Bukod kay dating pangulong Rodrigo Duterte, sina kasalukuyang Pangalawang Pangulong Sara Duterte, Senador Bong Go, at Senador Bato Dela Rosa ay pinangalanan din sa mga dokumentong pinása sa International Criminal Court o ICC na nag-iimbestiga sa mga pagpatay noong drug war ng administrasyong Duterte.
Sara Duterte
Ito ang unang beses na pinangalanan si Sara Duterte-Carpio sa mga opisyal na dokumentong pinása sa ICC. Áyon sa mga dokumento, inaprubahan ni Sara ang mga pagpatay noong siya ang mayor ng Davao mula 2010 hanggang 2013 at mula 2016 hanggang 2022.
Hiningi ng VERA Files ang panig ni Sara, pero “no comment” lang ang text ng kanyang information officer.
Bong Go
Higit 70 beses namang pinangalanan si Christopher Lawrence “Bong” Go sa isang 186-page affidavit. Áyon sa mga dokumentong pinása sa ICC, sa mahabang panahon na executive assistant si Bong Go ni Rodrigo Duterte, may ilang pagkakataóng si Bong Go ang nagpapadala ng mga utos ni Duterte sa Davao Death Squad.
Ilan sa mga pagpatay na ito ay walang kinalaman sa droga. Halimbawa ay ang pagpatay sa drayber na si Primo Nilles at ang pagpatay sa second-hand truck importer na si Christopher Yu.
Makapangyarihan si Bong Go bílang bantay ni Duterte noong pangulo ito. Kahit noong naging senador si Bong Go, lagi pa rin siyang kasama ni Duterte sa halos lahat ng gawain ng dating pangulo.
Ilang beses hiningi ng VERA Files ang panig ni Bong Go, pero hindi ito sumasagot.
Bato Dela Rosa
Higit 90 beses namang pinangalanan si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa parehong 186-page affidavit. Áyon sa mga dokumentong pinása sa ICC, bumuo si Bato ng sariling death squad.
Si Bato ang hepe ng pulis ng Davao mula 2012 hanggang 2013 sa ilalim ng dating mayor Sara. Si Bato rin ang station commander at intelligence division chief ng Davao Police mula 1992 hanggang 1997 noong si Rodrigo naman ang mayor.
Bílang hepe ng Philippine National Police naman, si Bato ang namuno sa drug war mula 2016 hanggang 2018, na pumatay sa 30,000 tao (áyon sa estima ng human rights groups); 6,000 sa mga pagpatay na ito ay inamin ng PNP.
Ilang beses ding hiningi ng VERA Files ang panig ni Bato, pero hindi rin ito sumasagot.
Noong March, sinabi ni Bato na hindi siya natatakot sa ICC dahil wala na raw itong kapangyarihan sa Pilipinas. Pero inamin niyang iniiwasan niyang pumunta sa mga bansang “loyal” sa ICC para hindi siya maaresto kung sakali.
Ilan pang pinangalanan sa imbestigasyon ng ICC
May ilan pang pinangalanan sa mga dokumentong pinása sa ICC para imbestigahan ang mga pagpatay na karamiha’y nangyari sa Davao noong si Rodrigo ang mayor. Si Rodrigo ang mayor ng Davao mula 1988 hanggang 2016; nahinto lang ang kanyang pagiging mayor mula 1998 hanggang 2001 dahil naging congressman naman siya, at mula 2010 hanggang 2013 kung kailan naging vice mayor naman siya.
Sa 57 pages na panawagang imbestigasyon ni dating prosecutor Fatou Bensouda, pinangalanan niya si Rodrigo Duterte na nagpatupad ng drug war at nagpahayag sa publiko ng pag-uutos sa PNP na pumatay ng mga pinaghihinalaang adik at pusher.
Pinangalanan din si Vitaliano Aguirre II, ang Justice secretary ni Duterte, dahil sa pareho nilang estilo ng pagpapahayag. Minsang nasabi ni Aguirre na ang mga kriminal, drug lords, at pushers ay walang katauhan. Pero tinaggi niyang kahit kailan ay hindi niya sinabing ang mga drug lord ay hindi mga tao.
Isa pang pinangalanan si Ronald Albayalde, ang PNP chief ni Duterte na pumalit kay Bato noong April 2018. Pinangako noon ni Albayalde sa publiko na ipagpapatuloy niya ang drug war.
Kapangyarihan ng ICC at limitasyon nito
Lahat ng pinangalanan sa imbestigasyon ay puwedeng ipatawag ng ICC, at kung hindi susunod ay bibigyan ng arrest warrant.
Walang sariling pulisya ang ICC, kayâ umaasa ito sa 123 miyembrong bansa na ipatupad ang arrest warrants ng ICC. Puwede ring makipagtulungan ang ICC sa International Criminal Police Organization o Interpol. Puwedeng manawagan ang Interpol sa 195 bansang miyembro ng Interpol, kasáma ang Pilipinas, na arestuhin ang mga wanted sa ICC. Pero desisyon pa rin ng gobyerno kung ipatutupad ang panawagan ng Interpol.
Pag-apruba ng ICC
Noong September 2021, inaprubahan ng ICC Pre-Trial Chamber ang panawagan ni Bensouda na imbestigahan ang drug war ni Duterte mula July 2016 hanggang March 2019, kasama ang Davao Death Squad mula November 2011 hanggang June 2016.
Ang Pre-Trial Chamber ay hukuman ng ICC na nagbibigay-kapangyarihan sa prosecutor ng korte para mag-imbestiga. Ang Pre-Trial Chamber din ay nagbibigay ng arrest warrant o nagpapatawag sa mga wanted dahil sa mga krimeng laban sa sangkatauhan, mga krimeng pandigmaan, at iba pang krimeng pandaigdig.
Ang panawagang imbestigasyon ni Bensouda ay nangyari isang buwan bago matapos ang termino niya noong June 15, 2021 at mapalitan siya ng abogadong si Karim Khan. Ang simula ng imbestigasyon ni Bensouda noong February 2018 ay sinundan ng pag-utos ni Duterte na umalis ang Pilipinas bílang miyembro ng ICC, na umepekto noong March 16, 2019.
Apela ng gobyerno
At dahil nga hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas, giniit ng gobyerno na wala nang kapangyarihan ang ICC sa Pilipinas. Kayâ inapela ng gobyerno na baliktarin ng Appeals Chamber ang desisyon ng Pre-Trial Chamber na bigyang-kapangyarihan ang bagong prosecutor na si Khan para ituloy ang imbestigasyon sa drug war.
May kapangyarihan lang ang ICC sa isang bansa kapag hindi iniimbestigahan ng isang bansa ang isang kaso. Kayâ isa pang depensa ng gobyerno ang ilang kasong naparusahan ang ilang pulis na napatunayang may kasalanan, gaya ng pagpatay sa inosenteng Kian de los Santos.
Pero áyon sa ICC Appeals Chamber, ang pinarurusahan lang ng mga korte ng Pilipinas ay mga kriminal na nasa babâ ng katungkulan pero hindi ang matataas na opisyal.
Sinabi naman ni Pangulong Bong-Bong Marcos na hindi siya makikipagtulungan sa ICC hangga’t hindi naaayos ang isyu sa kapangyarihan ng ICC sa Pilipinas.
Pero nito lang July 18, tinanggihan ng ICC ang apela ng gobyerno. Ibig sabihin, magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa drug war ng administrasyong Duterte hanggang umábot sa pagsasampa ng kaso sa mga pinangalanang suspect.