Dalawang beses nag-share noong Setyembre ng isang binago at maling bersyon ng report ng GMA News News Online si Margaux “Mocha” Uson, ang bagong itinalagang Deputy Executive Director ng Overseas Workers Welfare Administration.
Nakasaad sa dinoktor na artikulo na si Chayra Ganal, ang tagapaglinis na hindi pinahintulutan ang trans woman na si Gretchen Diez na gumamit ng pambabaeng restroom sa Farmers Plaza mall, ay tinanggal sa kanyang trabaho. Hindi ito totoo.
PAHAYAG
Noong ika-4 at ika-11 ng Setyembre, ibinahagi ni Uson sa kanyang Facebook (FB) page ang isang artikulo na inilathala ng isang website na nagngangalang Shared News (gnbc.news) tungkol sa paghingi ng tawad ng Farmer’s Plaza hinggil sa mainit na pagtatalo nina Diez at Ganal noong Agosto 13.
Ang maling artikulo, na na-upload noong Set. 4, ay kinuha mula sa isang artikulo ng GMA News Online na inilathala tatlong linggo ang nakararaan noong Agosto 14. Ito ay pinamagatang “Farmers Plaza apologizes to discriminated trans woman, disowns cleaning staff involved.”
Kinokopya ng Shared News ang eksaktong artikulo ng GMA, ngunit binago ang headline — ang maling ulat ay nagpahayag na si Ganal ay nasisante matapos humingi ng tawad sa publiko ang mall.
Ang maling headline din ang caption sa post ni Uson:
“Mall sa Cubao nag-sorry kay Gretchen Custodio Diez. Janitress tinanggal na sa trabaho…”
Pinagmulan: MOCHA USON BLOG, Set. 4, 2019 at Set. 11, 2019
ANG KATOTOHANAN
Si Ganal ay hindi kailanman sinisante. Sinabi ito ng 25 taong gulang na tagapaglinis sa isang pakikipanayam sa video na na-upload online noong Agosto 19, o 16 araw bago lumabas ang maling ulat na inilathala ng Shared News at ibinahagi ni Uson.
Sa isang pakikipanayam sa online news group na PressONE.PH, tinanong si Ganal tungkol sa kanyang katayuan sa trabaho. Matapos ipaliwanag na siya ay isang regular na empleyado ng isang ahensya ng serbisyo at hindi ng Farmers Plaza, tinanong siya kung pinalayas siya ng kanyang amo pagkatapos ng kaguluhan.
“Ganal: Ang gusto po nila mangyari, papasok pa rin po ako. Pero nag-suggest (iminungkahi) ko po na kung pwede mag-rest (magpahinga) po muna ako dahil sa inabot kong stress na rin po.
PressONE.PH: Hindi ka naman tinanggal ng employer (amo) mo?
Ganal: Hindi naman po.
PressONE.PH: Pero pumayag sila na magpahinga ka?
Ganal: Opo. Sinupport (Sinuportahan) naman po nila yung pag-ask (paghiling) ko sa kanila na magpahinga.”
Pinagmulan: PressOnePH Exclusive: Janitress in LGBT firestorm speaks up, Agosto 19, 2019. Panoorin mula 12:13 – 12:22 at 13: 10-13: 25
Sinubukan ng VERA Files Fact Check na makausap ang management ng Araneta Center, na humahawak sa Farmers Plaza, simula pa noong Set. 9, ngunit wala pang natatanggap na tugon nito.
Ang artikulo ng Shared News ay nakakuha ng 29,000 interactions sa FB page ni Uson. Ito ay ibinahagi din ng 20 iba pang mga FB group at pahina, na nakakuha ng halos 80,000 interactions sa kabuuan. Mahigit sa 6.7 milyong tao ang maaaring naabot ng maling ulat, ayon sa social media monitoring tool na Crowdtangle.
Sa pagsusuri ng Google Adsense code (ca-pub-2389116891968561) ng Shared News website, lumabas na ito ay may parehong code sa anim na iba pang mga domain, kabilang ang goodnewsnetworkph.com, isang website na naglathala ng mga artikulo na madalas ding ibinahagi ni Uson noong 2018. Ang VERA Files Fact Check dati ay nag-flag ng ilang mga ulat sa site bilang hindi totoo o mapanligaw bago nag-offline ang domain.
Ang mga sumusunod ay may parehong code tulad ng Shared News:
- Factcheckerph.com
- Goodnewsduterte.com
- Goodnewsnetworkph.com
- Newsreviewph.com
- Weblogph.tk
Maaaring gamitin ng mga publisher ng web at mga may-ari ng YouTube channel ang Google AdSense upang kumita mula sa kanilang mga site sa pamamagitan ng mga advertisement. Ang mga publisher ay binibigyan ng isang code upang ilagay sa kanilang mga web page upang ipakita ang mga advertisement mula sa Google.
Mga Pinagmulan
PressOnePH Exclusive: Janitress in LGBT firestorm speaks up. PressONEPH. Aug. 19, 2019.
“Farmers Plaza apologizes to discriminated trans woman, disowns cleaning staff involved.” GMA News Online. Aug. 14, 2019
Araneta Center’s apology to Gretchen Diez. Aug. 14, 2019
“VERA Files: Fact checker or fact blocker?” Philstar.com. June 5, 2018
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)