Hindi ipinagbabawal ng 1987 Constitution sa mga organisasyon ng media na tumanggap ng mga grant o pondo mula sa ibang bansa, salungat sa pahayag ng kolumista ng Manila Times na si Rigoberto Tiglao.
Kinuwestiyon ni Tiglao at ng iba pang mga pro-Duterte blogger ang mga pinagkukunan ng pondo ng mga independyenteng nonprofit na media na VERA Files mula pa noong 2017, isang taon pagkatapos magsimula ang 11-taong-gulang na organisasyon na mag fact check ng mga hindi totoo at nakapanlilinlang na pahayag ng mga opisyal ng gobyerno at mga kilalang personalidad, kabilang na si Pangulong Rodrigo Duterte, ang kanyang mga tagasuporta at kritiko. Ang dating press secretary ay nanawagan sa pamahalaan na ipasara at buwagin ang VERA Files at tatlong iba pang tanggapan ng media.
Ang iyong mga tanong tungkol sa VERA Files at ang pinagmumulan ng mga pondo, sasagutin.
Tumatanggap ba ang Vera Files ng mga grant mula sa ibang bansa?
Oo. Ang impormasyon na ito ay palaging bukas sa publiko.
Sa website nito, mababasa sa About page ng organisasyon:
“(VERA Files relies on grants, the proceeds from the sale of its stories, and donations and contributions from its trustees and supporters to fund its operations. It screens donors, contributors and grantors carefully and does not accept funding that will compromise its independence and nonpartisanship.)”
“Ang VERA Files ay umaasa sa mga grant, kinikita mula sa pagbebenta ng mga ulat nito, at mga donasyon at mga kontribusyon mula sa mga trustee at mga tagasuporta upang pondohan ang mga operasyon nito. SInasala nitong mabuti ang mga donor, kontribyutor at nagbibigay ng grant at hindi tumatanggap ng pondo na maglalagay sa kompromiso sa kanyang kalayaan at pagka-walang kinikilingan.”
Mula noong itatag ito noong 2008, ang VERA Files ay nagtaguyod ng ilang specialized reporting projects at nagbigay ng mga training sa mga mamamahayag, estudyante at guro alinsunod sa layunin nitong isulong ang kahusayan sa pamamahayag sa Pilipinas.
Tinignan nito, bukod sa iba pa, ang karahasan na may kinalaman sa halalan; halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao; extrajudicial killings, torture at enforced disappearances; trafficking ng mga tao; mga taong may kapansanan, kaligtasan sa kalsada, at kapaligiran.
Dahil may kakulangan ng mga mapagkukunang pondo sa Pilipinas na makapagbibigay-daan sa mga tanggapan ng media na nonprofit upang ipagpatuloy ang masinsinang pananaliksik at malalim na pag-uulat, karamihan ng suporta ng VERA Files ay mula sa mga internasyunal na institusyon.
Ang mga sumusunod ang mga sumuporta ng mga proyekto ng organisasyon sa mga nakaraang taon:
- Transparency and Accountability Network
- Canada Fund for Local Initiatives
- Coca-Cola Foundation Philippines, Inc.
- United Nations Population Fund
- United Nations Development Program
- British Embassy Manila
- The US Embassy Manila
- The Asia Foundation for the project, “Reporting on Persons with Disabilities”
- Reporters Sans Frontières for “Media Ownership Monitor: Who Owns the Media in the Philippines?”
- The World Health Organization and Bloomberg Philanthropies for the “Road Safety Journalism Fellowship”
- Internews’ Earth Journalism Network for “Earth Files”
- Global Road Safety Partnership
- Institute for Women’s Policy Research
- The National Endowment for Democracy (NED) for “VERA Files Fact Check”
- Facebook (VERA Files is one of three designated third-party fact-checkers in the Philippines.)
Ipinagbabawal ba ng Konstitusyon sa mga organisasyon ng media na tumanggap ng international funding?
Hindi.
Itinakda ng 1987 Constitution ang pagmamay-ari at pamamahala ng mass media sa mga mamamayang Pilipino at mga korporasyong pag-aari ng mga Pilipino. Wala naman itong sinabi na ang media ay ipinagbabawalang tumanggap ng mga grant mula sa mga institusyon sa labas ng Pilipinas.
Mababasa sa Artikulo XVI, Sec. 11:
“(The ownership and management of mass media shall be limited to citizens of the Philippines, or to corporations, cooperatives or associations, wholly-owned and managed by such citizens.)”
“Ang pagmamay-ari at pamamahala ng mass media ay limitado sa mga mamamayan ng Pilipinas, o sa mga korporasyon, kooperatiba o asosasyon, ganap na pag-aari at pinamamahalaan ng gayong mga mamamayan.”
Dagdag pa, pinoprotektahan ng international law ang karapatan ng mga civil society organization na makakuha ng mga kapital at pondo. Ang pag-aaral ng American Bar Association sa karapatan sa at paghihigpit sa foreign funding ng mga NGO ay nagsasabing:
“(The right to access funding is a direct and essential component of the right to freedom of association, which is protected by Article 22 of the (International Covenant on Civil and Political Rights.) Most NGOs, and especially human rights organizations, function on a “not-for-profit” scheme and therefore depend heavily on external sources of funding to carry out their work.)”
“Ang karapatang makakuha ng pondo ay isang direkta at mahalagang bahagi ng karapatan sa malayaang asosasyon, na pinoprotektahan ng Artikulo 22 ng (International Covenant on Civil and Political Rights). Karamihan sa mga NGO, at lalo na ang mga organisasyon ng karapatang pantao, ay gumaganap sa isang “hindi-para-kumita” na pamamaraan at sa gayon ay lubhang nakasalalay sa mga panlabas na pinagkukunan ng pagpopondo upang isakatuparan ang kanilang gawain.”
Pinagmulan: American Bar Association Center for Human Rights, International and Comparative Law Analysis of the Right to and Restrictions on Foreign Funding of Non-Governmental Organizations
Isinulat noong 2013 ng United Nations Human Rights Council, na nakapag-dokumento ng pandaigdigang paghihigpit sa mga civil society organization sa pagkuha ng mga kapital at pondo sa loob ng bansa:
“(The ability of CSOs to access funding and other resources from domestic, foreign and international sources is an integral part of the right to freedom of association.)”
“Ang kakayahan ng mga CSO na makakuha ng pondo at iba pang mga kapital mula sa lokal, dayuhan at internasyonal na mga mapagkukunan ay isang mahalagang bahagi ng karapatan sa kalayaan ng pagsasama.”
Pinagmulan: UN General Assembly, Human Rights Council, Report of the Special Rapporteur on the rights to freedom of peaceful assembly and of association, Maina Kiai, Abril 24, 2013
Noong Nobyembre 2018, naglabas ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng mga bagong alituntunin para sa mga organisasyong nonprofit “upang protektahan ang mga ito mula sa money laundering at pang-aabuso sa pagpopondo ng terorista,” at kumuha ng impormasyon para sa “mga layuning pang-regulasyon at risk assessment.
Simula Hulyo 31, ang mga organisasyong nonprofit, na dating inaatasan na magsumite taun-taon lamang ng kanilang General Information Sheet at ang mga ulat sa pananalapi na na-audit, ay sapilitang isisiwalat ang kanilang mga pinagkukunan ng pondo.
Ang mandatory disclosure form ay naglilista ng iba’t ibang anyo ng dayuhang pagpopondo bilang mga opsyon: pampublikong opisyal ng dayuhang gobyerno, dayuhang gobyerno, pribadong institusyon / negosyo / kumpanya sa labas ng Pilipinas, at internasyonal na organisasyon tulad ng World Health Organization, World Bank, at iba pang mga ahensya ng United Nations. Kasama sa mga pinagkukunang pondo ngunit hindi limitado sa mga utang, endowment, grant, kontribusyon at donasyon, ayon sa SEC. *
Ang mga mambabatas, mga civil society group at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao ay nagpahayag ng pagkabahala sa mga patnubay ng SEC na ginagamit bilang isang kasangkapan upang labagin/panghimasukan ang mga pangunahing kalayaan, kabilang ang karapatang mag-organisa at right to privacy.
Nakabinbin sa House of Representatives ang isang resolusyon na isinampa ng Makabayan bloc na naglalayong busisiin ang bagong “di-makatwiran ngunit makapangyarihang” mga alituntunin ng SEC.
Ano ang National Endowment for Democracy?
Si Tiglao at iba pang mga pro-Duterte na mga blogger ay partikular na tinukoy ang National Endowment for Democracy (NED) sa mga pinagkukunan ng pondo ng VERA Files.
Ang NED ay isang pribadong, nonprofit, nagbibigay ng grant na organisasyong Amerikano na itinatag ng batas noong 1983 upang suportahan ang mga nongovernmental group na nagtatrabaho sa labas ng US sa mga usapin ng mga karapatang pantao, independyenteng media, rule of law, civic education at pag-unlad ng sambayanan. Kasalukuyang nagbibigay ito ng mga grant sa higit sa 90 bansa, ang mga detalye kung saan ay nasa website nito.
Isang pribadong foundation, hindi ito bahagi ng pamahalaang US bagaman nakatatanggap ito ng taunang budget mula sa Kongreso ng US sa pamamagitan ng Department of State at may isang independiyenteng board of directors na nagkokontrol kung paano gugugulin ang mga pondo.
Bilang isang non-government organization, ang NED ay nakatutulong sa pagsisikap ng pamahalaan ng US sa pagtataguyod ng demokrasya, na makapagtratrabaho ito sa mga lugar kung saan walang government to government na relasyon at sa “mga kapaligiran kung saan magiging masyadong kumplikado para magtrabaho ang gobyerno ng US.”
Bukod sa pagpopondo ng gobyerno, ang NED ay nakapangingilak din ng limitadong mga pribadong kontribusyon mula sa mga foundation, mga korporasyon at indibidwal upang suportahan ang mga walang kaugnayan sa grant na mga aktibidad nito.
Mga pinagmulan:
House.gov, United States Code, Subchapter II–National Endowment for Democracy
House of Representatives, House Resolution No. 2420, Jan. 17, 2019
Human Rights Online Philippines, [Statement] New SEC memo on non-profit organizations violates right to organize – Karapatan, Jan. 15, 2019
Manila Bulletin, Makabayan bloc moves to scrutinize SEC memorandum on NPOs/NGOs, Jan. 17, 2019
Official Gazette, The Constitution of the Republic of the Philippines
Rappler, ‘Chilling effect’: Groups slam new SEC guidelines for nonprofits, Feb. 9, 2019
Securities and Exchange Commission, Memorandum Circular No. 15, s. 2018
UN General Assembly, Human Rights Council, Report of the Special Rapporteur on the rights to freedom of peaceful assembly and of association, Maina Kiai, April 24, 2013