May Facebook (FB) post na nagsasabing hindi na kasali ang boxing sa 2028 Olympics. Kailangan nito ng konteksto.
Oo’t wala pa ang boxing sa kasalukuyang listahan ng mga kasaling laro sa susunod na Olympics, pero sa 2025 pa maglalabas ng pinal na desisyon ang International Olympic Committee (IOC).
Ini-upload nitong Aug. 13, dalawang araw pagkaraan nitong katatapos lang na Olympics, sinabi ng FB post na:
“SAD NEWS: After 120 years, boxing is not included in the Los Angeles 2028 Olympic program after the IOC banned the International Boxing Association (IBA) due to the scandal at the Rio 2016 Olympics. Although it was still contested in Tokyo 2020 and Paris 2024, the IOC did not grant any leniency for Los Angeles 2028.”
Sa press conference noong Aug. 9 ay nilinaw ni IOC president Thomas Bach na sa darating na taon sila maglalabas sila ng final decision tungkol sa boxing.
“I think the answer is at some point in the next year, as soon as possible but I don’t think we can expect a final decision before next year. I hope we’ll have an answer in the first half of next year.”
Source: IOC Media YouTube channel, “IOC Press Conference – 09.08.2024,” Aug. 9, 2024 (57:24 – 57:43)
Dagdag ni Bach, kailangan ng mga boxing federation na bumuo ng bagong international boxing organizer para sa mga susunod na Olympics.
IOC na mismo ang naging organizer ng boxing sa Olympics simula noong 2020, matapos nitong suspendihin at kalauna’y tanggalin ang pagkilala sa International Boxing Association dahil sa mga isyu sa pamamahala at korapsyon.
Binuo naman noong 2023 ang World Boxing bilang bagong global boxing federation at may 37 miyembrong bansa, kasama ang Pilipinas. Hindi pa kinikilala ng IOC ang World Boxing pero nakikipag-usap na sila para maging organizer ng boxing sa gaganaping Olympics sa Estados Unidos sa 2028.
Sinabi ng IOC kamakailan na “because of the universality and high social inclusivity of boxing, [it] wants it to continue to feature on the programme of the Olympic Games.”
Karamihan ng mga Olympic medal ng Pilipinas ay galing sa boxing: apat na silver at anim na bronze (o 10 sa kabuuang 18 medal ng Pilipinas sa kasaysayan ng Olympics). Sa katatapos lang na Olympics, nanalo ang Pilipinas ng tig-isang bronze, salamat sa mga boksingerang sina Nesthy Petecio and Aira Villegas.
Ang mga post na inupload ng FB page na Boy Kumo TV Boxing at Seasia goal ay may kabuuang higit 15,400 reactions, 3,300 comments at 1,600 shares.