May kumakalat na mga video sa YouTube at Facebook na nagsasabing makakalaya na si dating pangulong Rodrigo Duterte dahil pinayagan daw ng International Criminal Court na ilipat siya sa ibang bansa. Hindi ito totoo.
Ini-upload noong June 13, ang YouTube video ay may pamagat na:
“MAKAKALAYA NA | FPRRD HUMINGI NA NG INTERIM RELEASE | SA IBANG BANSA ANG TULOY | NO OPPOSITION”
At may thumbnail na:
“PROSECUTION HINDI TUMUTOL SA INTERIM RELEASE SA WAKAS MAKAKALABAS NA SI FPRRD!”
May parte ng video na dalawang beses ini-upload sa Facebook noong June 14 at sinasabing:
“It’s confirmed FPRRD makakalabas na sa ICC detention cell… PROSECUTION YES sa interim release… GOOD NEWS TO ALL FPRRD SUPPORTERS AS OF JUNE 12, 2025 ICC APPROVE INTERIM RELEASE.”
Hindi ito totoo. Nakakulong pa rin sa Netherlands si Duterte dahil sa mga kaso ng libo-libong pinatay sa kanyang drug war.
Hindi pa nagdedesisyon ang ICC tungkol sa pormal na pakiusap ng mga abogado ni Duterte.
Ayon sa pakiusap, kung pagbibigyang pansamantalang makalaya si Duterte, hindi siya tatakas, hindi manggugulo sa imbestigasyon, at hindi na patuloy na gagawa ng mga krimen.
Kinatwiran din ng mga abogado ni Duterte ang katandaan niya para pagbigyan siyang pansamantalang makalaya.
Sinabi rin sa pakiusap na may bansang (hindi pinangalanan pero miyembro ng ICC) tatanggap kay Duterte kung pagbibigyan siyang pansamantalang makalaya.
Sinabi rin ng mga abogado ni Duterte na pumayag ang Prosecution na pansamantala siyang makalaya.
Nilinaw naman ng ICC Prosecution na sasagot ito sa Pre-Trial Chamber I para linawin ang posisyon nila sa pakiusap.
Ang mga video ay kumalat isang araw pagtapos ng June 12 o kung kailan pormal na pinakiusap na pansamantalang makalaya si Duterte.
Ini-upload ng YouTube channel na The Journalist’s Opinion (ginawa noong Oct. 23, 2015), ang video ay may lagpas 124,240 views, 3,700 likes, at 990 comments. Ang mga video namang ini-upload ulit ng Facebook page na FB PAPA RIC VLOG (ginawa noong Aug. 29, 2019) ay may lagpas 340 interactions at 11,600 views.
Nananatiling nakakulong si dating pangulong Rodrigo Duterte sa Scheveningen, The Hague, Netherlands. Wala pang desisyon ang ICC Pre-Trial Chamber I kaugnay sa kahilingan ng Defence team para sa kanyang pansamantalang paglaya.