Sinabi ni technology entrepreneur Mel Velarde na ang 1734 Murillo Velarde map ay nagsilbing “mahalagang piraso ng ebidensiya mula sa kasaysayan” na nakatulong sa Pilipinas na pagtibayin ang “sovereignty” nito sa West Philippine Sea (WPS) sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa kaso ng bansa laban sa China sa arbitral tribunal.
Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Nang iharap ang orihinal na kopya ng mapa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacanang noong Dis. 6, 2024, sinabi ni Velarde:
“What was once a map of subjugation was reborn—a map of liberation. This map served as a crucial piece of historical evidence in our case at UNCLOS, affirming our sovereignty over the West Philippine Sea—transforming this colonial map into a powerful legal and moral weapon of sovereignty.”
(“Ang dating mapa ng pagsupil ay muling isilang—isang mapa ng pagpapalaya. Ang mapa na ito ay nagsilbing mahalagang piraso ng ebidensya mula sa kasaysayan sa ating kaso sa UNCLOS, na nagpapatibay sa ating soberanya sa West Philippine Sea—pagbabago nitong kolonyal na mapa sa isang makapangyarihang legal at moral na sandata ng soberanya.”)
Pinagmulan: RVMalacañang, Presentation of the Original Murillo Velarde 1734 Map to the President 12/06/2024, panoorin mula 4:48 hanggang 5:13
ANG KATOTOHANAN
Bagaman isinumite ng Pilipinas ang mapa bilang makasaysayang cartographic na ebidensya ng koneksyon ng bansa sa Scarborough Shoal at sa Spratly Islands, hindi nagpasya nag arbitral tribunal na nakabase sa Hague kung aling bansa ang may soberanya sa pinagtatalunang South China Sea feature.
Taliwas din sa sinabi ni Velarde, walang kaso ang Pilipinas “sa UNCLOS.” Ang bansa ay signatory ng UNCLOS, isang internasyonal na kasunduan na nagbibigay ng legal framework para sa marine at maritime na aktibidad, na binanggit ng bansa sa kaso nito sa tribunal.
Sa 2016 arbitral award, ang Ayungin (Second Thomas) Shoal at Panganiban (Mischief) Reef ay idineklara na bahagi ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf ng Pilipinas. Ang isang estado ay may soberanya na mga karapatan sa kanyang EEZ, hindi soberanya.
Bukod dito, hindi nagpasya ang arbitral tribunal sa status ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal. Nilinaw lamang nito na isa itong tradisyunal na fishing ground para sa maraming bansa tulad ng Pilipinas at China.
(Basahin ang FACT SHEET: Are sovereignty and sovereign rights the same banana?)
Ilang artikulo ng balita noong nakaraang taon ang may katulad na pahayag tungkol sa papel ng mapa sa pagpapatunay ng “soberanya” ng Pilipinas sa WPS.
“Matagal nang nangyayari ang misinformation na ito. Nagbibigay ito sa publiko ng maling sense of security,” sabi ni international law expert Romel Bagares.
Sa isang episode noong Dis. 26 ng “What is this, Justice?” ng media production company na Probe Productions Inc., ipinaliwanag ni dating associate justice Antonio Carpio ang epekto ng UNCLOS sa mga historical claim sa South China Sea:
“‘Yung UNCLOS, lahat tayo pumirma d’yan… [K]linaro na ‘yung bawat bansa can only claim a territorial sea of 12 nautical miles, and then 200 nautical miles [EEZ]. So, ang meaning niyan ‘yung mga historic rights kung ano pa ‘yung ibang mga claim, nawala na ‘yon. Na-extinguish na ‘yon because ito na ‘yung panibagong batas.”
(“‘Yung UNCLOS, lahat tayo pumirma d’yan… [K]linaro na ‘yung bawat bansa maaari lamang umangkin ng territorial sea na 12 nautical miles, at sunod 200 nautical miles [EEZ]. Kaya, ang ibig sabihin niyan ‘yung mga historical rights kung ano pa ‘yung ibang claim, nawala na ‘yon. Nawala na ‘yon dahil ito na ‘yung panibagong batas.”)
Pinagmulan: Probe [TikTok account], SINO LANG BA ANG MAY K SA WPS?, panoorin mula 1:35 hanggang 2:03
Ginawa ng Spanish Jesuit Friar na si Pedro Murillo Velarde sa tulong ng mga Pilipinong artisan na sina Francisco Suarez at Nicolas Dela Cruz, ang 1734 Murillo Velarde Map ay malawak na itinuturing ng mga historian bilang “ina ng lahat ng mga mapa ng Pilipinas.”
Nakuha ito ni Velarde noong 2014 sa isang auction ng Sotheby sa London, at kalaunan ay ibinigay sa gobyerno.