Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa drug testing

Walang batas na nag-uutos sa mga nais kumandidato para sa posisyon sa gobyerno na sumailalim sa isang drug test. Ngunit matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nob. 18 na "isang presidential candidate" ang gumagamit ng cocaine, ang ilan sa mga gustong tumakbo para maging pangulo ay naglabas ng mga resulta ng drug test upang patunayan na hindi sila ang tinutukoy ng pangulo.

By VERA Files

Nov 30, 2021

10-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Walang batas na nag-uutos sa mga nais kumandidato para sa posisyon sa gobyerno na sumailalim sa isang drug test. Ngunit matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nob. 18 na “isang presidential candidate” ang gumagamit ng cocaine, ang ilan sa mga gustong tumakbo para maging pangulo ay naglabas ng mga resulta ng drug test upang patunayan na hindi sila ang tinutukoy ng pangulo.

Sa isa pang talumpati makalipas ang apat na araw, sinabi ni Duterte, na tumatakbong senador sa 2022 elections, na ang hindi pinangalanang aspirant ay nakaiwas sa mga tagapagpatupad ng batas dahil “[ang mga mayayaman] ay sumakay sa yacht, yate, o nasa himpapawid” para suminghot ng droga. Hindi pinangalanan ng pangulo ang aspirant ngunit inilarawan ito bilang isang “napakahinang lider” na “maaaring manalo ng walang kaduda-duda“ dahil sa “pangalan ng kanyang ama.”

Noong Nob. 23, sinabi ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., anak at kapangalan ng yumaong diktador, Ferdinand Marcos Sr., sa isang pahayag na kumuha siya ng “cocaine test” isang araw bago nito, bagama’t sinabi niyang hindi siya naniniwala na siya ang presidential aspirant na tinutukoy ni Duterte.

I really don’t feel that I am the one being alluded to. In spite of that, I believe it is my inherent duty as an aspiring public official to assure my fellow Filipinos that I am against illegal drugs.

(Hindi talaga ako naniniwala na ako ang tinutukoy. Sa kabila nito, naniniwala akong likas na tungkulin ko bilang isang naghahangad na maging opisyal ng publiko na tiyakin sa aking kapwa Pilipino na ako ay laban sa ilegal na droga.)

Sumailalim din sa drug test si Sara Duterte-Carpio, ang anak ng pangulo at ang vice-presidential running mate ni Marcos Jr., sa “kahilingan ng [kanyang] uniteam partner.”

Upang matigil ang mga tsismis tungkol sa pahayag ni Duterte, kusang-loob na pumunta sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang iba pang mga presidential hopeful at ang kanilang vice presidential bets at nagpasuri para sa mga ilegal na substance.

Ang mga tandem nina Sen Panfilo “Ping” Lacson at Vicente “Tito” Sotto III at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Willie Ong ay gumamit ng multi-drug testing kits para sa kanilang sample ng ihi.

Lahat sila ay negatibo sa mga sumusunod na ilegal na droga: methamphetamine (shabu), MDMA (ecstasy), cocaine, at THC (marijuana).

Inihayag ni Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao ang kanyang negatibong anti-doping test, na may petsang Setyembre 2021 mula sa Voluntary Anti-Doping Association (VADA), na kinuha bago ang kanyang laban kay Youdenis Ugas sa Las Vegas.

Sinabi ni labor leader Leody De Guzman na payag siyang magpa-drug test. Gayunpaman, sinabi niyang hindi niya “gagawin” ang “gimmick” nina Lacson-Sotto at susunod lamang kung gagawing requirement ng Commission on Elections (Comelec) ang drug testing sa pagsali sa presidential race.

Ang isa pang presidential aspirant, si Vice President Leni Robredo, ay nagsabi sa isang panayam noong Nob. 24 na ang mga drug test ay dapat gawin “nang hindi inanunsyo” upang makakuha ng mga real-time na resulta.

Kawalan ng tiwala sa mga cocaine drug result ni Marcos Jr.

Ilang mga kritiko ang nag-aalinlangan kung kapani-paniwala ang resulta ng cocaine test ni Marcos Jr. dahil sa isa umanong lumang numero ng telepono at maling address, at format ng dokumento.

Sa isang pahayag sa mga report, sinabi ng abogadong si Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ng Marcos Jr., na ang mga resulta ay “nakasaad sa dokumento” at ang mga taong nagdududa sa pagiging totoo nito, pamamaraan, at prosesong ginawa para makuha ang resulta ay dapat idulog ang kanilang mga katanungan sa institusyong nagsagawa ng test.

Ilang mga mambabasa ng VERA Files ang nagpadala ng mga katanungan tungkol sa drug test document sa pamamagitan ng VERA Files misinformation tip line sa Viber.

Nilinaw ng St. Luke’s Medical Center – Bonifacio Global City (SLMC-BGC), sa isang pahayag na inilabas noong Nob. 25, na ang resulta ng test na ipinakita ng kampo ni Marcos Jr. ay sumusunod sa isang “standard at karaniwang format” sa healthcare facilities na pinahintulutan ng Department of Health na magsagawa ng dangerous drug tests.

Tinanong ng VERA Files Fact Check ang SLMC-BGC tungkol sa pamamaraan, proseso, at uri ng drug test kit na ginamit ni Marcos Jr., ngunit wala pang natatanggap na sagot sa oras ng paglalathala.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na tinanggal ng Supreme Court (SC) noong 2004 ang plano ng Comelec na ipag-utos ang “drug test” sa mga kandidato.

Dahil sa mga tanong na lumutang tungkol sa mga resulta ng drug test na isinapubliko ng ilan sa mga naghahangad sa mga sumungkit ng matataas na posisyon sa bansa sa 2022 na halalan, hanapin natin ang mga kasagutan sa ilan sa mga ito. Ano ang mga uri ng mga drug test at gaano katagal nananatili ang cocaine sa katawan? Ano ang pinaka-walang mali na test para matukoy ang mga ilegal na substance na ito?

1. Ano ang mga klase ng drug test?

Ang stimulant drugs tulad ng cocaine, methamphetamine, at ecstasy ay karaniwang nananatili sa sistema ng katawan depende sa kasaysayan ng paggamit ng droga, genetics, kalusugan at pre-existing conditions ng gumagamit.

Ang pagtuklas o window time ay ang tagal ng oras para matukoy ang isang gamot at magbunga pa rin ng positibong resulta. Maraming pinagmumulan ng mga specimen upang matukoy ang paggamit ng mga ilegal na substance: ihi, dugo, laway, buhok, hininga, at pawis.

Ang urine drug test, ang pinakakaraniwang uri ng drug screening dahil ito ay “mabilis, mura, at madali,” ay karaniwang nakikita ang ginamit na cocaine sa loob ng isa hanggang apat na araw pagkatapos ng huling paggamit. Maaaring magpositibo ang isang heavy user sa loob ng hanggang dalawang linggo, ayon sa American Addiction Centers sa United States (U.S.).

Ang mga blood at saliva test ang may pinakamaikling panahon ng pagtuklas na dalawang araw lamang mula sa huling paggamit.

Ang hair testing ay maaaring makita ang droga hanggang 90 araw (o 3 buwan) pagkatapos ng huling paggamit. Para sa mga chronic user, ang cocaine ay maaaring matukoy mula anim na buwan hanggang ilang taon.

Panghuli, ang mga sweat patches, na dapat na nakadikit sa balat sa loob ng ilang araw, ay maaaring makakita ng mga metabolite ng gamot pagkatapos ng koleksyon ng pawis.

2. Ano ang mga epekto ng cocaine?

Ayon sa National Institute on Drug Abuse sa ilalim ng U.S. National Institutes of Health (NIH), ang epekto ng cocaine sa katawan ay “halos kaagad” lumilitaw at nawawala sa loob ng ilang minuto hanggang isang oras. “Kabilang sa panandaliang physiological na mga epekto ng paggamit ng cocaine ang pagsisikip ng mga blood vessel; dilat na mga mata; at mataas na temperatura ng katawan, tibok ng puso at presyon ng dugo,” dagdag nito.

Ang paulit-ulit na paggamit ng cocaine ay maaaring humantong sa “mas madalas na pagkamayamutin, pagkabalisa, panic attacks, paranoia at maging isang full-blown psychosis, kung saan ang indibidwal ay nawawalan ng ugnayan sa katotohanan at nakararanas ng auditory hallucinations,” kung ang gumagamit ay kumuha nito sa mataas na dosis.

Sa paglipas ng panahon, ang pagsinghot ng cocaine ay maaaring magdulot ng “nosebleed, kapansanan sa pang-amoy, problema sa paglunok.” Ang paninigarilyo ng cracked cocaine ay “nakasisira ng baga at maaaring magpalala ng hika.”

3. Alin ang pinakatamang drug test para sa isang cocaine user?

Depende.

Para sa mga madalas na gumagamit, ang cocaine ay maaaring makita sa mga follicle ng buhok nang hanggang 90 araw. Hindi lahat ng user ay maaaring mag positibo sa loob ng panahong iyon kumpara sa mga heavy user, binanggit ng U.S.-based Peaks Recovery Centers sa website nito. Ang drug screening gamit ang buhok ay karaniwang nangangailangan ng isa at kalahating pulgada ng mga sample dahil ang buhok ay humahaba ng humigit-kumulang kalahating pulgada bawat buwan, batay sa isang peer-reviewed na journal na inilathala sa U.S. NIH.

Ang sample ng buhok ay pinuputol mula sa likod ng ulo, pinuputol malapit sa anit, upang matantya ang pinakahuling paggamit ng droga. Idinagdag nito na para sa mga pasyenteng kalbo o nag-ahit ng ulo, maaaring kunin ang buhok sa kilikili, mukha, o iba pang bahagi ng katawan na hindi naahit.

Dapat ding isaalang-alang ang pagpapaputi at melanin content ng buhok dahil ang mataas na konsentrasyon ng ilang partikular na gamot ay maaaring mas mataas sa maitim na buhok kumpara sa blond o pulang buhok.

Maaaring makita ng mga pagsusuri sa ihi ang mga metabolite ng cocaine para sa bago pa lang na paggamit.

Ang ilang mga tao ay nakahanap ng mga paraan upang mandaya sa ganitong uri ng testing, ayon sa isang artikulo sa publikasyong American Association for Clinical Chemistry. Upang maiwasan ang pandaraya ng mga tao, sinabi ng University of Rochester Medical Center sa isang fact sheet na pinapanood ng ilang tester ang indibidwal na umiihi sa cup. At para sa mga sample ng ihi na ibinigay ng tao, maaaring subukan ito kaagad ng mga tester. Ang resulta ay maaaring makuha sa loob ng ilang minuto.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

RTVMalacanang YouTube, Joint NTF-RTF ELCAC IV-B Meeting in Oriental Mindoro, Nov. 18, 2021

Presidential Communications Operations Office, Speech of Rodrigo Roa Duterte during the Joint national Task Force-Regional Task Force to End Local Communist Conflict Mimaropa meeting in Oriental Mindoro, Nov. 18, 2021

Presidential Communications Operations Office, Speech of Rodrigo Roa Duterte during the inspection of airport and seaport development projects in General Santos City, Nov. 22, 2021

RTVMalacanang YouTube, Inspection of the General Santos Airport Development Projects, Nov. 22, 2021

Bongbong Marcos Jr. official website, Statement of Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. on the blind item that a presidential aspirant is a cocaine user:, Nov. 23, 2021 (archive)

Mayor Sara “Inday” Duterte-Carpio official Facebook, Today, I took a drug test that yielded negative of any illegal substances, Nov. 24, 2021 (archive)

Vicente “Tito” Sotto official Facebook, ICYMI: Nagpunta sina SP Vicente Tito Sotto at Sen. Ping Lacson sa Philippine Drug Enforcement Agency ngayong araw at boluntaryong nagpadrug test., Nov. 21, 2021 (archive)

Isko Moreno Domagoso official Facebook, Tested NEGATIVE for illegal drugs! Doc Willie Ong, Nov. 24, 2021 (archive)

U.S. National Institute on Drug Abuse, What is methamphetamine?, July 16, 2019

U.S. National Institute on Drug Abuse, MDMA (Ecstacy/Molly) DrugFacts, July 15, 2020

U.S. National Institute on Drug Abuse, Cocaine DrugFacts, April 8, 2021

U.S. National Institute on Drug Abuse, Marijuana DrugFacts, Dec. 24, 2019

Inquirer.net, Pacquiao releases recent negative drug test results, Nov. 23, 2021

ABS-CBN News Online, Pacquiao camp says he’s been cleared of drug use, Nov. 23, 2021

GMA News Online, Pacquiao bares negative drug test results taken before Ugas fight, Nov. 23, 2021

ABS-CBN News Online, Bong Go, Leody De Guzman say willing to take drug test, Nov. 22, 2021

One News PH Facebook, #BilangPilipino2022 | Presidential aspirant and labor leader Ka Leody De Guzman weighs in on the voluntary drug testing of Partido Reporma standard bearer Sen. Ping Lacson and his running mate Senate Pres. Tito Sotto, Nov. 22, 2021

Philstar.com, Bets rush to take drug tests in wake of Duterte’s cocaine comments, Nov. 24, 2021

GMA Public Affairs, Unang Hirit: VP Leni: Mas mainam na ‘unannounced’ ang drug test, Nov. 25, 2021

Distrust in Marcos Jr. ’s drug test results

Types of drug tests

  • Peaks Recovery Centers, How Long Does Cocaine Stay In Your System?, Retrieved on Nov. 24, 2021
  • Hadland, S. E., & Levy, S. (2016). Objective Testing: Urine and Other Drug Tests. Child and adolescent psychiatric clinics of North America, 25(3), 549–565. Retrieved on Nov. 24, 2021

Effects of cocaine

Accurate cocaine drug test

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.