Walang batayan ang sinabi ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na ang bilang ng mga drug lord sa Pilipinas ay bumaba sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
PAHAYAG
Sa isang pahayag noong Nob. 6, “sinangayunan” ni Go ang desisyon ni Vice President Leni Robredo na tanggapin ang alok ni Duterte na “pangunahan ang mga pagsisikap ng gobyerno kontra-iligal na droga.”
Sinabi niya pagkatapos:
“Ilang Presidente na ba ang dumaan? Nabawasan ba ang drug lord? Nabawasan ba ang droga? Lalong dumami. Ngayon lang po ito nabawasan sa panahon ni Pangulong Duterte.”
Pinagmulan: Senado ng Pilipinas, Bong Go welcomes Robredo’s acceptance of drug czar post, Nob 6, 2019
ANG KATOTOHANAN
Hindi malinaw kung saan ibinatay ni Go ang kanyang pahayag; ang Dangerous Drugs Board (DDB) at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay walang opisyal na listahan ng mga “drug lord” sa bansa.
Ang DDB — ang gumagawa ng patakaran at istratehiya sa pagpigil at at pagkontrol sa droga sa bansa — sa pinakabagong survey nito tungkol sa uri at saklaw ng paggamit ng droga sa Pilipinas, na inilabas noong 2016, ay minsan lamang binanggit ang salitang “drug lord“: nang sinuri nito ang kahusayan ng mga protocol sa paghuli ng droga. Wala rin itong nabanggit o isinama na database ng mga drug lord na nagpapatakbo ng operasyon sa bansa.
Ang nasabing kategorya ay “hindi rin kasama” sa ginagawang census ng board tungkol sa “tunay na uri at saklaw ng problema sa iligal na droga sa bansa,” na “inaasahan” na mailalabas sa “unang quarter ng 2020,” sinabi ni DDB Media Affairs at Public Relations Head Ella Marie Dumaculangan sa isang text message sa VERA Files noong Nob. 12.
Ang DDB ang may kapangyarihan na “magsagawa ng isang survey sa buong bansa tuwing tatlong taon upang matukoy kung gaano kalaganap ang paggamit ng iligal na droga” sa bansa.
Ang PDEA — ang pangunahing anti-drug law enforcement agency ng bansa — ay wala ring opisyal na listahan ng mga drug lord, sinabi ng tagapagsalita ng ahensya na si Derrick Carreon sa VERA Files sa isang pakikipanayam sa telepono noong Nob. 12. Gayunpaman, sinabi niya na mayroon silang “datos sa mga pag-aresto sa mga high-value target at [mga] maaaring ituring na mga drug lord.”
Ayon kay Carreon, ang tinutukoy ng PDEA na “mga high-value target” ay iyong “mga kasangkot sa aktibidad ng iligal na droga, na nasa mga posisyon sa lipunan na may impluwensya.”
Sinabi niya na ang mga high-value target ay kinabibilangan ng:
- mga kasapi ng mga internasyonal o lokal na sindikato ng droga, mga grupo ng droga o mga organisasyon na nangangalakal ng droga;
- nahalal at hinirang na mga pampublikong opisyal, empleyado ng gobyerno, mga nagpapatupad ng batas;
- mga dayuhan; at
- mga kasapi ng media at kilalang tao.
Ang “mga drug lord,” sa kabilang banda, ay iyong mga mayroong impluwensya sa isang partikular na lokalidad” at may “kontrol sa suplay at ang kalakalan ng [iligal] na gamot,” sabi ni Carreon. Ang mga ito ay awtomatikong inuuri bilang mga “high-value target” at maaaring gumagalaw sa “iba’t ibang mga antas” – mula sa “lokal” hanggang sa “transnasyonal,” idinagdag niya.
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines, Bong Go welcomes Robredo’s acceptance of drug czar post, Nov. 6, 2019
VP Leni Robredo official Facebook page, Vice President Leni Robredo addresses the media, Nov. 6, 2019
Dangerous Drugs Board, Vision, Mission, Mandate
Dangerous Drugs Board, DDB to provide evidence-based assessment, March 30, 2019
Dangerous Drugs Board, 2015 Nationwide Survey on the Nature and Extent of Drug Abuse in the Philippines
Official Gazette, Executive Order No. 15, March 6, 2017
Presidential Communications Operations Office, President Rodrigo Duterte, Speech during the thanksgiving dinner in Davao City, May 24, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)