May Facebook post na nagsasabing binalaan ni House Speaker Martin Romualdez na i-impeach ang mga mahistrado ng Korte Suprema dahil sa desisyon nilang labag sa Konstitusyon ang impeachment complaints ng House of Representatives laban kay Vice President Sara Duterte. Nakaliligaw ito.
Hindi nagbabala si Romualdez. Nagpahayag lang siya ng pagkabahala na ang mga judge, na pwede rin ma-impeach, ang silang nagtakda ng mga kondisyon para sa isang proseso kung saan sila rin ay maaaring mapasailalim.
Ini-upload noong Aug. 4, ito ang sinabi ng post:
“PATI MGA JUSTICES, GUSTONG IPA-IMPEACH?’ SPEAKER MARTIN ROMUALDEZ BINALAAN ANG MGA MAHISTRADO NG KORTE SUPREMA: KAYO RIN AY MAARING IPA-IMPEACH!”
Nakaliligaw ito. Ang sinabi ni Romualdez ay:
“The Supreme Court is a co-equal branch of government. Its wisdom is deep. Its authority is real. But its Members—like the President and the Vice President—are also impeachable officers. When the Court lays down rules for how it, or others like it, may be impeached, it puts itself in the dangerous position of writing conditions that may shield itself from future accountability.”
(Kapantay na sangay ng gobyerno ang Korte Suprema. Malalim ang karunungan nila at totoo ang kapangyarihan nila. Pero ang mga judge ng Korte–gaya ng Presidente at Bise Presidente–ay puwede ring ma-impeach. Kapag naglatag ang Korte ng mga patakaran kung paano puwedeng ma-impeach ang mga gaya nila, nilalagay nila ang sarili nila sa delikadong posisyon ng pagsusulat ng mga kondisyong puwedeng protektahan ang sarili nila sa pananagutan sa hinaharap.)
Sa desisyon ng Korte noong July 25 na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, lahat silang judge ay nagdesisyong ang tatlong impeachment complaint ng House laban kay VP Sara ay labag sa Konstitusyon na ipinagbabawal ang lagpas isang impeachment laban sa isang opisyal sa isang taon.
Sinabi rin ng Korte na kapag may impeachment complaint ang at least one-third ng House, may pitong patakarang dapat sundin:
- May ebidensya sa impeachment articles na ibabahagi ng House members.
- Sapat ang ebidensya para patunayan ang mga kaso sa impeachment articles.
- Nababasa ng lahat ng House members ang impeachment articles at ebidensya.
- May pagkakataon ang akusado na dinggin ng House bago ipasa sa Senado ang impeachment.
- May sapat na oras ang House na makapagdesisyon kung ieendorso ang impeachment.
- Siguradong ang mga kaso ay base sa mga ka-impeach-impeach na paglabag na may kinalaman sa trabaho at habang nasa termino ng akusado.
- May kopya ng impeachment articles at ebidensya ang akusado.
Sa apelang isinampa ng House noong Aug. 4, ikinatwiran nilang hindi kailangan ang mga patakarang ito dahil labas ito sa simpleng pag-intindi sa Konstitusyon.
Sinabi rin ng House na wala na silang ibang kailangan pang gawin kapag at least one-third na ng members nila ang pumirma sa impeachment complaint.
Ang Facebook post ay ini-upload ng page na Archlight News (ginawa noong May 24, 2018 bilang Hoy GWAPA) at may lagpas 7,900 interactions.