“Kapag hindi umubra ang lahat,” minsang isinulat ni Esther Margaux “Mocha” Uson sa kanyang kolum ng Philippine Star, “maaari lamang tayo umasa sa mga katotohanan.”
“Pero sa mga araw na ito ang mga katotohanan mismo ay maaaring buuin ulit at maging mga kasinungalingan at tsismis,” dagdag niya.
Gayunpaman si Uson, ang kontrobersiyal na dancer na naging blogger na naging opisyal ng gobyerno na nagbitiw bilang presidential communications assistant secretary noong Oktubre 3, ay may mahabang kasaysayan ng pagwawalang-bahala sa katotohanan.
Maraming beses, siya ay gumawa ng mga maling pahayag at nagkalat ng fake news sa kanyang kolum o sa kanyang Facebook page Mocha Uson Blog na sa ngayon ay may 5.7 milyong mga tagasunod.
Balikan natin ang mahabang listahan:
MGA MALING PAHAYAG NI MOCHA USON
Sa pagpapalawig ng termino ni Duterte
Pahayag: Noong Hulyo 4, 2017, sa kanyang kolum sa pahayagan, sinulat ni Uson na umaasa siya na mapalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang termino bilang “sa kahit na anong paraan.”
Katotohanan: Ang 1987 Constitution ay naglilimita sa termino ni Duterte sa panguluhan sa anim na taon, at inaalis ang kanyang karapatan na muling kumandidato bilang pangulo.
Sa paggamit ng ‘umano’ bilang depensa laban sa libel
Pahayag: Pinagbantaan na sasampahan ng kasong libel at kinalaunan idinemanda ni Sen. Antonio Trillanes IV, na nag-akusa sa kanya ng pagkakalat ang fake news tungkol sa kanya umanong mga account sa ibang bansa, si Uson ay nag-post ng isang video Septiyembre 12, 2017, sa kanyang pahina sa Facebook na sinasabing ang paggamit niya ng salitang “umano “ay nagpapalaya sa kaniya sa pananagutan.
Katotohanan: Hindi ito totoo. Sa pangkalahatan, ang literal na katotohanan o kasinungalingan ng isang libelous na pangungusap ay hindi mahalaga, at ang isanaaalang-alang lamang ng korte ay ang pangkalahatang epekto ng pahayag na pinag-uusapan.
Sa pederalismo at mga bansang unitary
Pahayag: Sa kanyang kolum ng Agosto 3, tinukoy ni Uson ang Pilipinas na “tanging bansa sa Southeast Asia na nasa ilalim ng unitary form of government.”
Katotohanan: Ang buong Southeast Asia ay mga bansang unitary na nakatuon ang kapangyarihan sa sentro, maliban sa Malaysia, na may pederal na pamahalaan.
Pahayag: Isang online “game show” na ang video na na-post ni Uson sa kanyang pahina sa Facebook noong Agosto 2 ay tampok, kasama ang iba pa, siya at isang co-host na ginamit ang salitang “federalism” kasabay ang mga salitang Filipino para sa ari ng babae at dibdib at isa umanong paliwanag na nagsasabing ang US, France at Singapore ay mga pederal na bansa.
Katotohanan: Ang U.S. ay may pederal na anyo ng pamahalaan. Ang Singapore at France ay may mga unitary government.
Sa lokasyon ng Mayon Volcano
Pahayag: Inilipat ni Uson ang Mount Mayon sa Naga City sa isang live na video sa Facebook noong Enero 24 kung saan hiniling niya sa mga basher na tumutok sa mga mahalagang isyu kaysa sa award na iginawad sa kanya na University of Santo Tomas Alumni Award para sa kanyang serbisyo sa gobyerno.
Katotohanan: Ang Mount Mayon, bantog sa perfect cone, ay nasa lalawigan ng Albay, hindi sa kalapit na Naga City sa Camarines Sur. Si Uson ay humingi ng paumanhin para sa pagkakamali pagkatapos na ito ay naging viral.
Sa rally ng nagpo-protestang mga estudyante ng St. Scholastica College
Pahayag: Sinabi ni Uson sa ilang mga blog noong Nobyembre 18, 2016, na ang mga batang estudyante ng St. Scholastica’s College ay inuutusang sumali sa mga protesta laban sa hero’s burial ng diktador na si Ferdinand Marcos.
Katotohanan: Tinuligsa ng mga estudyante at alumnae ng unibersidad ang paglaganap ng mga maling ulat na, sinabi nila, humantong sa cyberbullying ng mga mag-aaral.
MALI AT NAKALILIGAW NA MGA ULAT NA IPINAMAHAGI NI MOCHA USON ONLINE
Sa parehong kolum sa Philippine Star kung saan lantaran niya dapat ipagtatanggol ang katotohanan, ipinagtanggol ni Uson ang Good News Network PH.
Inilarawan niya ang online content aggregator bilang “isang pahina na aktibo sa pagdodokumento ng pag-unlad ng iba’t ibang aktibidad ng gobyerno at mga tagumpay nito para sa publikong Pilipino upang makita sa oras mismo ng pangyayari.”
Ngunit ang Good News Network PH, na nilikha noong Nobyembre 25, 2017, ay na-flag ng VERA Files Fact Check dahil sa paggamit ng mga pekeng larawan at mapanulsol ngunit hindi tumpak na mga headline.
Si Uson ang nangungunang traffic generator ng mga nakaliligaw na kwento ng Good News Network PH, kabilang ang tungkol sa paglilinis sa Boracay ng administrasyong Duterte na gumamit ng luma at mapalinlang na litrato ng isang maruming beach.
Ang iba pang nakaliligaw na mga post ng Good News Network PH na ibinahagi ni Uson at na-flag ng VERA Files Fact Check:
- HINDI sinabi ni Pangilinan na ang mga atake laban kay Robredo at dating tourism chief Jimenez ay ‘hindi tama’
- Kuwento tungkol sa anti-Duterte blog NAKALILIGAW sa paggamit ng walang-kaugnayang litrato at lipas na tweet
- Kuwento na sinabi ni Bam Aquino na siya ang magiging ‘boses at tagapagtanggol’ng mga Pilipino NAKALILIGAW
- Kuwento na nagsabing opisyal ng EU Socialist Party “mas agresibong makikialam sa PH” nakaliligaw
Ang Good News Network PH ay hindi na aktibo pagkatapos na ito ay paulit-ulit na tinatawag ang pansin ng mga fact checkers sa pagbabalita ng mali at nakaliligaw na mga pahayag.
Noong Mayo, ibinahagi ni Uson ang isang maling ulat sa isang website na tinatawag na resurgent.ph, na nagsabing ang karamihan sa mga Pilipino ay pabor sa isang pagpapalit sa pederal na anyo ng gobyerno, binabaluktot ang mga resulta ng isang survey ng Pulse Asia sa pagbabago ng saligang batas.
Ang maling ulat ay maaaring umabot sa higit 14.9 milyong tao, pinapakita ng mga social media analytics tool.
Gumawa din si Uson ng trapiko sa social media sa isang pekeng ulat na inilathala ng Philippine News Agency na pinapatakbo ng estado, na ibinahagi niya noong Mayo 2017.
Ang pekeng ulat ay nagsabing 95 bansa sa 27th Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Council ay kumbinsido na walang extrajudicial killings sa Pilipinas.
Ang iba pang mga pekeng balita na ibinahagi ni Uson ay na-dokumentado at pinasinungalingan sa ibang lugar:
- Noong Agosto 27, 2016, nagbahagi siya ng isang post ng isang Duterte supporter na nagpapakita ng isang litrato ng batang babae na ginahasa at pinatay, ngunit kinunan sa Brazil, at binatikos ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa hindi pagkondena ng insidente. Inquirer, Rappler, GMA News)
- Noong Marso 2017, binanggit niya ang Artikulo 263 ng Konstitusyon sa isang post sa blog tungkol sa kaso ng tax evasion ng Mighty Corp. Ang 1987 Constitution ay may 18 artikulo lamang. (Inquirer, Memebuster, GMA News)
- Noong Mayo 28, 2017, umani siya ng batikos sa paggamit ng isang litrato ng mga armadong pwersa ng Honduras na ipinasa bilang mga sundalong Pilipino sa Marawi. Binale-wala niya ang kamalian bilang “simbolismo.” (Inquirer, CNN Philippines, GMA News)
- Noong Agosto 22, 2017, ibinahagi ni Uson ang isang artikulo tungkol sa pagkamatay ng isang opisyal ng pulisya, hinamon sina Vice President Leni Robredo at mga senador ng mga oposisyon na sina Bam Aquino, Antonio Trillanes at Risa Hontiveros na pumunta sa burol. Ang ulat ay isang taon nang nalathala. (Inquirer, Philippine Star, Memebuster)
- Noong Oktubre 25, 2017, nag-post siya ng naliligaw na litrato ng Marawi City, na pinupuri ang gobyerno sa ginawang paglilinis matapos matapos ang bakbakan, maliban sa ang litrato ay kinuha sa ikatlong araw pa lang ng pagkubkob (sa lugar). (Rappler, Memebuster)
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Inquirer, Mocha Uson to defend Duterte against misinformation in media, May 11, 2017
Rappler, Photo used by Duterte camp to hit critics taken in Brazil, not PH, Aug. 29, 2016
GMA News, Roque reiterates gov’t employees should not be singled out for fake news, March 15, 2018
Memebuster, Busted: Mocha slammed for making erroneous post about “Article 263 of Constitution”, March 24, 2017
GMA News, Poe to Mocha: Don’t share posts without vetting sources of info, Oct. 4, 2017
Inquirer, Mocha embroiled in another fake news controversy, May 31, 2017
CNN Philippines, Asec. Mocha Uson on spread of alleged inaccurate photo: It’s symbolism, May 30, 2017
GMA News, Mocha Uson defends FB post using photo of Honduras police, says it’s symbolism, May 31, 2017
Inquirer, Mocha Uson dares Robredo to visit wake of slain cop – a year after death, Aug. 22, 2017
Philippine Star, ‘Fire Mocha’ trends after PCOO asec’s latest gaffe, Aug. 23, 2017
Memebuster, #FireMocha trends after Uson dares Robredo to visit wake of cop killed over a year ago, Aug. 23, 2017
Rappler, Mocha Uson on defensive over misleading Marawi photo from PCOO-managed page, Oct. 23, 2017
Memebuster, Busted: Rappler hits Uson for using Marawi photo taken by Rappler
correspondent; Uson explains mistake behind her post, Oct. 23, 2017.
Philippine Star, VERA Files: Fact-checker or fact-blocker?, June 5, 2018
Philippine Daily Inquirer, Will St. Scho sue Mocha Uson?, Nov. 28, 2016
Philippine Institute of Volcanology and Seismology, Mayon Volcano