Skip to content
post thumbnail

FACT SHEET: Bakit mahalaga ang BARMM parliamentary election?

Sa unang pagkakataon, magkakaroon ng halalan sa BARMM para punan ang 80 puwesto sa Bangsamoro parliament sa Mayo 2025, kasabay ng midterm national elections.

By Psalm Mishael Taruc

Aug 13, 2024

7-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Sa unang pagkakataon, magkakaroon ng halalan ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) para punan ang 80 puwesto sa parliament ng Bangsamoro sa Mayo 2025, kasabay ng midterm national elections.

“Ito [ang halalan sa BARMM] ay magiging kulminasyon ng prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP [Gobyerno ng Republika ng Pilipinas] at ng MILF [Moro Islamic Liberation Front],” sabi ni Dr. Zainal Kulidtod, isang political science professor sa Mindanao State University sa Marawi City.

Ang tagumpay ng halalan, aniya, ay nangangahulugan na “masasabi nating tinanggap ng mga tao ang pulitika ng bagong istruktura ng gobyerno.”

1. Ano ang BARMM?

Binubuo ang BARMM ng mga lalawigan ng Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan, kasama ang ilang bahagi ng Cotabato at Lanao del Norte. Ang Bangsamoro ay mga inapo ng mga taong naninirahan sa Muslim Mindanao bago pa man narating ng mga dayuhang mananakop ang kapuluan noong ika-16 na siglo.

Idineklara ng Bangsamoro Organic Law (BOL) o Republic Act No. 11054 ang pagtatatag ng isang political entity, na kilala ngayon bilang Bangsamoro government, at kinikilala ang karapatan nito sa sariling pamamahala tungo sa pag-unlad ng mga Bangsamoro at iba pang mga katutubong grupo sa rehiyon.

Matapos ang mahigit 50 taon na hidwaan sa pagitan ng pambansang pamahalaan at mga rebolusyonaryong grupo, maaaring makakita ang BARMM ng makabuluhang hakbang tungo sa kapayapaan sa mga unang halalan nito.

Nakasulat din sa BOL ang parliamentaryong anyo ng gobyerno ng Bangsamoro kung saan 80 puwesto ang binibigyan ng kapangyarihang pambatas at ehekutibo sa rehiyon—ang awtoridad na magsulat, magpasa at magsagawa ng mga batas sa loob ng kanilang teritoryo. Sinasalamin ng parliyamento ang “asymmetrical na relasyon” sa pagitan ng BARMM at ng pambansang pamahalaan, na kinikilala ang kanilang mga mithiin para sa sariling pagpapasya.

Ipinaliwanag ni Kulidtod na sa mga unitary at presidential na katangian ng pambansang sistemang pampulitika, ang mga tao ay bumoto para sa parehong pinuno ng estado o ang pangulo at ang mga mambabatas.

Sa ilalim ng parliamentary system ng BARMM, ang mga botante sa rehiyon ay maghahalal ng mga miyembro ng parliament na magsisilbi sa parehong executive at legislative functions.

Kung matagumpay, ang halalan sa BARMM ay maaaring magbigay ng mga bagong pananaw sa anyo ng pamahalaan ng bansa. “Ito ay one of its kind,” sabi ni Kulidtod, “[ang] unitary system ng gobyerno na ang kaniyang pambansang istruktura—mga institusyon ng gobyerno—[sa] presidential [system] ay posible na magkaroon ng local parliamentary setup.”

2. Ano ang mangyayari sa unang parliamentary elections ng BARMM?

Sa halalan sa susunod na taon, ang mga botante sa BARMM ay maghahalal ng 80 miyembro ng parliament nito: may 40 na kumakatawan sa mga partidong pampulitika, 32 para sa mga distrito at 8 para sa mga sektor. Noong Hulyo, inihayag ng Commission on Elections (Comelec) ang 16 na rehiyonal na partido na nagpetisyon para sa pagpaparehistro at akreditasyon para sa nalalapit na botohan.

Ang resulta ng halalan ay magiging isang pagsubok kung nabuo o hindi ang mga partidong pampulitika nang may tunay na pagpapahalaga sa mabuting pamamahala at paggawa ng patakaran o may mga motibasyon na isulong ang mga personal na interes, ani Kulidtod. Idinagdag niya na ang halalan ay “magpapakita ng party system alignment sa rehiyon.”

“Tila ang BARMM ngayon ay multi-party society pero titingnan natin… kasi posible po na multi-party society pero ang party system, isa lang.”

Samantala, nakalista sa Bangsamoro Autonomy Act No. 58 ang 32 parliamentary districts sa BARMM, na may tatlong distrito sa Basilan, walo sa Lanao del Sur, apat sa Maguindanao del Norte, apat sa Maguindanao del Sur, pito sa Sulu, tatlo sa Tawi-Tawi, dalawa sa Cotabato City, at isang nag-iisang distrito na binubuo ng mga espesyal na geographical area.

Ang mga sektoral na puwesto ay pupunuin ng mga kinatawan ng kababaihan, kabataan, settler community, Non-Moro Indigenous People (NMIP), tradisyonal na mga lider at ulama, na “Muslim religious scholars at chief religious authority.” Ang mga tradisyunal na pinuno at sektor ng ulama, na may tig-iisang puwesto, at NMIP, na may dalawang puwesto, ay ihahalal sa pamamagitan ng mga asembliya at kumbensyon ng kani-kanilang sektor sa una at susunod na halalan.

Ang sektor ng kababaihan at kabataan, na may tig-isang upuan, at ang mga settler, na may dalawang upuan, ay ihahalal sa pamamagitan ng mga asembliya sa 2025 para sa transitory period nito. Gayunpaman, sa mga susunod na halalan, ang mga puwestong ito ay pupunuin sa pamamagitan ng plurality voting at magiging bahagi ng automated na proseso.

3. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mapayapang parliamentary elections para sa BARMM?

Sinabi ni Kulidtod na ang hidwaan sa Mindanao ay mas malalim kaysa sa iniisip ng karamihan at ang pagtatatag ng BARMM at ang mga unang halalan dito ay maaaring hindi ganap na maaalis ang problemang ito. Ano man ang mangyari, sinabi niya, “Makatulong po ito sa kaniya para po kahit paano maibsan man lang itong problema ng peace and order dito sa BARMM.”

Ang mga separatist ideal ay nagsimulang maitanim sa Muslim Mindanao pagkatapos ng Jabidah Massacre noong 1968 nang ang mahigit 20 batang Moro military trainees ay pinatay ng mga pwersa ng gobyerno matapos umanong matuklasan ang planong ipadala sila upang mapasok at mabawi ang pinagtatalunang teritoryo, ang Sabah.

Noong 1969, itinatag ang Moro National Liberation Front (MNLF) pagkatapos ng malawakang suporta para sa “isang Independent Moro state,” ayon sa pag-aaral ng The Asia Foundation sa “The Contested Corners of Asia.” Dito nakita ang umpisa ng kaguluhan sa Mindanao nang ang armadong pakikibaka sa pagitan ng MNLF at pwersa ng gobyerno ay tumindi at kumalat sa buong rehiyon. Noong 1984, isang paksyon mula sa MNLF ang nagtatag ng MILF. Iniba nito ang sarili sa huli sa mga layunin nito na “pagbuo ng isang Islamic state,” malinaw na nagdaragdag ng isang relihiyosong layer sa kanilang mga layunin ng pakikipaghiwalay.

May mga makabuluhang development para wakasan ang armadong tunggalian sa Mindanao sa buong dekada. Nagmarka sa 1976 Tripoli Agreement ang pagbabago ng mga layunin ng MNLF mula sa paghihiwalay tungo sa mga kahilingan para sa isang autonomous na rehiyon at ang 1996 Final Peace Agreement ay isinama ang MNLF sa gobyerno.

Gayunpaman, sa pagpapatuloy ng MILF ng armadong kilusan at sa kawalang-kasiyahan sa pamumuno ng tagapagtatag ng MNLF na si Nur Misuari sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), nanatiling mailap ang kapayapaan.

Ang pagbabago ng mga administrasyon ay patuloy na nagbago rin sa proseso ng usapang pangkapayapaan. Sa wakas, noong 2012, idineklara ng Framework on the Bangsamoro ang pagtatatag at paglipat sa isang Bangsamoro na may higit na autonomous administrative powers kaysa sa ARMM.

4. Bakit mahalaga ang BARMM sa ibang bahagi ng bansa?

Binigyang-diin ng ilang probisyon sa BOL ang pangangailangan para sa pinagsamang pagsisikap ng Bangsamoro at pambansang pamahalaan tungo sa rehabilitasyon at pagpapaunlad ng mga lugar na dati nang sinalanta ng armadong labanan. May P5 bilyon ang inilalaan taun-taon sa espesyal na pondo para sa pagpapaunlad ng BARMM sa loob ng 10 taon, na may kabuuang P50 bilyon.

Noong nakaraang Mayo, pinuri ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang BARMM bilang “lupain ng mga pangakong natupad,” na may P3.3 bilyong halaga ng mga pamumuhunan na nabuo ng rehiyon sa huling quarter ng 2023. Sinabi ni Pangandaman, “Nasa landas din tayo tungo sa paghubog sa Pilipinas—sa pamamagitan ng BARMM—bilang isang destinasyon ng pamumuhunan.”

Mas maraming oportunidad sa ekonomiya ang ipinangako para sa mas mapayapang BARMM. Noong 2023, nag-anunsyo si Sukarno Abas, executive director ng Bangsamoro Economic Zone Authority, ng mga plano para sa pagbuo ng mga bagong economic zone kung saan lilitaw ang “halal hubs.”

Sinabi ni Kulidtod na ang halalan sa BARMM ay mayroong napakalaking halaga para sa ordinaryong Pilipinong na hindi taga Mindanao dahil ipinakita nito ang kahalagahan ng pagtanggap sa pagkakaiba-iba ng etnokultural na identity. Ang Pilipinas ay tahanan ng iba’t ibang kultura, wika, relihiyon at paraan ng pamumuhay—isang realidad na karaniwang hindi pinapahalagahan sa paghahangad ng pagkakaisa ng lahat ng Pilipino anuman ang pinagmulan.

Ang isang mapayapang halalan sa BARMM ay magpapakita na “mas higit tayong magkakaisa kung kaya nating kilalanin, igalang at ipagdiwang ang ating pagkakaiba-iba o kaibhan,” ani Kulidtod.

Oras na ang halalan sa BARMM ay maging matagumpay, sinabi ni Kulidtod, ito ay magiging “isang testamento na ang gobyerno ng Pilipinas o ang pampulitikang kultura ng Pilipinas ay nagma-mature.” Dagdag pa niya, “kasi pwede natin palang bibigyan ng pagkakataon ang ibang tao o ibang minorya sa Pilipinas na [. ..] ang kanilang kultura, ang mamumuno sa kanilang sarili.”

 

Check out these sources

 

Seventh Congress of the Philippines, Republic Act No. 11054 Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, July 2018

Bangsamoro Parliament, Bangsamoro Administrative Code, March 2019

Bangsamoro Transition Authority, Bangsamoro Electoral Code of 2023, 2023

Commission on Elections, Bangsamoro Electoral Office, List of Regional Parliamentary Political Party and Sectoral Organizations

Bangsamoro Transition Authority Parliament, Bangsamoro Parliamentary Districts Act of 2024, February 2024

BARMM, Guidelines on the Certification of Ulama Sectoral Organizations for Sectoral Representative Elections in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, May 2024

BARMM, Remembering Jabidah and the seeds of the struggle, Accessed August 2024

The Asia Foundation, The Contested Corners of Asia: Subnational Conflict and International Development Assistance, The Case of Mindanao, Philippines, 2013

The Tripoli Agreement, December 1976

The Final Agreement, September 1996

Framework Agreement on the Bangsamoro, October 2012

Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity, BARMM, transforming into The land of promises fulfilled”, Accessed August 2024

BARMM, BARMM strengthens initiatives to establish more ecozones, Halal hubs, Accessed August 2024

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.