Skip to content
post thumbnail

​VERA FILES FACT SHEET: Uson umalis sa gobyerno ng may tatlong kaso sa Ombudsman

Ang mga sumusunod ay ilang impormasyon na may kaugnayan sa pinakahuling reklamo.

By VERA Files

Oct 4, 2018

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Habang nagbabanta na maglulunsad ng giyera laban sa ilang mga mambabatas at mga kritiko ng administrasyon ng Duterte, ang nagbitiw na Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Mocha Uson ay patuloy naman na haharap sa mga kaso sa Office of the Ombudsman.

Aalis siya sa gobyerno ng may tatlong reklamo na nakasampa laban sa kanya sa harap ng anti-graft body.

Ang una ay isinampa noong Septiyembre 2017 ni Sen. Antonio Trillanes IV para sa tatlong kaso ng online libel para sa pagkakalat ng mga “hindi totoo at malisyosong” mga alegasyon sa kanya umanong mga bank account sa ibang bansa (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: What is malice in libel cases? Tignan din ang VERA FILES FACT CHECK: Use of ‘alleged’ not a defense against libel).

Ang ikalawa, tungkol din sa pagkakalat ng “fake news,” ay isinampa noong Abril 2017 ng Akbayan Youth na nagsampa sa kanya ng grave misconduct, serious dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of service.

Ang pinakahuli ay isinampa noong Septiyembre 20 ng mga tagapagtaguyod ng persons with disabilities (PWD) dahil sa pagkukutya sa sign language sa isang video sa Facebook na nag viral. Ang isang katulad na reklamo ay isinampa laban kay Uson at kapwa blogger na si Drew Olivar sa Commission on Human Rights.

Ang mga tagapagtaguyod ng PWD ay kinasuhan si Uson sa paglabag ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Civil Code of the Philippines, Cybercrime Prevention Act, Magna Carta for Persons with Disability, at United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities.

Sinabi ni National Council on Disability Affairs Executive Director Carmen Reyes-Zubiaga na talagang nilabag nina Uson at Olivar ang Magna Carta for PWDs at ang code of conduct para sa mga opisyal ng pamahalaan.

Sina Uson at Olivar ay parehong humingi ng tawad sa publiko.

Ang mga sumusunod ay ilang impormasyon na may kaugnayan sa pinakahuling reklamo (sa dalawa).

Anong mga probisyon ng Magna Carta for PWDs ang nilabag nina Uson at Olivar?

Ang Republika Act 9442, ang sinususugan na Magna Carta for PWDs, ay nagbabawal sa verbal, nonverbal na panlilibak at pag-aalipusta laban sa mga PWD.

Ang Artikulo 4, Seksiyon 39 ng batas ay tumutukoy sa pampublikong panlilibak “bilang isang pagkilos na ginagawang katawa-tawa o mapanghamak na panggagaya o panunuya sa mga taong may kapansanan sa pamamagitan ng pagsulat, o mga salita, o pagkilos dahil sa kanilang kapansanan.”

Sinasabi pa ng Seksiyon 40:

Walang sinumang indibidwal, pangkat o komunidad ang magsasagawa ng anuman sa mga gawang ito ng panlilibak laban sa mga taong may kapansanan sa anumang oras at lugar na maaaring takutin o magresulta sa kawalan ng pagpapahalaga sa sarili ng huli.

Ang unang paglabag ay may multang mula P50,000 hanggang P100,000 o pagkabilanggo mula anim na buwan hanggang dalawang taon, o parehong multa at pagkakakulong. Anumang kasunod na paglabag ay maaaring parusahan ng multa mula P100,000 hanggang P200,000 o pagkabilanggo mula sa dalawang taon hanggang anim na taon, o pareho (parusa).

Paano magagamit ang kombensiyon ng United Nations sa mga PWD sa reklamo laban sa Uson at Olivar?

Ang Pilipinas ay kabilang sa mga pumirma sa United Nations Convention on the Rights of Persons With Disabilities (UNCRPD), na naglalayong itaguyod at protektahan ang mga karapatan at dignidad ng mga PWD.

Ang Artikulo 15 ng kombensyon ay nagsasaad na dapat protektahan ng mga bansa ang integridad ng pisikal at mental na mga taong may kapansanan. Tinitiyak nito ang kanilang kalayaan mula sa labis na pagpapahirap at mula sa malupit, di-makatao o nakapanghahamak na trato o parusa, at ipinagbabawal ang mga medikal o siyentipikong mga eksperimento nang walang pahintulot ng taong pinatutungkulan.

Ang Artikulo 9, na nakatutok sa accessibility, ay nag-uutos sa mga bansa na kilalanin at alisin ang mga harang at hadlang at tiyakin na ang mga taong may kapansanan ay may access sa ang kanilang kapaligiran, transportasyon, mga pampublikong pasilidad at serbisyo, at impormasyon at mga teknolohiya ng komunikasyon.

Bakit may kaugnayan sa kaso ang code of conduct para sa mga opisyal ng pamahalaan?

Ang Republic Act 6713, o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, ay pinagbabalaan ang mga tagapaglingkod ng pamahalan laban sa diskriminasyon.

Seksyon 4 (c) ay nagsasaad:

Makatarungan at katapatan. – Ang mga pampublikong opisyal at empleyado ay mananatiling tapat sa mga tao sa lahat ng oras. Dapat silang kumilos nang may katarungan at katapatan at hindi dapat magpakita ng diskriminasyon laban sa sinuman, lalo na sa mga mahihirap at mga dukha.

Ano ang sign language?

Inilalarawan ng US National Institute on Deafness and other Communication Disorders (NIDCD) ang sign language bilang wika na “gumagamit ng mga senyas na ginagawa sa pamamagitan ng paggalaw ng mga kamay na sinamahan ng mga ekspresyon ng mukha at postura ng katawan.”

Dalawang pangunahing kategorya ng sign language ang ginagamit sa Pilipinas.

Sinabi ni Dr. Marie Therese Angeline Bustos, interpreter ng sign language at special education professor sa University of the Philippines sa Diliman, sa isang mas maagang pakikipanayam na ang Filipino Sign Language (FSL) o ang American Sign Language (ASL) ay “natural na nagmumula sa mga Deaf.”

Ang isa pa, ang “Artificial Signing System (ASS),” ay sumusunod sa ilang mga tuntunin ng gramatika, sabi niya.

“Ang FSL ay walang kinalaman sa ginagamit na salitang Filipino. Ito ay karaniwang tumutukoy sa sign language na ginagamit ng komunidad ng mga deaf sa Pilipinas,” sabi ni Bustos.

Mayroon bang mga panukala sa Kongreso na may kaugnayan sa sign language?

Ipinasa ng House of Representatives at Senado sa pangatlo at panghuling pagbasa ang ipinanukalang “Filipino Sign Language Act.”

Ang House Bill 7503 ay pumasa ng walang tutol noong Hulyo 31 at Senate Bill 1445 noong Agosto 28, parehong nagnanais na ipahayag ang FSL bilang pambansang sign language ng mga deaf na Filipino at ang opisyal na sign language ng gobyerno sa lahat ng mga transaksyon na kinasasangkutan nila, pati na rin gamit sa pagtuturo.

Tinunton ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, sponsor ng panukala, ang paggamit ng sign language sa bansa noong 1596. “Ang FSL ay umunlad mula noon bilang isang epektibong nakikitang wika na maiging sinaliksik, batay sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas, at isinasama rin ang mga katutubong elemento,” sabi niya.

Ano ang papel ng mass media sa pagtataguyod ng pinabuting access para sa mga deaf?

Hinihikayat ng UNCRPD ang media upang mailarawan ang mga PWD “sa isang paraan na naaayon sa layunin” ng kombensyon. Higit na hinihimok nito ang media, kabilang ang mga tagapagkaloob ng impormasyon sa pamamagitan ng Internet, na gumawa ng paraan upang madaling ma-access ng mga PWD ang kanilang mga serbisyo.

Ang Magna Carta for PWDs ng bansa sa Seksiyon 22 ay naghihikayat sa mga istasyon ng telebisyon na magbigay ng sign language inset o subtitle sa kahit isang programa ng balita kada araw at espesyal na programa na nag-uulat tungkol sa mga kaganapan na may pambansang kahalagahan.

Ang FSL bill na nakabinbin sa Senado ay gagawing FSL ang “paraan ng pagpapakahulugan sa broadcast media, patuloy na naghahatid ng balita at impormasyon sa komunidad ng deaf.” Aatasan nito ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWP), Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at iba pang mga stakeholder upang magtatag ng isang pambansang sistema ng pamantayan at accreditation para sa interpretasyon ng FSL sa media.

Sa ilalim ng bersyon ng House, ang KBP at MTRCB ay ipinag-uutos na magkaroon ng mga FSL interpreter inset, sumusunod sa mga pamantayan ng accessibility para sa telebisyon, sa mga balita at mga programang pampubliko.

(Ang VERA Files ay gumawa ng mga libro at video tungkol sa mga PWD sa ilalim ng Fully Abled Nation initiative ng The Asia Foundation mula 2012 hanggang 2016. Panoorin ang video na “Call them Deaf” tungkol sa kung paano wastong makipag-ugnayan sa mga taong deaf. Ang video ay bahagi ng serye ng video tutorial tungkol sa pakikipag-ugnayan sa mga PWD. Inilathala din ng VERA Files ang “The Right to Vote: Filipinos with Disabilities and the 2013 Election” and “Reporting on Persons with Disabilities.”)

Mga pinagkunan ng impormasyon:

National Council on Disability Affairs, Republic Act 9442

United Nations, Convention on the Rights of Persons with Disabilities and Optional Protocol

Office of the Ombudsman, Republic Act 6713

National Institute on Deafness and other Communication Disorders

House of Representatives, House approves “Filipino Sign Language Act”

Senate of the Philippines, Senate approves Filipino Sign Language bill

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.


Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.