Ang programang Konsultang Sulit at Tama (Konsulta) ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ay isang pinalawak na pakete ng benepisyo para sa mga serbisyong outpatient para sa lahat ng Pilipino. Saklaw ng Konsulta ang konsultasyon, laboratoryo at diagnostic tests at gamot.
Ipinasok sa ilalim ng Universal Health Care Act (UHCA) o Republic Act No. 11223 noong 2019, binago ng Konsulta ang pokus mula sa paggagamot patungo sa prevention. Nagbibigay ito ng primary care, na, ayon sa World Health Organization (WHO), ay ang “entry point” sa iba pang serbisyong pangkalusugan. Nilalayon nito ang patuloy na ugnayan sa pagitan ng isang indibidwal at ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan.
Ano ang mga benepisyo sa ilalim ng PhilHealth Konsulta?
Sinasaklaw ng Konsulta ang 18 laboratory at diagnostic tests, kasunod ng pagsama ng mammography at ultrasound ng breast at lungs, sabi ni PhilHealth Spokesperson Dr. Israel Francis Pargas sa episode ng Tres from Tress podcast noong Set. 3. Dalawampu’t isang iba’t ibang gamot ang ibinibigay din, kabilang ang mga gamot para sa hypertension, diabetes at hika.
Ang Section 6(d) ng RA 11223 ay nag-aatas sa bawat Pilipino na magparehistro sa isang pampubliko o pribadong primary care provider para mapakinabangan ang mga serbisyo sa ilalim ng programang Konsulta.
Dapat mayroong isang primary care physician na titingin sa isang grupo ng mga tao sa loob ng isang partikular na lugar para sa mas madaling pag-access at convenience, sabi ni Pargas. Ang mga konsultasyon sa mga alalahanin sa kalusugan sa isang primary care doctor at mga referral sa mga espesyalistang doktor ay saklaw sa ilalim ng Konsulta.
Ayon kay Pargas, bawat miyembro ay mayroong taunang allotment na P1,700 halaga ng serbisyo sa ilalim ng Konsulta package. Bagamat ang halaga ay till maliit, ito ay average lamang, paliwanag niya, dahil “hindi naman po lahat nu’ng 110 milyon ay magkakasakit.”
Anupaman, ibibigay ng Konsulta ang mga kinakailangang test na maaaring hilingin ng primary care doctors, sabi ni Pargas.
Paano magparehistro para sa PhilHealth Konsulta?
Maaaring magparehistro online ang mga miyembro ng PhilHealth para sa benepisyo ng Konsulta sa www.philhealth.gov.ph. Maaari din silang magpatulong sa pagpaparehistro sa pamamagitan ng mga lokal health insurance office, mga local government unit, pribado at government health facility at iba pang mga institusyong awtorisado ng PhilHealth.
Sa Konsulta registration form, hihilingin sa miyembro na pumili ng isang primary care provider, karaniwang ang pinaka-accessible at kombenyente. Sumangguni lamang sa updated na listahan ng mga accredited na Konsulta Package Provider, na binubuo ng mga ospital at klinika sa buong bansa.
Pagkatapos ng pagpaparehistro, isang pagsusuri sa kalusugan ang susunod bilang bahagi ng unang pagharap sa pasyente at isang paunang primary care na konsultasyon.
Muling iginiit ni Pargas na dahil awtomatikong miyembro ng PhilHealth ang bawat Pilipino, lahat ay kwalipikado para sa serbisyong pangkalusugan ng Konsulta. “‘Yung iba, kung hindi pa sila rehistrado or walang (PhilHealth) number, ang pakiramdam nila hindi sila miyembro,” sabi niya.
Nilinaw ni Pargas na kahit ang mga hindi naka-enroll sa ahensya ay maaaring pakinabangan ang serbisyo. “Hindi hadlang kung hindi ka naka-register para makakuha ng serbisyo sa PhilHealth,” sabi niya.
“Ang bawat Filipino kapag nagkasakit o na-ospital o nangangailangan ng pagamutan ay dapat makakuha ng agarang eligibility sa lahat ng benepisyo,” sabi ni Pargas, “Hindi ka man naka-enrol, hindi ka naka-register dapat i-register ka sa oras na iyon at dapat magagamit mo o makukuha mo ‘yung benepisyo.”