Gamit ang bago at mas kumplikadong mga krokis, si Presidential Spokesperson Salvador Panelo ay nagpakita noong Mayo 8 ng sinasabi niyang “napatunayan” na impormasyon tungkol sa umano’y planong destabilisasyon laban sa gobyernong Duterte. Pinagsasama-sama nito ngayon ang mga kritiko at mga grupo ng oposisyon at ilang mga mamamahayag, bukod sa iba pa.
Sa pinalawak na matrix, pati Olympic silver medalist weightlifter Hidilyn Diaz, na miyembro rin ng Philippine Air Force, at morning show host ng ABS-CBN at dating manlalaro ng volleyball na si Gretchen Ho ay inugnay sa sinasabing planong pagpapatalsik sa pamunuan. Itinanggi nina Diaz at Ho ang pahayag ng Palasyo.
Ang pinalawak na bersyon ay iniharap kahit na patuloy ang mga tatanungan tungkol sa pinagmumulan ng una, at labis na tinuligsang matrix na iniharap ng tagapagsalita ng Palasyo sa media.
Sa ngayon, binago ni Panelo ang kanyang kuwento tungkol sa pinagmulan ng matrix ng hindi bababa sa tatlong beses . Sa kanyang briefing noong Abril 22, sinabi ni Panelo na ang pinagmulan ay “ang Pangulo mismo.” Pagkalipas ng sampung araw, nakuha raw niya ang matrix sa pamamagitan ng text message mula sa “isang tao” na gumamit ng “unknown” na number (ng telepono).
Nang sumunod na araw, sa panayam ng DZMM, sinabi ni Panelo bagamat hindi niya kinilala kung sino si “unknown,” ito ay “malinaw naman” na isang kawani ng Office of the President.
Panoorin ang video na ito.