Pinalaki ng sampung beses ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang bilang ng mga gumagamit ng iligal na droga na binanggit sa 2001 Letter of Instruction (LOI), at inulit ang walang basehang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa kasalukuyang bilang ng mga adik sa droga.
PAHAYAG
Sa isang panayam noong Nob. 10 sa CNN Philippines, tinanong si Cayetano tungkol sa aktwal na bilang ng mga gumagamit ng iligal na droga, na naging nakalilito dahil sa iba’t ibang mga numero na binabanggit ng mga awtoridad, kabilang ang pangulo.
Sinabi niya:
“Take a look at Letter of Instructions No. 1 by President Gloria Macapagal-Arroyo. If I’m not mistaken, kung hindi 2001 hearing, [probably] 2004. And she was saying that in 1972, mayroon lamang] 200,000 users, but then there’s been a 300-percent increase every year, and I did see a document na may 3 million users, but I did hear a statistic that 5 to 7 percent of Filipinos use drugs
(Tingnan mo ang Letter of Instructions No. 1 ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kung hindi ako nagkakamali, kung hindi 2001 hearing, [malamang] 2004. At sinasabi niya noong 1972, [mayroon lamang] 200,000 na mga gumagamit, ngunit pagkatapos ay nagkaroon ng 300 porsyento na pagtaas bawat taon, at nakakita ako ng dokumento na may 3 milyong mga gumagamit, ngunit narinig ko ang isang istatistika na 5 hanggang 7 porsyento ng mga Pilipino ang gumagamit ng droga).”
Pinagmulan: CNN Philippines, The Source: Alan Peter Cayetano, Nob. 10, 2019, panoorin mula 10:00 hanggang 10:38
Nilinaw din ni Cayetano na ang bilang na kanyang binanggit ay katumbas ng halos 7 milyong Pilipino.
ANG KATOTOHANAN
Nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Hulyo 4, 2001, ipinapakita ng LOI No. 1 na mayroon lamang 20,000 gumagamit ng droga noong 1972 — hindi 200,000 tulad ng pahayag ni Cayetano.
Itinatag ng LOI ni Arroyo ang National Anti-Drug Program of Action, na naglalayong magkaroon ng drug-free na Pilipinas pagdating ng 2010.
Inulit ni Cayetano ang walang basehang pahayag ng pangulo na mayroong 7 milyong mga gumagamit ng droga sa bansa. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: 3 years into drug war, Duterte again revises drug addict count)
Ang opisyal na data sa bilang ng mga gumagamit ng droga sa bansa ay nasa 1.8 milyon pa rin, ayon sa 2015 survey ng Dangerous Drugs Board, ang pinakahuling magagamit na ulat ng ahensya.
Mga Pinagmulan
CNN Philippines, The Source: Alan Peter Cayetano, Nov. 10, 2019
Official Gazette, Letter of Instruction No. 1, July 4, 2001
Presidential Communications Operations Office, President Rodrigo Duterte, Speech during the thanksgiving dinner in Davao City, May 24, 2019
Dangerous Drugs Board, 2015 Nationwide Survey on the Nature and Extent of Drug Abuse in the Philippines
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)