Skip to content
post thumbnail

FACT SHEET: Ano ang mangyayari kapag naging obese ang fat dynasties?

Ang mga “matabang” political dynasties ay mga pamilyang sabay-sabay na humahawak sa iba't ibang posisyong nahalal. Ang mga "manipis" na dinastiya ay mga pamilya na sunud-sunod na nahalal sa parehong hurisdiksyon, na naglilingkod nang paisa-isa o sunod-sunod.

By Psalm Mishael Taruc

Oct 28, 2024

7-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Sa paghahain ng mga certificate of candidacy (COCs) noong Okt. 1 hanggang 8 para sa pambansa at lokal na halalan sa Mayo 2025, namukod-tangi ang mga kilalang pangalan at pamilyar na mukha sa mga pumupuntirya ng puwesto sa Senado.

Ano ang common sa mga kandidato para senador na sina Camille Villar, magkapatid na Ben at Erwin Tulfo, Abby Binay? Lahat sila ay may kapatid sa tinatawag na upper chamber.

Matatapos na ang two-term limit ng ina ni Villar na si Cynthia, at kapatid ni Binay na si Nancy, pero tatakbo naman para sa posisyon na mayor sa Las Pinas City at Makati City, ayon sa pagkakasunod. Matagal nang nasa pulitika ang mga Villar at Binay, parehong nasa lokal at pambansang posisyon.

Si Sen. Raffy Tulfo ay isang first-term senator. Ang kanyang asawang si Jocelyn at anak na si Ralph ay miyembro ng House of Representatives. Si Jocelyn ay nominado ng ACT-CIS party-list habang si Ralph ang kumakatawan sa ikalawang distrito ng Quezon City. Sina Ben at Erwin ay nasa tinaguriang “magic 12” ng mga nangungunang kandidato para sa 2025 senatorial polls.

Ang isa pang kilalang pangalan sa 184 na mga kandidatong senador ay ang reelectionist na si Sen. Imee Marcos, nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ina ni Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos Manotoc. Siya rin ay first cousin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at tiyahin ng anak ng pangulo na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

Bakit lagi natin nakikita at naririnig ang mga pamilyar na apelyidong ito tuwing eleksyon? Bakit nila tinatrato ang mga posisyon sa elektoral na para bang ang mga ito ay maipamamana o maipapasa sa ibang miyembro ng pamilya?

Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman tungkol sa mga political dynasty:

1. Ano ang fat political dynasties?

Ang mga “tabang” political dynasty ay mga pamilyang sabay-sabayumuokupa ng iba’t ibang nahalal na posisyon, gaya ng tinukoy sa pag-aaral na “From Fat to Obese: Political Dynasties after the 2019 Midterm Elections” nina Ronald Mendoza, Leonardo Jaminola at Jurel Yap.

Ang “manipis” na mga dinastiya, sa kabilang banda, ay mga pamilya na sunud-sunod na inihalal sa parehong hurisdiksyon, na naglilingkod nang paisa-isa o sunod-sunod.

Sinabi ni Michael Yusingco, senior research fellow sa Ateneo Policy Center, “Nakita namin ang pattern na ang mga political dynasty ay lumalaki sa bilang.”

Dagdag pa niya: “At alam namin, o nakita namin na ang mga dynasty ay tumataba. Ibig sabihin, ‘yung mga miyembro (ng mga dynasty) na nakikilahok sa eleksyon, dumadami na rin.”

Ang dalawang pinakamataas na nahalal na opisyal ng bansa, sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, ay mga halimbawa ng mga kabilang sa “mataba” na mga dinastiya, na ang mga miyembro ng pamilya ay nagpapalitan ng posisyon kapag ang isa ay umabot sa limitasyon sa termino ng konstitusyon.

Ang pangulo mismo ay dating bise gobernador, gobernador at kinatawan ng Ilocos Norte, at senador. Si Sen. Imee Marcos ay nagsilbi bilang gobernador at kinatawan ng Ilocos Norte. Ang kanilang ina na si dating First Lady Imelda Romualdez Marcos ay miyembro din ng Kamara mula 2010 hanggang 2019, na kumakatawan din sa parehong posisyon na inookupahan ngayon ng anak ng pangulo na si Sandro Marcos.

Kasalukuyang nangingibabaw ang magkapatid na Duterte sa Davao City. Si Paolo Duterte ang nagsisilbing kinatawan ng unang distrito ng lungsod at si Sebastian Duterte bilang alkalde nito. Si Paolo ay vice mayor ng Davao City, ang parehong puwesto na dating inokupahan ni Sara at ng kanilang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte. Si Rodrigo ay mayor ng lungsod nang higit sa 20 taon habang si Sara ay mayor sa loob ng siyam na taon.

2. Paano nakaaapekto ang dynastic politics sa mga tao?

“‘Yung mga problema ng taong bayan na nangangailangan ng policy at legal na kasagutan o solusyon ay hindi natutugunan kasi ‘yung mga mambabatas…dahil nga miyembro sila ng mga ‘fat’ dynasty, ang unang layunin nila ay ‘yung sariling interes nila,” sabi ni Yusingco.

Iniuugnay din nina Mendoza, Jaminola at Yap ang mga “matabang” dinastiya sa kahirapan. Partikular sa mga lugar sa labas ng Luzon, ang mga institusyong pampulitika at pang-ekonomiya ay nagbibigay-daan sa mga dinastiyang pulitiko na manaig kahit na nabigo ang kanilang pamumuno na pangunahan ang mga tao tungo sa kaunlaran.

Ipinaliwanag ni Yusingco na isa sa mga pangunahing motibasyon ng mga pamilyang ito para sa pagpapalawak ng impluwensyang pampulitika ay ang kanilang mga pang-ekonomiyang interes. Sinabi niya: “Ang talagang tinitignan nila ay paano nila palalaguin ‘yung negosyo nila, gamit ang kanilang posisyon, gamit ang kanilang impluwensiya sa gobyerno.”

Binanggit niya na maraming mga political dynasty ang may mga construction business, na itinatampok ang conflict of interest na lumalabas kapag sila rin ang nag-aapruba sa mga proyektong pang-imprastraktura.

3. Maaari bang magkaroon ng mainam na ‘matabang’ political dynasty?

“Hindi. Walang mainam na ‘matabang’ political dynasty,” ani Yusingco, anuman ang gawing pagpapakitang gilas ng mga pulitikong ito mula sa dinastiya.

Sa kanyang talumpati noong Okt. 4 matapos mag-file ng kanyang COC para senador sa midterm elections, sinabi ni Camille Villar, “Bilang nag-iisang kandidato na millennial at miyembro ng kabataang Pilipino, lubos akong naniniwala [na] makakapag-ambag ako tungo sa bagong pulitika sa ating bansa.”

Pinaalala ni senatorial aspirant Ben Tulfo ang kasaysayan ng community service niya at ng kanyang mga kapatid nang harapin ang mga tanong tungkol sa posibilidad na magkaroon ng tatlong Tulfo sa Senado sa 2025. “Nangunguna kami sa pagtulong sa mga tao,” sabi ni Tulfo sa kanyang talumpati matapos maghain ng kanyang COC para senador noong Okt. 5.

“Kaya, ‘yung sinasabing…bagong perspektibo, bagong pulitika, o ‘yung mga dynasty sa serbisyo, PR lang ‘yan,” ani Yusingco.

Tumanggi na ituring na bahagi ng isang political dynasty, inihambing ni Tulfo ang kanyang sarili at ang kanyang mga kapatid sa isang pamilya ng mga abogado o doktor. Aniya, “Hindi kami dynasty. Hindi, hindi. Wala tayong distrito.” Dahil lahat sila ay tumatakbo para sa pambansang mga posisyon at hindi kailanman humawak ng mga lokal na posisyon, hindi sila maaaring maging isang dinastiya, katwiran ni Tulfo.

Ipinaliwanag ni Yusingco na may mga pagsisikap na manipulahin ang kahulugan ng isang dinastiya.

Aniya, “Ang sinasabi niyan na kahit sila, alam nilang mali, kaya nila pinagtatakpan sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong perspektibo kung ano ang political dynasty.” Dagdag pa niya, “Hindi nila matatakasan ang katotohanan na ang presensya ng kanilang pamilya sa gobyerno ay nakapipinsala sa ating pulitika at pamamahala.”

4. Mareresolba ba ang problemang sa political dynasty?

Ang tugon sa pagpapatuloy ng mga dynastic power sa bansa ay dapat na “isang basket ng mga solusyon,” sabi ni Yusingco. Kabilang dito ang pagsasabatas ng anti-dynasty law.

Nakasaad sa Article II, Section 26 ng 1987 Constitution: “Ang Estado ay dapat mag garantiya ng pantay na pag-access sa mga pagkakataon para sa serbisyo publiko, at ipagbawal ang mga political dynasty na itatakda ng batas.”

Gayunpaman, ang probisyong ito ay nananatiling isang konsepto lamang na walang batas na magpapatupad nito, sabi ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero sa isang press conference noong Okt. 2. Ipinaliwanag niya na ang kahirapan sa pagtukoy ng isang “political dynasty” ang dahilan kung bakit nananatiling mailap ang isang anti-dynasty law na sumasaklaw sa lahat at maipatutupad.

Naisulat na sa batas ang mga probisyon laban sa dinastiya, bagama’t limitado sa Sangguniang Kabataan (SK) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang Section 10 ng Republic Act No. 10742 o ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 ay bahagyang nagsasaad na ang mga kandidato ay “hindi dapat nauugnay sa loob ng ikalawang civil degree of consanguinity o affinity sa sinumang nanunungkulan na nahalal na opisyal ng bansa o sa sinumang nanunungkulan na inihalal na rehiyon, probinsiya, lungsod, opisyal ng munisipyo, o barangay, sa lokalidad kung saan siya naghahangad na mahalal.”

Ang Section 9(d) ng Bangsamoro Autonomy Act No. 35 o ang Bangsamoro Electoral Code of 2023 ay bahagyang nagsasaad, “Ang mga nominado na isinumite ng isang partidong pampulitika ay hindi dapat magkaugnay sa isa’t isa sa loob ng second degree of consanguinity at affinity.”

Sa kabila ng maraming pagtatangka na ipasok ang isang anti-political dynasty na batas noon pang 1987, nabigo ang Kongreso na maipasa ang naturang batas. Sinisi ito sa dumaraming pangingibabaw ng mga mambabatas na nagmumula sa mga matitibay na angkang pampulitika na inaasahang boboto laban dito.

Sinabi ni Yusingco, “Huwag tayong magsabi na kailangan natin ng silver bullet or magic pill na ‘yun na nga ‘yung anti-dynasty law para malutas itong problema na ito.”

Sinabi niya na ang “basket ng mga solusyon” ay nangangailangan din ng report sa party-list tungo sa paglikha ng “tunay na mga partidong pampulitika.”

Iminungkahi ni Yusingco ang pagtaas ng partisipasyon sa pulitika ng mga tao kahit na pagkatapos ng halalan “sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga kandidato o mga pampublikong opisyal na inihalal habang sila ay nanunungkulan.”

Panghuli, aniya, “para makuha ng mga dynastic candidate ang posisyon na kanilang pinupuntirya,” ang media ay dapat maging mas agresibo sa paghamon at pagtatanong sa kanilang mga motibo at plataporma.

Check out these sources

 

From Fat to Obese: Political Dynasties after the 2019 Midterm Elections, Ronald U. Mendoza, Leonardo M. Jaminola and Jurel Yap, September 2019

Michael Henry Yusingco, Personal communication (call), Oct. 22, 2024

Senate of the Philippines official website, 19th Congress Senators, Accessed Oct. 25, 2024

House of Representatives, 19th Congress, House Member Hon. Marcos, Ferdinand Alexander A., Accessed Oct. 25, 2024

House of Representatives, 19th Congress, House Member Hon. Duterte, Paolo Z., Accessed Oct. 25, 2024

City Government of Davao official website, Directory of Davao City Department Heads, Accessed Oct. 25, 2024

GMA Integrated News, LIVE: COC filing for Eleksyon 2025 – Day 4 (Oct. 4, 2024) – Replay

GMA Integrated News, LIVE: COC filing for Eleksyon 2025 – Day 5 (Oct. 5, 2024) – Replay

Official Gazette of the Philippines, Article II, of the 1987 Constitution, Accessed Oct. 25, 2024

Senate of the Philippines Youtube page, Press Conference of Senate President Francis “Chiz” Escudero, Oct. 2, 2024

Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 10742, July 27, 2015

BARMM official website, Bangsamoro Autonomy Act No. 35, Sept. 15, 2022

Nineteenth Congress of the Republic of the Philippines, S. No. 2730, July 15, 2024

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.