Skip to content
post thumbnail

FACT SHEET: Mula Maynila hanggang The Hague at balik sa Davao: Magagawa ba ni Duterte?

Sa pagkakakulong ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa kustodiya ng ICC, lumutang ang mga katanungang legal sa gitna ng walang katulad na mga kondisyon noong siya ay nahalal bilang alkalde ng Davao City noong Mayo 12.

By Psalm Mishael Taruc

May 23, 2025

5-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Patuloy na lumulutang ang mga tanong na walang katiyakang sagot tungkol sa pagkakahalal ni dating pangulong Rodrigo Duterte bilang mayor ng Davao City noong May 12 midterm elections. Dahil nakakulong pa rin ang halal-na-alkalde sa International Criminal Court (ICC) detention center sa The Netherlands, may pagkakataon talaga na ang kanyang anak at halal-na-vice-mayor na si Sebastian “Baste” Duterte ang maupo bilang mayor.

Ang 80-taong-gulang na dating pangulo ay nanalo na may napakalaking lamang sa 662,630 na boto mula sa kanyang balwarte, at iniwan ang kanyang karibal at dating Cabinet secretary na si Karlo Nograles sa malayong pangalawa na may 80,852 na boto.

Gayunpaman, ang nakabinbing imbestigasyon ng ICC sa kanyang madugong kampanya laban sa iligal na droga ay lumikha ng hindi pa napapantayang mga hadlang para maangkin ni Duterte ang kanyang tagumpay.

Inaresto si Duterte noong Marso 11 at inihatid sa ICC sa The Hague pagkaraan ng ilang oras. Noong Marso 14, iniharap siya sa pre-trial judges, na nagtakda ng pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso są Set. 23. Habang nagpapatuloy ang mga legal na proseso, nananatili si Duterte sa kustodiya ng korte.

Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa mga teknikalidad ng kakaibang sitwasyong ito at kung paano magpapatuloy ang paghahari ng dinastiyang Duterte sa Davao City:

Paano kaya magagampanan ni Duterte ang posisyong napanalunan niya?

Para ang mga halal na opisyal ay maupo sa kanilang mga posisyon pagkatapos manalo, dapat silang (1) maiproklama, (2) manumpa at (3) maluklok sa posisyon, sabi ni Tony La Viña, dating dekano ng Ateneo School of Government, sa panayam ng Davao Today.

Si Duterte ay idineklara na nagwagi noong Mayo 13, isang araw pagkatapos ng midterm polls, dahil hindi kinakailangan ang pisikal na presensya.

Ang kanyang panunumpa, sa kabilang banda, ay nangangailangan ng presensya ni Duterte at dapat itong isagawa sa lupain ng Pilipinas. Ipinaliwanag ni La Viña na maaaring gawin ito ng dating pangulo sa embahada ng Pilipinas sa The Netherlands kung saan ang isang opisyal na Pilipino ang magsasagawa ng panunumpa, tulad ng isang ambassador o kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.

Hindi malinaw kung magagawa ito sa embahada ng bansa sa The Netherlands, na itinuturing na teritoryo ng Pilipinas. Ang Department of Foreign Affairs ay hindi tumugon sa tanong ng VERA Files sa usapin.

Sino ang magdedesisyon sa kapalaran ng magiging alkalde ng Davao City?

Ang setup na ito ng isang nakakulong na taong nanumpa sa tungkulin sa isang embahada ay nananatiling legal na posibilidad lamang. Sinabi ni La Viña na ang pagsasaayos na ito ay nangangailangan ng pag-apruba ng parehong ICC at ng gobyernong Marcos — na tila imposible.

Kung isasaalang-alang ang patuloy na alitan sa pulitika sa pagitan ng mga pamilyang Marcos at Duterte, malabong aprubahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ani La Viña. “Bakit papayagan ito ni Pangulong Marcos? Bakit pahihintulutan ito ng ICC, na gagawa ng negatibong pamarisan para sa ibang mga detenido?”

Sinabi rin ni Joel Butuyan, presidente ng nonprofit Center for International Law (CenterLaw) at isang accredited lawyer sa ICC, sa isang panayam sa CNN, “Sa tingin ko, hindi siya (Duterte) papayagan makalabas para lamang maluklok sa posisyon dahil hindi ito kasama sa mga binanggit na karapatan ng mga akusado sa ICC.”

Ipinunto din ni La Viña na ang panunumpa ay hindi maaaring gawin sa pamamagitan ng virtual conferencing platforms. Isinasaalang-alang ng netizens ang pag-asam na si Duterte ay magtrabaho bilang absentee mayor mula sa kanyang detention cell sa The Hague, ngunit ang katotohanan ay, hindi ito papayagan ng ICC. Ang mga detenido ay may access sa isang computer ngunit hindi sa internet.

Kahit na matagumpay na makapanumpa ang dating pangulo, sinabi ng abogado na hindi matutugunan ni Duterte ang pangatlong pangangailangan: maluklok sa posisyon. Para magawa ito, nangangahulugang kailangan niyang pisikal na mag report sa Davao City Hall, sinabi niya.

Ano ang mangyayari kung mabibigo si Duterte sa pag-upo sa posisyon ng Davao City mayor?

Sa pagtugon sa komento sa Facebook, sinabi ng abogado at eksperto sa lehislatura na si Race Del Rosario na si Nograles, na may pangalawang pinakamataas na boto, ay hindi maaaring pumalit sa pagka-alkalde dahil walang disqualification case na isinampa upang mapawalang-bisa ang certificate of candidacy ni Duterte.

Gayunpaman, sinabi niya na ang pagiging bago ng kaso ay walang ganap na katiyakan. “Nararapat tandaan na ang Korte Suprema ay naglabas ng magkakasalungat na mga desisyon sa pampulitikang paghalili sa nakaraan,” sabi niya.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Del Rosario na kung hindi magagampanan ni Duterte ang kanyang nahalal na posisyon, mananatiling bakante ang puwesto ng alkalde. Kaya naman, ang kanyang anak at vice mayor-elect na si Sebastian Duterte ang papalit sa posisyon bilang acting mayor.

Dagdag pa, kung magtatagal ang mga paglilitis sa ICC sa loob ng maraming taon, maaaring bumaling ang Department of the Interior and Local Government sa pangulo o sa mga lokal na korte upang magpasya kung ang posisyon ng mayor ay dapat ituring na “permanenteng bakante,” sabi ni Del Rosario.

Nakasaad sa Section 44(d) ng Local Government Code (LGC), “isang permanenteng bakante ang lumilitaw kapag ang isang nahalal na lokal na opisyal ay uupo sa isang mas mataas na bakanteng opisina, tumangging sakupin ang posisyon, hindi naging kwalipikado, namatay, tinanggal sa pwesto, boluntaryong nagbitiw, o kung hindi man ay permanenteng nawalan ng kakayahan upang gampanan ang mga tungkulin ng kanyang opisina.”

Binigyang-diin ni Del Rosario na ang kasalukuyang sitwasyon ni Duterte — na nakakulong sa isang internasyonal na pasilidad nang walang conviction — ay wala sa depenisyon ng “permanently incapacitated.”

Gayunpaman, “ang matagal na kawalan ng kakayahang maglingkod ay maaaring bigyang-kahulugan bilang nakabubuo na pag-abandona, lalo na kung walang mga tungkulin na nagawa sa mahabang panahon,” sabi niya.

Magagawa man o hindi ng dating pangulo na kunin ang puwesto sa pagka-alkalde, ang Davao City ay nananatili sa mahigpit na pagkakahawak ng kanyang napakatabang political dynasty na may higit sa apat na miyembro ng pamilya ang nakaupo bilang mga halal na opisyal, kabilang ang bise presidente, muling nahalal na Rep. Paolo Duterte at kanyang asawa, Barangay Chairperson January, at ilan pang ikatlong henerasyong mga Duterte.

Sinabi ni La Viña na idedeklarang alkalde si Sebastian Duterte kung mabigo ang kanyang ama na manumpa sa kanyang panunungkulan sa loob ng anim na buwan matapos ang kanyang proklamasyon, alinsunod sa mga panuntunan ng Commission on Elections.

Dahil dito, ang konsehal na may pinakamataas na boto, ang kanyang apo at kapangalan na si Rodrigo “Rigo” Duterte II, na may mahigit 192,000 na boto, ang uupo sa posisyon ng bise alkalde, ayon sa Local Government Code.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.