Isang online post na bumabaluktot sa mga tunay na pangyayari sa karera ni Sen. Antonio Trillanes IV sa pulitika at sa militar ay nag-trend at umani ng higit sa 10,000 mga reaksyon sa Facebook.
Isang dating tinyente sa Navy na namuno sa dalawang nabigong kudeta laban sa administrasyong Arroyo, si Trillanes ay laman ng balita matapos pawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya ng senador at iniutos ang kanyang pag-aresto.
PAHAYAG
Noong Septiyembre 6, ang Facebook user na si Rene San Gaspar, na nagpo- post kadalasan ng kritikal na materyal kay Trillanes at sa oposisyong Liberal Party, ay nag-upload ng isang litrato na nagpapakita kay Trillanes nang kubkubin ang Peninsula Manila noong 2007.
Ang litrato ay nagbigay ng mga sumusunod na pahayag sa caption nito:
“Si Trillanes ay sumama sa (Reform the Armed Forces Movement – YOU) at nagsimulang gumawa ng mga paksyon.”
“Sumama si Trillanes sa pag-aalsa sa Oakwood, dinukot ang isang Australian ambassador at 10 iba pang mga Australyano.”
“Sumama si Trillanes sa Scarborough negotiating team ng administrasyon ni PNoy, at nawala sa atin nag mga teritoryo sa West Philippines sea [sic].” “Sumama si Trillanes sa (Liberal Party).”
Pinagmulan: Facebook post ni Rene San Gaspar, Setyembre 6, 2018
FACT
Ang mga desisyon ng korte, mga ulat sa kasaysayan at ilang mga ulat ng balita ay nagpapakita na ang mga pahayag ay hindi totoo o walang pruweba.
Una, hindi maaaring sumama si Trillanes sa Reform the Armed Forces Movement (RAM), isang pangkat ng mga bataang sundalo na nagprotesta sa maling gawain sa loob ng militar sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ipinanganak noong 1971, si Trillanes ay 14 taong gulang lamang nung ang RAM, na kasama sa mga miyembro si dating Sen. Gregorio Honasan, “lumitaw sa publiko” noong 1985:
“Ang Reform the AFP Movement (RAM) ay lumitaw sa publiko noong Marso 1985 at sa isang reunion ng military academy (FEER 30 January 1986). Kilala rin bilang kilusang ‘We Belong’, ang RAM ay nagsimula sa mga PMA reunion noong unang bahagi ng 1980s.”
Pinagmulan: Turner, M. (1987). Regime Change in the Philippines: The Legitimation of the Aquino Government. p. 38.
Noong 1996, ipinagkaloob ni Pangulong Fidel Ramos ang amnestiya sa mga miyembro at tagasuporta ng kilusan:
“Ang amnestiya ay ipinagkakaloob sa mga miyembro at tagasuporta ng RAM-SFP-YOU na ang mga pangalan ay kasama sa isang listahan na pinagkasunduan sa pagitan ng mga panel ng pamahalaan ng Republika ng Pilipinas at ng RAM-SFP-YOU.”
Pinagmulan: Official Gazette, Proclamation No. 723, s. 1996, Mayo 7, 1996
Ikalawa, ang mga lokal at internasyonal na mga ulat ng balita ay nagpapasinungaling sa pahayag na kinidnap ni Trillanes ang noo’y Australian ambassador sa Pilipinas Ruth Pearce at iba pang mga Australyano nang mag-alsa ang grupong Magdalo sa Oakwood noong 2003.
Ang mga ulat mula sa Australian Broadcasting Corp. at China Daily ay nagsabing si Pearce at 11 pang ibang mga Australyano na naninirahan sa Oakwood Premier Ayala Center nang kinuha ng mga rebeldeng sundalo ang gusali ay “na trap” at hindi dinukot:
“Sinabi ni Foreign Minister Alexander Downer na si Ms. Pearce ay kabilang sa 11 Australiyano, kabilang ang apat na opisyal ng Australian Federal Police, na naipit sa pagkubkob.”
Pinagmulan: ABC News Online, Rogue Filipino soldiers release Australians, Hulyo 28, 2003.
Halos 150 rebeldeng mga sundalo – karamihan sa mga batang opisyal na mas mababa ang ranggo sa kapitan o karaniwang kawal – ang umukopa sa Glorietta shopping center bandang hapon ng Sabado, na umipit sa Australian ambassador at ilang iba pang mga dayuhan na nakulong sa magkatabing tirahan.
Pinagmulan: China Daily, Renegade soldiers hold on in Philippine capital, Hulyo 27, 2003.
Samantala, ang Philippine Star na tinawag si Pearce na isang “di-sinasadyang bihag,” idinagdag na itinanggi ng ambassador na inisip niyang nagkaroon ng banta (sa kanyang buhay) sa panahon ng insidente:
Ang embahada ng Australia, sa bahagi nito, ay nagpahayag na ang ambassador nito ay ligtas kahit na siya ay kabilang sa mga nakulong/hindi makalabas nang kinuha ng mga rebeldeng sundalo ang gusali noong umaga. Nang tanungin kung nadama siya ang nanganganib, sinabi ni Pearce na “hindi.”
Pinagmulan: The Philippine Star, Aussie envoy accidental captive at Oakwood, Hulyo 28, 2003.
Bukod pa rito, ang mga desisyon ng Korte Suprema sa pagsasalaysay ng mga katotohanan kaugnay ng pag-aalsa sa Oakwood ay walang binanggit na insidente sa pagkidnap na kinasasangkutan ng Australian ambassador o iba pang mga mamamayan.
Ikatlo, ang pahayag ni Gaspar sa paglahok ni Trillanes sa mga backchannel na negosasyon sa mga opisyal ng China tungkol sa pagtatalunang Scarborough Shoal na sanhi ng pagkawala ng ilang teritoryo ng Pilipinas ay walang basehan.
Kung ang soberanya sa Scarborough Shoal ay sa Pilipinas o China ay hindi natukoy sa 2016 na desisyon na inisyu ng United Nations-backed Permanent Court of Arbitration na nagpawalang-bisa sa pag-angkin ng China sa South China Sea:
“Itinatala ng Tribunal na ang desisyon na ito ay ganap na walang pagkiling sa kuwestiyon ng soberanya sa Scarborough Shoal.”
Pinagmulan: Permanent Court of Arbitration, PCA Case No. 2013-19, Hulyo 12, 2016, p. 318.
Ikaapat, si Trillanes, na tumakbo bilang independent na bise presidente noong 2016, ay isang miyembro ng Nacionalista Party, hindi ng Liberal Party (LP). Kinumpirma ng LP na si Trillanes ay hindi miyembro ng partido sa isang email sa VERA Files.
Mga pinagkunan ng impormasyon:
ABC News Online, Rogue Filipino soldiers release Australians, July 28, 2003.
China Daily, Renegade soldiers hold on in Philippine capital, July 27, 2003.
CNN Philippines, Trillanes bares plan to run for vice president in 2016, June 25, 2015.
GMA News Online, Trillanes says he’s 100% sure about 2016 vice presidential bid, June 25, 2015.
Liberal Party of the Philippines, Personal Communication, Sept. 19, 2018.
Official Gazette, Proclamation No. 723, s. 1996, May 7, 1996.
Permanent Court of Arbitration, PCA Case No. 2013-19, July 12, 2016, p. 318.
Sen. Antonio Trillanes IV’s official website, Who is Sonny?
Supreme Court of the Philippines, Alejano v Cabuay, Aug. 25, 2005.
Supreme Court of the Philippines, Gonzales v Abaya, Aug. 10, 2006
The Philippine Star, Aussie envoy accidental captive at Oakwood, July 28, 2003.
The Philippine Star, Trillanes files 2016 candidacy for vice president, Oct. 13, 2015.
Turner, M. (1987). Regime Change in the Philippines: The Legitimation of the Aquino Government. p. 38.