Hindi bagong panukala ang labis na kinondenang House Resolution 2467 na nagbibigay sa mga mambabatas ng kapangyarihan na mag desisyon kung maaaring makakuha ang mga mamamahayag o publiko ng kopya ng kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ipinanukala ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, ang HR 2467 ay katulad ng House Resolution 1410 na isinulong noong 2017 ng noo’y Speaker Pantaleon Alvarez. Walang nangyari sa panukala ni Alvarez, samantalang ang isinampang panukala ni Arroyo ay naaprubahan sa parehong araw. Pinalitan ni Arroyo si Alvarez noong 2018.
Ang dalawang panukala ay may parehong mahigpit na panuntunan sa pagkuha ng SALN, na hadlang sa transparency sa pamahalaan.
Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa SALN, isang mabisang gamit sa paglalantad ng maipaliwanag na yaman.
Ano ang SALN at bakit ito mahalaga?
Ang SALN ay isang deklarasyon ng mga ari-arian ng empleyado ng gobyerno: real estate, cash sa bulsa o sa mga bangko, mga stock at bond, personal na ari-arian tulad ng mga kotse; pananagutan: mga pautang at mga utang; at interes sa negosyo at pinansiyal na koneksyon. Kabilang dito ang mga interes at koneksyon ng kanyang asawa at mga anak na walang asawa o mga menor de edad.
Ipinag-uutos ng konstitusyon, ang lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno ay kailangang magpasa at manumpa sa kani-kanilang SALN. Ang Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ay nag-uutos ng pagsusumite nito sa loob ng 30 araw pagkatapos ng pag upo sa pwesto, sa o bago ang Abril 30, taun-taon at sa loob ng 30 araw pagkatapos ng pag-alis sa serbisyo.
Ang isang empleyado ng gobyerno na hindi nag-file ng kanyang SALN ay maaaring magmulta, masuspinde, matanggal, at sa ilang mga kaso, mabilanggo at maging diskwalipikado sa pagpasok sa pampublikong tanggapan.
Ang isang mabisang gamit sa pagtukoy ng pananagutan, ang SALN ay ginamit sa pagpapatalsik ng dalawang punong mahistrado: sina Maria Lourdes Sereno, na nabigong magsumite ng kanyang SALN 17 beses bilang propesor ng unibersidad bago maging Chief Justice; at Renato Corona, na nabigong ideklara ang mga $ 2.4 milyong deposito sa bangko at P80 milyon sa tatlong peso account.
Ginamit din ito ng mga mamamahayag upang ilantad ang natatagong yaman ni dating Pangulong Joseph Estrada, na bumuo ng basehan ng mga reklamong impeachment laban sa kanya.
Ang SALN ay nakatulong sa pag-file ng mga kasong tax evasion na nagkakahalaga ng P 27.3 milyon laban sa pinakamatandang anak ni Arroyo, si dating Pampanga Representative Juan Miguel “Mikey” Arroyo, noong 2011. Pinawalang-sala siya ng Korte Suprema noong Disyembre 2018. Si Arroyo mismo ay naaresto, nakulong sa loob ng limang taon ngunit sa kalaunan ay pinakawalan pagkatapos ibasura ng Korte Suprema ang kasong pandarambong laban sa kanya noong 2016.
Tungkol saan ang HR 2467?
Sa ilalim ng HR 2467, ang kahilingan para sa SALN ng isang miyembro ng Kongreso na nangangailangan ng pag apruba ng plenary — sa kasalukuyan, ang mayorya ng 291 na mga mambabatas na boboto na pabor sa pagpapalabas ng SALN ng isang kasamahan sa Kongreso. Ang isang kopya ng SALN ay nagkakahalaga ng P300.
Ang resolusyon ni Arroyo ay halos kopyang kopya ng panukala ni Alvarez. Ang tanging pagkakaiba sa pagitan ng dalawang resolusyon ay sa komposisyon at pagpili ng mga miyembro ng komite. Sa panukala ni Alvarez, ang mga miyembro ng komite ng pagsusuri ay pipiliin ng Speaker, sa rekomendasyon ng Committee on Rules. Sa bersyon ni Arroyo, tanging ang Speaker ang pipili ng mga miyembro ng komite.
Noong 2012, inilabas ni dating Speaker Feliciano Belmonte ang Special Order 05-12 na lumikha ng isang katulad na komite upang magbalangkas ng mga patakaran sa pagkuha ng publiko sa SALN matapos ang paglilitis sa impeachment ni Chief Justice Renato Corona.
Ayon sa abogadong si Christian Monsod, isa sa mga bumalangkas ng Konstitusyon ng 1987, ang mga miyembro ng Kongreso ay matagal nang gumagamit ng sa “isang mapanlikhang paraan para maisahan ang batas. ”
Ang Kongreso ay naglalabas lamang ng mga buod ng SALN at hindi mismo ang SALN, sinabi ni Monsod sa isang panayam sa ANC noong 2012 sa panahon ng paglilitis kay Corona.
Ang kalakalang ito ay nagpapatuloy. Sa kasalukuyan, ang Kongreso ay naglalabas ng mga buod ng mga ulat ng SALN ng mga mambabatas taun-taon, na nagpapakita lamang ng mga halaga ng mga asset, mga pananagutan at netong halaga ng ari-arian ng mambabatas, ngunit hindi ang aktwal na mga pag-aari. Ipinapanatili ng HR 2647 ang patakarang ito.
Dahil sa kakulangan ng isang pamantayang proseso sa pagkuha ng SALN, ang mga institusyon ng pamahalaan ay nagbigay ng iba’t ibang hakbang. Ang isang tao ay maaaring humiling ng SALN ng isang pampublikong opisyal mula sa Kongreso, Senado, Malacañang, Office of the Ombudsman, Civil Service Commission at Korte Suprema.
Pagkatapos ng impeachment ni Corona noong 2012, iniutos ng Korte Suprema ang pagsisiwalat ng SALN at ang mga kredensyal ng lahat ng miyembro ng hudikatura, na binabaligtad ang ilang dekadang lumang tuntunin na nagbabawal sa pagpapalabas ng mga dokumentong ito dahil sa isang insidente na naglantad sa kanila sa panliligalig.
Ngunit ang mga kahilingan para sa mga kopya ng SALN ng mga mahistrado ng SC, ng Court of Appeals, Sandiganbayan at ng Court of Tax Appeals, ang awtoridad na isiwalat ay dapat pa ring gawin ng court en banc.
Ano ang ibig sabihin nito para sa freedom of information?
Ang HR 2467 ay binatikos bilang hakbang na paatras sa inisyatibo ng administrasyon ng Duterte para sa freedom of information, na sertipikado bilang prayoridad sa pambatasang adyenda ng presidente.
Noong 2016, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 2, na nagpapatibay ng freedom of information sa sangay ng ehekutibo. Pagkalipas ng isang taon, binura ng Malakanyang ang impormasyon tulad ng mga miyembro ng pamilya at address ng bahay sa mga SALN ng mga miyembro ng Gabinete, at sinasabing ang mga opisyal ng gobyerno ay “mayroon pa rin right to privacy.”
Sa Kongreso, ang mga panukalang FOI ay nakabinbin a loob ng maraming taon. Isang pinagsama-samang bersyon ng 33 panukalang FOI, na kung saan ipinag-uutos sa mga mataas na opisyal ng gobyerno ang pag-post ng SALN sa kanilang mga website, ay nananatiling nakabinbin sa Committee on Appropriations mula pa noong 2017. Ang nakabinbing panukalang ito ay hindi tugma sa HR 2467.
Sinabi ni Monsod, na tagapangulo ng Committee of Accountability of Public Officers sa 1986 Constitutional Commission, na ang SALN ay dapat na “bukas na mga libro.”
“Ang paghahain lamang (ng SALN) ay hindi bumubuo ng pagsisiwalat. Dapat mayroong proseso kung saan dapat itong ma-access,” sabi ni Monsod. “Dapat mayroong isang pampublikong pagsisiwalat, ibig sabihin, hindi na inilagay mo ang lahat sa pahayagan, ngunit dapat madali para sa mga tao na makakuha ng isang kopya ng SALN. Dapat itong maging madali, at ito ay mahirap.”
Mga pinagmulan:
ABS-CBN News, Belmonte forms SALN committee, June 19, 2012
ABS-CBN News, Corona’s cash: US$2.4M plus P80M, May 25, 2012
ABS-CBN News, Supreme Court upholds Mikey Arroyo’s tax evasion acquittal, Dec. 5, 2018
ABS-CBN News, TIMELINE: The Arroyo plunder case, July 19, 2016
Archive.org, Record of the Constitutional Commission: Proceedings and Debates Vol. II
BBC, Philippines’ Gloria Arroyo plunder charges dismissed, July 19, 2016
BusinessWorld, Corona convicted for failing to disclose assets, May 30, 2012
GMA News Online, Corona convicted, May 29, 2012
GMA News Online, Court clears Mikey Arroyo in P27.3-M tax evasion case, March 28, 2018
House of Representatives, SALNs of House members are not secret, Jan. 11, 2012
House of Representatives, House oks FOI bill, Feb. 16, 2017
House of Representatives, House panel OKs impeachment vs. Sereno, March 19, 2018
House of Representatives, House Resolution No. 2467
House of Representatives, House Resolution No. 1410
Inquirer.net, Arroyo walks free after 4 yrs of hospital detention, July 21, 2016
Inquirer.net, House forms committee for SALN disclosure, June 7, 2012
Office of the Ombudsman, Republic Act No. 6713
Office of the Ombudsman, Republic Act No. 3019
Official Gazette, Executive Order No. 2, s. 2016
Official Gazette, Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN)
Official Gazette, The 1987 Constitution
PCIJ, Can Estrada explain his wealth?, July 24, 2000
Philstar.com, SC upholds dismissal of tax evasion rap vs Mikey Arroyo, Dec. 5, 2018
Presidential Communications Operations Office, Palace welcomes UN’s final and unanimous adoption of PH human rights report, Sept. 23, 2017