usapin ng batas, posibleng palakasin ang karapatan ng mamamayan sa pag-access sa pamamagitan ng pag-amyenda sa RA 6713 para bigyan ito ng mas maraming ngipin. Upang matiyak na malinaw na ang tungkulin ay ministeryal at sinumang opisyal na hahadlang sa pagpapalabas ng SALN ay dapat parusahan nang husto. Dahil ang talagang pinag-uusapan ay tungkol sa kung paano hindi magnanakaw sa kaban ng bayan ang mga pampublikong opisyal. Ang layunin ng SALN ay napakalinaw.”
Pinagmulan: CNN Philippines YouTube, SALN: Is anyone above the law? | Politics As Usual, Enero 25, 2021,
panoorin mula 16:08 hanggang 16:40

Noong 2019, pinagtibay ng House of Representatives sa ilalim ni noo’y speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang Resolution 2467, na magbibigay lamang ng kahilingan para sa SALN ng isang kongresista kapag naaprubahan ng mayorya ng legislative chamber.

Nagtakda ito ng bayad na P300 kada kopya ng SALN ng isang kongresista “upang masagot ang halaga ng reproduction at sertipikasyon,” hindi kasama ang gastos sa pagpapadala at iba pang mga kaugnay na gastos. Upang makakuha ng kopya ng SALN ng 308 miyembro ng Kamara, kailangang magbayad ng P92,400, bukod pa ang pagpapadala sa koreo at mga kaugnay na gastos.

Sa hudikatura, ang kasalukuyang patakaran sa pagsisiwalat ng mga SALN ng mga mahistrado ay lumabas pagkatapos ng desisyon ng Supreme Court en banc noong 1989 na nagbabawal sa pagpapalabas ng mga dokumento upang protektahan ang mga mahistrado, mga hukom, at mga tauhan ng hukuman sa “mga fishing expedition.”

Ang mga SALN ay magagamit kapag hiniling, kung mayroong “lehitimong dahilan” para dito. Sa ilalim ng RA 6713, labag sa batas na kumuha ng kopya ng SALN para sa “anumang layuning salungat sa moral o pampublikong patakaran, o anumang layuning pangkomersyo maliban sa news at communications media para sa pagpapakalat sa publiko.”

Noong 2012 pagkatapos ng impeachment trial ni Corona, inilabas ng SC ang A.M. No. 09-8-6-SC, isang resolusyon na nagpapatibay sa desisyon ng SC noong 1989 na naglatag ng mga patnubay para sa pagtanggi sa mga naturang kahilingan:

Requests for SALNs must be made under circumstances that must not endanger, diminish or destroy the independence, and objectivity of the members of the Judiciary in the performance of their judicial functions, or expose them to revenge for adverse decisions, kidnapping, extortion, blackmail or other untoward incidents.

(Ang mga kahilingan para sa SALN ay dapat gawin sa mga sitwasyon na hindi maglalagay sa panganib, mabawasan o sirain ang kalayaan, at pagiging walang-kinikilingan ng mga miyembro ng Hudikatura sa pagganap ng kanilang mga tungkuling panghukuman, o ilantad sila sa paghihiganti para sa mga salungat na desisyon, pagkidnap, pangingikil, blackmail o iba pang hindi magandang pangyayari.)

Tinanggihan ng mataas na hukuman, noong 2020, ang kahilingan ng Office of Solicitor General at ng abogadong si Larry Gadon para sa SALN ni Associate Justice Marvic Leonen na nilayon nilang gamitin sa pagsisimula ng quo warranto petition laban sa kanya, isang hakbang na katulad ng ginawa nila kay dating chief justice Maria Lourdes Sereno.

Ang ibang mga empleyado ng pambansang pamahalaan ay nagsusumite ng kanilang SALN sa Civil Service Commission.

Para magbasa pa tungkol sa kahalagahan ng SALN, tingnan ang aming mga explainer:

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

ONE News PH YouTube, Applying for president: Bongbong Marcos, Oct. 9, 2021

Rappler, Of top presidential bets, Marcos the only one who won’t release SALN, Jan. 24, 2022

Inquirer.net, If elected president, Bongbong Marcos says he won’t make his SALN public, Jan. 24, 2022

GMA News Online, 4 prexy aspirants’ stand on rejoining ICC, publishing SALN, among others, Jan. 23, 2022

DWIZ 882 YouTube, ALC Media Group Interview with Bongbong Marcos, Jan. 24, 2022

ONE News PH YouTube, Sa Totoo Lang, Jan. 24, 2022

Inquirer.net, Senate votes 20-3 to convict Corona, May 29, 2012

Rappler, Corona found guilty, removed from office, May 29, 2012

Yahoo Philippines, Chief Justice Renato Corona: Guilty as charged, May 29, 2012

DZRH News Television YouTube, Bakit Ikaw? the DZRH Presidential Job Interview – Former Sen. Bongbong Marcos Jr, Jan. 25, 2022

What does the Constitution and the law say about SALNs?

How do agencies handle the SALNs under their custody?

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.