Madali lang malaman kung panis na ang gatas — amuyin o tingnan lang. Kung mabaho at namumuo na, kailangan nang itapon.
Pero paano ang mga bagay na hindi naman nangangamoy kapag hindi na ligtas gamitin? Para dito ang expiration dates, gaya sa mga gamot, na nagtatakda ng particular na petsa kung kailan hindi na mabisa ang mga ito.
Pero hindi ganoon mismo ang usapin pagdating sa child restraint systems (CRS): may ilan na may expiration dates at may ilang wala. Pero hindi ba nalalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga bata sa expired CRS?
Hindi sa lahat ng pagkakataon.
“Hindi suportado ng pag-aaral ang pagtatakda ng bilang ng taon para sa expiration dates dahil magkakaiba ang kalidad (ng mga car seat),” sabi ng abugado at policy adviser na si Evita Ricafort, na tumulong sa paggawa ng batas ukol sa CRS.“Hindi sila gaya ng mga pagkain na may nakatakdang dami ng taon bago mabulok.”
Ang CRS ay isang gamit na tumutulong sa mas ligtas na pagkakaupo ng isang bata sa loob ng sasakyan. Pinasadya ito para mabawasan ang posibilidad ng pinsala sa mga bata kung sakaling may banggaan o biglang pagpreno, sa pamamagitan ng paglilimita ng kanilang paggalaw sa loob ng sasakyan.
Ang Child in Motor Vehicle Act o RA 11229 ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019. Ang mga panuntunan ng batas na ito ay inaprubahan noong nakaraang Disyembre at ang mahigpit na pagpapatupad nito ay magsisimula sa Pebrero 2021.
Inuutos ng batas ang paggamit ng car seats para sa mga sanggol at batang edad 12 pababa kapag nakasakay sa mga pribadong sasakyan, para masiguro ang kanilang kaligtasan. Sinasaad din nito na ang mga pasaherong edad 13 pataas lang ang puwedeng umupo sa harap. At pinarurusahan naman ang mga nagmamanehong nag-iiwan ng bata sa loob ng kotse nang walang kasamang matanda.
Ang RA 11229 ay isa sa mga pag-iingat ng pamahalaan para mabawasan ang pinsalang dulot ng banggaan, ang kinikilala ng World Health Organization na nangununang dahilan ng kamatayan sa buong mundo ng mga may edad na lima hanggang 29.
Napag-alaman din ng 2018 WHO Global Status Report on Road Safety na apat sa limang pagkasawi sa kalsada sa buong mundo noong 2016 ay nangyari sa mga middle-income na mga bansa gaya ng Pilipinas.
Ayon sa WHO, napakabisa ng child restraints sa pagpapababa ng pagkasugat at pagkamatay ng mga batang pasahero, lalo na sa mga apat na taon at pababa.
Mga panukala sa expiration dates
Kinikilala ng implementing rules and regulations (IRR) ng batas na ang ilang car seats sa pamilihan ay may expiration dates habang ang iba ay wala.
Pinagbabawal ng Section 10 ng IRR ang paggamit, pagbenta, at pamamahagi ng child safety seats na expired na. Pero sa parehong section, sinasabi rin na ang mga car seat na walang expiration date ay puwedeng gamitin, ibenta, at ipamahagi basta’t suusunod ito sa mga pamantayang pamprodukto na tinakda ng Department of Trade and Industry.
“May child restraint systems na mayroong expiration dates, at kinikilala ng batas iyon,” sabi ni Ricafort, mula sa public interest law organization na Imagine Law.
“Kung walang expiration date ang CRS, pinapayagan pa rin iyon ng batas, basta hindi sub-standard at walang anumang sira,” sabi ni Ricafort sa isang pampublikong pagtitipon noong Pebrero.
Ang mga sira na ito ayon sa IRR ay:
a. basag o may lamat sa plastic o bakal
b. tastas o sirang pagkakatahi sa tali
c. buhol-buhol o punit na tali
d. quick release buckle na hindi agad nasusuot at/o natatanggal
e. isa o higit pang nawawalang piyesa
f. iba pang malaking sira na kitang-kita
Hati ang opinyon ng mga eksperto sa pangangailangan ng expiration dates, na kadalasang tinatakda sa mga CRS na gawa sa US.
Sabi ni Melisa Comafay, legal officer ng advocacy group na Initiatives for Dialogue and
Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS), na tumulong sa pagsulong ng batas sa CRS, “Kadalasang diskarte lang din ng mga gumagawa ng CRS ang expiration dates para bumili ang mga tao ng bagong CRS.Tiningnan din natin ang ibang pag-aaral, at iyon din ang payo: hindi talaga kailangan ang expiration dates sa mga CRS.”
Anya, ayon sa inhinyero at eksperto sa CRS na si Michael Griffiths, na isa sa kanilang mga tagasuri, hindi kailangan ang expiration dates.
Pero ayon kay Comafay, nagbibigay ang batas ng iba pang pananaw sa expiration dates. “Sabi ng ilan, dahil daw sa temperature sa atin, kapag naiwan ang CRS sa kotse, nasisira daw ang CRS. Kaya binabalanse natin ang magkabilang opinyon.”
Nakalilito sa mga mamimili?
Sabi ni Pierre Flores, Digital Marketing Director ng Europlay, lokal na distributor ng isang Italian brand ng CRS, puwedeng ikalito ng mga mamimili ang expiration dates.
“Karamihan ng tao, tinutumbas ang expiration sa pagiging substandard; na sa kaso ng mga car seat, hindi pareho,” sabi niya sa VERA Files. “Ang expiration ng mga car seat, iba sa expiration ng mga pagkain. Hindi ibig sabibing paglagpas ng expiration date, bumababa na ang kalidad ng car seat.”
Sabi ni Comafay na ang pinakamahalagang pamantayan sa pagpili ng CRS ay ang tingnan kung gaano ito katugma sa taas, bigat, at edad ng iyong anak.
“Hindi naming sinasabing bumili kayo ng CRS na walang expiration date. Kung may expiration, kailangan niyong sundin dahil iyon ang batas. Pero kung wala, kailangan pa rin ninyong tingnan kung puwede pa. Siguruhin ninyo iyong tibay ng plastic, iyong uri ng tela, kung maayos pa ba.”
Sa ibang bansa, ang karaniwang pamantayan kapag walang expiration date ang car seat ay huwag nang gamitin ito kapag lagpas na sa sampung taon.
Samantala, sabi ni Flores, sa mga magulang na gumagamit na o bibili pa lang ng CRS para sa kanilang mga anak, ito ang dapat malaman:
1. Mayroon bang kahit anong nakikitang sira, lalo na sa mahahalagang bahagi gaya ng seatbelt at shell? Kung oo, hindi na ito dapat gamitin.
2. Nasangkot na ba ito sa kahit anong banggaan? Kung oo, kailangan na itong itapon.
3. Komportable bang nakauupo ang bata sa CRS? Halimbawa, hindi dapat lumalagpas ang ulo sa headrest, at ang taas ng seatbelt ay sintaas dapat ng balikat.
Ang mga car seat na nabili o nakuha na bago pa naipasa ang batas ay puwede pa ring gamitin, pero kailangan ng mga may-ari na kumuha ng clearance mula sa Land Transportation Office para masiguro kung ang CRS ba ay hindi pa expired at/o walang kahit anong sira.
Hindi sakop ng RA 11229 ang mga pampublikong sasakyan gaya ng taxi, van, school bus, at pampasaherong bus. Pero magsasagawa ang Department of Transportation ng pag-aaral para matukoy kung kailangan ding ipag-utos sa mga pampublikong sasakyan ang paggamit ng CRS.
Kung hindi maisasagawa, magrerekomenda ang DOTr sa Kongreso ng mga kinakailangang pamantayang pambatas para sa ligtas na pagbiyahe ng mga bata sa mga pampublikong sasakyan.