Kumakalat ang mga pekeng quotes ni US President Donald Trump na susunduin si dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa Netherlands matapos dakpin ng US ang pangulo ng bansang Venezuela.
Simula January 5 ay may Facebook pages at users na nagbabahagi nitong dalawang quote card na may picture ni Trump at sagisag ng United States President:
“Like what I did to Venezuelan President Maduro, I will do to Former President Rodrigo Duterte. My troops are ready to pick him up from the ICC Detention Center. I stand with my friend from the Philippines, he did nothing wrong. I’ll have to rescue him whatever it takes. ICC is unfair and unjust, I’ll missile Duterte out. I’ll bring him home!”
(Ang ginawa ko sa pangulo ng Venezuela ay gagawin ko rin kay dating pangulong Rodrigo Duterte. Susunduin siya sa ICC ng mga sundalo ko. Pinapanigan ko ang kaibigan kong si Duterte mula sa Pilipinas na walang ginawang masama. Ililigtas ko siya anumang mangyari. Hindi patas at hindi makatarungan ang ICC. Pauuwiin ko si Duterte!)
“If there’s one thing I believe, it’s standing by allies. President Duterte led his country his way, and I respect that. I will use every diplomatic channel available to help ensure that FPRRD is treated fairly and to push for his release from the ICC. Strong leaders deserve strong support.”
(Naniniwala ako sa pagtulong sa mga kakampi. Nirerespeto kong may sariling paraan si Duterte sa pamumuno. Gagawin ko ang lahat ng puwedeng pakikipag-usap para siguruhing tinatrato nang tama si Duterte, at isusulong ko ang paglaya niya sa ICC. Kailangan ng malalakas na lider ng malakas na suporta.)
Peke ang dalawang quotes na ito. Walang sinabi si Trump tungkol sa pagkakadetena ni Duterte sa Netherlands at mga kaso niya sa ICC.

May ibang isyu ang US laban sa ICC, gaya ng pagkompronta ng US sa ilang ICC judges. Pero wala itong kinalaman sa pagkakadetena ni Duterte sa ICC.
Wala ring post tungkol sa pekeng quotes ang mga social media account ni Trump o mga official channel ng White House at US Embassy sa Pilipinas.
Ang mga pekeng quotes ay pinakalat dalawang araw matapos dakpin ng US at dalhin sa New York ang pangulo ng Venezuela para harapin ang maraming kaso ng terorismo, korapsyon at ilegal na droga.
Dalawang araw din pagtapos dakpin ang pangulo ng Venezuela, nag-post ng open letter ang dating anti-corruption commissioner ni Duterte na si Greco Belgica, na nakikiusap kay Trump na tulungang mapauwi si Duterte. Ang open letter ay na-share din ng Duterte supporters.
Sampung kopya ng unang quotes ay ini-upload ng Facebook users at pages gaya ng Sara Duterte Today (ginawa noong May 23, 2024 bilang Maisug ATO NI BAI) at may pinagsamang 1,790 reactions, 380 comments at 320 shares. Tatlong kopya naman ng pangalawang quotes ang may pinagsamang 1,550 reactions, 240 comments at 180 shares.
