Wala pang 30 minuto matapos magsara ang botohan noong Mayo 13, ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), ang election watchdog na suportado ng simbahang Katoliko, ay nagbigay sa bansa ng unang sulyap sa mga resulta ng halalan sa pamamagitan ng transparency server. Ang mga boto mula sa 0.4 porsiyento ng mga presinto sa bansa ay nag umpisa nang pumasok.
Pitong oras na walang kaalam-alam ang publiko hanggang nakita sa server na 90.4 porsyento ng mga presinto ay nakapagpadala na ng mga election return bandang 1:47 ng umaga noong Mayo 14, na nag-uudyok sa mga mamamayan na magprotesta sa social media ang kapansin-pansin na malaking paglundag ng transmission rate.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Marlon Casquejo na ang pagka-antala ay dahil sa bugso ng mga election return at sa programa na ginamit sa pagpapadala ang mga ito.
“Sa panahon ng halalan, sa 6 p.m., may mga nagpapadala na mga VCM. Nung nagpadala na siya, yung FTP (File Transfer Protocols) app ay sarado pa kaya nagdagsaan na lahat. Parang nag-hang, “sinabi niya sa mga reporter.
Sa isang pahayag, sinabi ng National Movement for Free Elections (NAMFREL) na batay sa karanasan nito sa nakaraang mga eleksiyon, ang proseso ay maaaring maatrasado habang ang transparency server ay nagpapadala ng datos sa ilang mga tatanggap.
“Ang datos ay dumadaan sa isang proseso ng conversion sa transmission. Sa gabi ng eleksyon, ang datos ay hindi na-format nang wasto. Maaaring mapigilan ang problemang ito sa pamamagitan ng Iisang masusing pagsusuri sa sistema bago ang halalan,” sabi nito.
Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa transparency server.
Ano ang transparency server?
Nakasaad sa Republic Act 9369 na ang mga election return ay dapat ipadala electronically sa “kani-kanyang mga antas ng board of canvassers, sa dominanteng mayoriya at minoryang partido, sa accredited citizen’s arm, at sa Kapisanan ng mga Broadcasters ng Pilipinas.”
Ipinamamahagi ng transparency server ang kopya ng mga resulta ng halalan sa mga partidong pampulitika, PPCRV at sa media, na naglalarawan sa mga resulta ng halalan na natanggap ng Comelec sa central server nito — ang “pangunahing pinaglalagakan ng lahat ng mga resulta ng halalan” — sa parehong oras.
Ito ay kasalukuyang nasa Pope Pius XII Catholic Center Building sa Maynila, kung saan ang PPCRV ay naka-istasyon.
Bakit mahalaga ang transparency server?
Ang transparency server ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi na ipinakilala sa pamamagitan ng RA 9369 na nagnanais na gawing “transparent at kapani-paniwala” ang automated na proseso ng eleksyon, na ang mga resulta ay “mabilis, tumpak at naglalarawan ng tunay na kalooban ng mga tao.”
Ang transparency server ay sagot sa panawagan ng publiko para sa “pag-access ng impormasyon, datos, mga resulta ng halalan,” sinabi ng PPCRV Information Technology Director Rommel Bernardo sa VERA Files. Ito ay isang bagay na hinahangad ng mga tao noong manu-manong eleksyon pa ang ginaganap sa bansa, idinagdag niya.
“Ngayon sa mga transparency server, nakukuha nila ang parehong mga input na nakakukuha ng Comelec at ang nakukuha ng mga server at nakukuha ng board of canvassers. Ito ay isang magandang bagay dahil makikita nila ang halalan habang ito ay ginaganap,” sabi niya.
Nagkaroon na ba ng mga isyu ang transparency server sa nakaraang mga halalan?
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng problema ang poll body sa transparency server.
Sa halalan sa pampanguluhan noong 2010, ang transparency server ay nakatanggap ng returns na bahagyang nahuli sa central server ng Comelec. Banda ng 5:30 p.m. sa araw ng halalan, ang transparency server ng PPCRV ay nagpakita ng 89.7 transmission rate na nahuli sa 96 porsiyento ng Comelec, iniulat ng GMA News.
Sa 2013 midterm na halalan, sinabi ni dating Comelec Chair Sixto Brillantes Jr. na ang mahigit 18,000 o 24 porsiyento ng mga precinct count optical scan (PCOS) machine ay nabigong magpadala ng mga resulta sa transparency server. Sinabi ni Brillantes na ang pagka-antala ay maaaring sanhi ng “mahinang signal” at network congestion, na tinuligsa ng mga provider ng telco na PLDT Inc. at Globe Telecom.
Pinuri ng election service provider na Smartmatic ang eleksyo noong 2016 dahil sa pinakamabilis na transmission sa kasaysayan ng Pilipinas. Gayunpaman, hindi ito nakaiwas sa mga isyu matapos baguhin ng Smartmatic – na walang pahintulot ng Comelec — ang computer script sa transparency server isang araw bago ang eleksyon.
Ang pagbabago ay naging paksa ng haka-haka, na nanggatong sa protesta ng natalong kandidato na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Vice President Leni Robredo.
Mga pinagmulan:
ABS-CBN News Online, “Brillantes: 18,000 PCOS machines had transmission problems,” May 24, 2013
Commission on Elections website, “Final Source Code Review Report for Automated Election System (AES) Certification Services for the Republic of the Philippines Commission on Elections (COMELEC),” April 12, 2019.
Commission on Elections website, Resolution No. 10520, April 3, 2019.
GMA News Online, “PCOS may not be transmitting to other servers, poll execs say,” May 14, 2010.
Inquirer.net, “Brillantes blames telcos anew for failure to transmit results,” May 24, 2013.
Inquirer.net, “Smartmatic faces probe,” May 14, 2016
Official PLDT Inc. website, “PLDT Group statement regarding ‘delayed transmissions’ of election results,” May 16, 2013.
Senate of the Philippines website, Republic Act 9369.