Peke ang kumakalat na video na ipinalalabas na nagbabala ang namayapang pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa publiko tungkol sa impostor ng “namatay” niyang anak na lalaki.
In-upload sa Facebook (FB) noong Sept. 9, ipinakikita ng video na sinabi ni Marcos Sr. na:
“Kung sa darating na panahon eh mayroong tatakbong kapangalan ko, aba’y hindi ko anak ‘yan. Sapagkat ‘yung aking anak eh matagal nang namatay doon sa London.”
Ang video ay edited. Ang totoong video ay kuha sa ika-56 birthday party ni Imelda Marcos noong 1985. Walang binaggit ang namayapang diktador tungkol sa “namatay” nilang anak na lalaki na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nahanap ng VERA Files ang dalawang mas mahahabang kopya ng video sa dalawang YouTube channel. Ang una ay in-upload noong Mayo 2010 at ang mas malinaw ay noong Nobyembre 2016.
Sa totoong video ay hinarana ni Marcos Sr. si Imelda. Kumanta rin si Bongbong at kapatid niyang si Irene.
Halata sa pekeng video na hindi ito boses ni Marcos Sr. Hindi rin tugma ang paggalaw ng labi niya sa mga sinasabi niya.
Ang panggagaya ng boses, gamit ang artificial intelligence man o totoong tao, ay karaniwang ginagamit para palabasing totoo ang pekeng mga pahayag.
Ang pekeng video ay ipinakalat noong nakaraang buwan sa kasagsagan ng pagpapakalat ng pekeng chismis din na si Bongbong ay clone o impostor ng “namatay” nang Marcos Jr.
Ang mga pekeng video na in-upload ng dalawang FB user ay may pinagsamang higit 14,220 reactions, 3,710 comments, 7,600 shares at 3.1 milyong views.