Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: Lumang balita in-EDIT para pagmukhanging nakauwi na si Duterte

May kumakalat na video sa Facebook na nagpapakita ng isang news report na nagsasabing nakauwi na sa bansa si dating pangulong Rodrigo Duterte. Mali ito.

By VERA Files

Nov 19, 2025

2-minute read
ifcn badgemeta badge

Share This Article

:

May kumakalat na Facebook video na pinagmumukhang nakauwi na sa Pilipinas si dating pangulong Rodrigo Duterte. Hindi ito totoo.

Nananatili si Duterte sa International Criminal Court sa Netherlands dahil sa patuloy na paglilitis sa mga di umano’y mga krimeng may kaugnayan sa droga noong siya ang presidente. In-edit lang ang isang balita para magmukhang nakauwi na si Duterte. 

Ini-upload noong Nov. 12 ang video nina Connie Sison at Raffy Tima sa Balitanghali. Pinatungan ito ng clip ng lalaking nagre-react sa video na may nakasulat na:

“Hala ang atuwang tatay DIGONG FPRRD naka uwi na. welcome home tatay DIGONG. NAMISS KA NG BUONG PILIPINAS TATAY DIGONG WELCOME HOME”

At may caption na:

“Oh yan na sakit sa dibdib to sa mga anti Duterte sabihin na man na fake news na naman to dito na talaga ang tatay namin”

Hindi totoong nakauwi na sa Pilipinas si dating pangulong Rodrigo Duterte. In-edit ang isang lumang ulat na nagpapakita ng kanyang pagdating mula sa Hong Kong noong Marso 11, 2025. Nasa kustodiya pa rin siya ng ICC sa The Hague, Netherlands hanggang nitong Nob. 16.

Sa reverse image search, malalamang ang edited video ay galing sa balita ng GMA Integrated News noong March 11, 2025. Ang totoong balita ay tungkol sa pag-uwi ni Duterte galing sa Hong Kong, kung kailan din inaresto siya ng Philippine National Police at International Criminal Police Organization.

Sinadyang putulin ng edited video ang parte kung saan binanggit ni Connie Sison ito: “Mainit-init na balita, nakauwi na sa bansa si dating pangulong Rodrigo Duterte matapos dumalo sa isang pagtitipon sa Hong Kong nitong weekend.”

Nasa ICC pa rin si Duterte habang hinihintay ang kumpirmasyon ng pagdinig sa mga kaso niya, na hindi natuloy noong Sept. 8 dahil sinabi ng mga abogado niya na si Duterte ay “not fit to stand trial” (wala sa kondisyong humarap sa korte). Noong Nov. 14 ay nagtalaga ang ICC ng bagong doktor para siguruhin ang kalusugan ni Duterte at samahan siya sa korte. 

Ang video ay ini-upload ng Facebook user na Mang Kepwing (ginawa noong July 10, 2018) ay may lagpas 32,000 views, 780 reactions, 240 comments at 80 shares.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.