May Facebook page na nagsasabing lalaya na raw sa pagkakadetena sa International Criminal Court si dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sa resulta ng medical exam na ginawa ng “ICC chief medical officer”. Peke ito.
Noong Dec. 6 ay kinumpirma ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman na “the defense has been provided with the reports of the court-appointed panel of experts (binigyan sila ng medical results galing sa mga ekspertong pinili ng ICC).” Pero inilinaw niyang “confidential” o hindi isinasapubliko ang medical result.
Ang pekeng quote card ay ini-upload noong Dec. 3, dalawang araw bago ang deadline ng ICC para makompleto ang mga ekspertong titingin sa kondisyon ni Duterte. Ayon sa quote card, sinabi raw ni “ICC chief medical officer Dr. Steven Wolfe” na:
“After examining former President Rodrigo Duterte, I confirm that he is experiencing advanced symptoms of Ligma Degenerative Syndrome (LDS), a condition causing cardiovascular instability, limited mobility, and rapid stress-related deterioration.
Given his age and the progression of LDS, continued ICC detention poses serious medical risks and will likely worsen his condition. He requires a stable, familiar environment that cannot be provided within the facility.
For humanitarian and medical reasons, I strongly recommend his immediate release. It would be in his best interest to spend Christmas in Davao with his family, where emotional support and reduced stress can help stabilize his health.”
(Sa check-up ko kay pangulong Duterte, nakumpirmang nakararanas siya ng malalang sintomas ng LDS o sakit na nagdudulot ng komplikasyon sa puso, mahirap na paggalaw at mabilisang paghina dahil sa pagod.
Dahil sa katandaan ni Duterte at paglala ng LDS, nanganganib siya kung patuloy siyang nakadetena sa ICC. Kailangan niya ng pamilyar na lugar na hindi nabibigay ng ICC.
Para sa makatao at pangkalusugang dahilan, mariin kong inirerekomenda ang agaran niyang paglaya. Ikabubuti ng kalusugan niya kung magpa-Pasko siya sa Davao, kasama ang pamilya niyang susuportahan siya.)

Hanggang nitong Dec. 8 ay hindi isinasapubliko ng ICC ang medical result ni Duterte.
Binuo ng ICC ang grupo ng iba’t ibang eksperto sa pag-iisip para tingnan ang kakayanan ni Duterte na harapin ang korte. Natapos ang pagbuo ng grupo noong Nov. 14, pagtapos palitan ang dalawang eksperto.
Mga palatandaang peke ang quote card:
- Ang “Ligma Degenerative Syndrome” ay pekeng virus hango sa gawa-gawang kuwento sa internet noong 2018. Ang “ligma virus” ay napasinungalingan noon pang 2021 at 2022 ng Lead Stories (fact-checking website sa Amerika na kasama sa International Fact-Checking Network).
- “Steven Wolfe” (na doktor daw ayon sa quote card) ang totoong pangalan ng sikat na pornstar na si Johnny Sins, na siya ring ginamit na picture sa quote card.
- Ang picture ay galing sa TikTok video ni Johnny Sins noong May 12, 2023, kung saan naka-costume siya na pandoktor.
- Ang medical officer ng ICC “does not possess the requisite expertise or judicial knowledge” (ay hindi eksperto sa kailangang kaalaman) para tingnan kung kaya ba ni Duterte na harapin ang korte.
Ang quote card ay ini-upload limang araw pagtapos hindi payagan ng ICC ang pakiusap na pansamantalang makalaya si Duterte.
Ang quote card ay ini-upload ng FB page na Duterte Supporter Daily News (ginawa noong March 24, 2025) at may lagpas 27,000 reactions, 12,000 shares at 4,300 comments. Aminado ang Duterte Supporter Daily News na ang page ay para sa katuwaan lang. Pero hindi nito nilinaw na ang mismong quote card ay katuwaan lang, kaya lalo nitong napaniwala ang ibang netizen.

