Mahirap intindihin ang panahon. Tag-init ngayon, tapos biglang bubuhos ang ulan.
Ang karaniwang kumento ay “ito ang Climate Change.”
Climate Change. Parang napakalaking salita. English pa.
Sinasabi sa atin na may kinalaman ang Climate Change sa pang araw-araw nating buhay. Paano?
Kinausap ng reporters ng VERA Files na sina Klaire Ting at Elijah Roderos si Dr. Laura David, oceanographer at miyembro ng National Panel of Technical Experts for the Climate Change Commission.
Heto ang interview:
VERA Files (VF): Paano mako-konekta ng isang vegetable vendor sa Quiapo ang Climate Change sa kanyang kabuhayan?
Laura David (LD): Ah, mahirap sa vegetable vendor. Matatagalan tayo. Mas gusto ko mag-explain sa driver. Kunwari jeepney driver.
Kasi kapag tinignan mo yung traffic natin sa Manila, meron time na may traffic jam, may time na wala, pero dati predictable yun, kung kailan meron yung traffic, sabihin mo eight o’clock ng umaga, alas-singko ng hapon, alam mo rush hour so traffic, Pero yung mga ibang oras alam mo kapag alas dies, maluwag na ang EDSA.
Ngayon, hindi mo na alam, may mga araw na ten o’clock na o alas-tres na ng umaga, traffic pa din. Hindi mo alam kung saan siya nanggaling. Meron naman araw na alam mo dapat traffic dyan tapos wala, ang luwag, luwag ng EDSA. Yun ang change. Kasi yung frequency o kung paano mo mapi-predict kung kailan yung traffic, kailan hindi.
Ngayon, kailan tag-ulan, kailan tag-araw, hindi mo na kayang ipredict, kasi yung ini-expect mong tag-araw, tag-ulan pa din, yung pini-predict mo na dapat tag-ulan na tuyong-tuyo ka pa din, yun ang climate change.
VF: Paano naapektuhan ng climate change ang supply ng pagkain, pabahay, at kuryente?
LD: So, maraming epekto ang climate change. Ang climate change pwedeng sa pag-init, pwedeng sa pagdating ng ulan o hindi pag-ulan, pwedeng sa paglobo ng dagat.
Sa pagkain, karamihan ng pagkain kailangan ng ulan, kasi kailangan tutubo siya. Kapag magtatanim ka, tapos ang gusto mo umulan na, tapos hindi siya uulan, so hindi mo na ngayon alam kung kailan ka magtatanim kaya naapektuhan ‘yung ani.
Pagdating naman sa huli, kunwari sa isda, alam mo sa isang lugar, maraming ganitong isda sa ganitong panahon. Alam ‘yun ng mga batikan na mga mangingisda. Pero ngayon, kapag nagpupunta sila roon, wala kasi sobrang init ‘yung tubig, ‘yung mga isda, imbes na nag-stay roon, lumalalim o lumalayo, kung saan mas malamig. So, naapektuhan ‘yung pagkain natin.
Pagdating naman sa enerhiya, ‘yung mga kinukuha lang kasi natin na energy, marami roon reliant siya kung ano ‘yung climate at that time. For example, si solar, syempre kapag maraming clouds wala kang solar, si wind, kapag nag-iba ‘yung wind, wala ka ring wind power, hydro-electric, kailangan mo na ulan.
So, hindi mo ma-predict kung kailan at gaano kalakas ‘yung energy na makukuha mo sa kanila.
VF: Nabanggit nyo “ang paglobo ng dagat”? Pwede nyo bang dagdagan ang paliwanag?
LD: Okay. So, kapag nagpapa-init ka ng tubig sa takure, ‘di ba tumutunog siya kapag mainit na siya, kasi lumulobo ‘yung hangin sa loob, lumulobo din ‘yung tubig, tutunog ‘yun, pipito siya. So, gano’n din ang dagat, habang umiinit, lumolobo siya, nag-eexpand ‘yung tubig.
Ang laki-laki ng tubig Pacifico. Kapag lumolobo na ‘yun dahil sa init, lahat ‘yun napupunta sa side natin ng mundo, kasi umiikot ‘yung mundo, so itong si Pacific, pupunta siya sa Pilipinas.
VF: Speaking of water, sa tingin ba ninyo, gaano kalaki ang contribution ng climate change sa nakaraang water crisis?
LD: Complex kasi ‘yung water crisis kasi mayroon ‘yang source at mayroon ‘yang demand. Sa demand, nandoon ‘yung population ng Metro Manila, Nandoon ‘yung lahat ng patubigan ng Bulacan, maraming nagko-consume sa kanya. Sa source naman, dependent talaga tayo sa ulan, na napupunta sa kabundukan, sa kung ano ‘yung naiipon sa dam at kung paano siya niri-release, ‘yung management mismo ‘yun, so complex siya.
Ano ang contribution ng climate change doon? So far, hindi namin alam, kasi the phenomenon of El Niño, na nagsasabing nagdudulot ngayon ng pagkawala ng tubig, pagkawala ng ulan dito sa atin, hindi naman siya necessary climate, kasi may natural El Niño cycle naman na three to seven years, so p’wedeng nandoon lang tayo sa cycle na ‘yun.
Malalaman mo lang talaga na ang isang bagay ay climate change kung pangmatagalan mo siyang natitingnan, nakikita mo dumadalas ba ‘yung El Niño o palaki ba nang palaki ‘yung grabe ‘yung dating ng El Nino. Sa ngayon, masyado pang maikli ‘yung data para masabi ‘yun, so hindi mo alam kung climate related siya or natural cycle lang siya ng mundo.
VF: Napangkasunduan ng pamahalaan sa buong mundo na dapat i-limit sa “1.5 degree Celsius of pre-industrial levels” ang temperatura. Ano ang ibig sabihin nito?
LD: Okay. So, kapag tiningnan mo ‘yung isang bata, sanggol mo, mayroon siyang human temperature na 36. Kapag nag-37 siya may sinat, kapag nag-38 siya, lagnat, kapag 40 na, kumbulsyon, tama? So, mayroon threshold lahat ng natural things, ang mga models na ginawa ng mga scientists, nakita nila na kapag less than 1.5, buhay pa tayo. Kung baga sini-sinat pa lang tayo, kapag lumampas na roon, naging two na, lagnat na ‘yun, sakit na siya talaga. So kung mas mataas pa roon, kumbulsyon na, delikado na ‘yung mundo. So, ‘yung 1.5 limit na ‘yun, iyon ‘yung threshold mo na, umiinit ka nga pero sinat ka palang, kakayanin natin mag-survive.
VF: Sa ngayon po, ilang degrees na po ang mundo?
LD: Ah, naka-one na tayo eh. So, maliit na lang ‘yung ating movement of freedom, kung gaano pa karami ‘yung pwede natin magamit.
VF: Sa tingin niyo ba, epektibo ang pananakot na katapusan na ng mundo dahil sa climate change, para mas lalong gumalaw ang mga tao?
LD: Sa tingin ko, oo at hindi ‘no. Para ‘yan sinabi mong may potential kang magkaroon ng heart attack kasi ‘yung pamilya mo parating nagha-heart attack. Depende sa tao eh.
Meron na ang sasabihin, “eh, kahit ano namang gawin ko, mamamatay rin naman ako sa heart attack kasi mayroon ang pamilya ko.”
May tao naman na ang gagawin niya healthy living, kaya mag-eexercise siya, kakain siya ng tama.
‘Yung isa, madaling mamatay, ‘yung isa, may pag-asang lumaban ‘di ba. So, ‘yung message ah, iba-iba rin ang pagtanggap ng tao.
So, siguro ang dapat sabihin, hindi ‘yung, “may history ang pamilya mo, heart attack, ito ang mga p’wede mong gawin para hindi mangyari sayo,” ‘Di ba. So, dapat gano’n. Ito ang nangyayari sa global warming, ito ang nangyayari sa climate change, ito ang mga p’wede mong gawin para hindi umabot sa gano’n.
I think, the warning is okay, but you have to show, ano ‘yung p’wede nilang gawin, kung hindi give up na lang syimpre.
VF: Anong maaring gawin ng mga ordinaryong mamamayan para mabawasan ang epekto ng climate change?
LD: Okay. So, dalawa ‘yan, ang tinatawag sa climate change is mitigation and adaptation. Meaning, gumawa ka ng paraan upang hindi na siya lalong uminit, tapos gumawa ka ng paraan na kahit umiinit siya protektahan mo ang sarili mo, yun ‘yung dalawa.
So, ‘yung una, sinasabi nila maliit lang naman ang kunsumo ng Pilipinas ng carbon, so therefore, maliit lang ang kontribusyon natin sa climate change. Kaya may mga ibang tao ang iniisip hindi na tayo makagagawa ng paraan para pigilan ‘yung 1.5. Ang sa akin naman ay ah, “a drop of poison in a bucket of milk, can poison the milk,” meaning kahit na katiting ‘yung gawin mo na paglabis doon sa tama, makaka-contribute ‘yun sa buong global warming.
So dapat bawat isang tao gawan niya ng paraan na magtipid siya ng energy na hindi siya mag-create ng masyadong carbon footprint. So, buy local ‘yung sa mga farmers natin kung pwede ang bilihin nating sibuyas, sibuyas Pilipinas, hindi sibuyas China, kasi makakatulong ka na sa farmers tapos hindi ka pa naglalagay ng carbon footprint na ini-import mo ‘yung lahat ng sibuyas dito. Mayroon naman tayong sibuyas, gano’n din sa carrot, gano’n din sa lettuce.
Lahat naman ng pwede mong bilihin, alamin mo kung saan galing ‘yan. Mas malapit sayo ‘yung pinatubuan no’ng tanim, mas maliit ‘yung carbon footprint mo.
‘Yung naman sa p’wede mong gawin para protektahan ang sarili mo? Marami sa atin ang nilalagay natin ‘yung sarili natin sa kapahamakan dahil tumitira tayo na malapit sa mga tubig na pwedeng lumobo, hindi lang dahil sa sea level rise, dahil din sa mga bagyo, storm surge. So, kahit hindi ka na paalisin ng gobyerno doon sa kinalalagyan mo, mag-isip ka na tumira na mas malayo sa dagat, isipin mo na ‘yung anak, ‘yung ipapamana mo kunwari sa anak mo. Ilayo mo na doon para ‘yung henerasyon nila hindi na sila exposed sa magiging sea level rise, sa storm surge o daluyong, ‘yun number one ‘yun. Ah, tapos marami pang iba na p’wede mo gawin para maprotektahan ang sarili mo sa pang araw-araw.