Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Carpio HINDI naghain ng disqualification petition laban kay Marcos Jr.

(UPDATED) Taliwas sa ulat ng One News, isang television news channel sa ilalim ng cable provider na Cignal TV, hindi at “walang planong maghain” si retired Supreme Court (SC) associate justice Antonio Carpio ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec)para sa diskwalipikasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2022 elections.

By VERA Files

Nov 6, 2021

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

(UPDATED) Taliwas sa ulat ng One News, isang television news channel sa ilalim ng cable provider na Cignal TV, hindi at “walang planong maghain” si retired Supreme Court (SC) associate justice Antonio Carpio ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec)para sa diskwalipikasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2022 elections.

PAHAYAG

Ganap na 10:14 p.m. noong Nob. 2, inilabas ng One News sa opisyal nitong YouTube channel ang 2:24-minutong ulat ng mobile journalist na si Jacob Lazaro na pinamagatang “Carpio files disqualification case vs. Marcos, Jr.,” na may caption na:

Retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio confirms to ONE News he filed a case before the Commission on Elections (COMELEC) for the disqualification of presidential aspirant Bongbong Marcos due to a 1995 tax evasion case.

(Kinumpirma ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa ONE News na nagsampa siya ng kaso sa Commission on Elections (COMELEC) para sa disqualification ni presidential aspirant Bongbong Marcos dahil sa isang tax evasion case noong 1995.)

Pinagmulan: One News PH, Carpio files disqualification case vs. Marcos, Jr., Nob. 2, 2021

Sa ulat, sinabi ni Lazaro na binanggit ng “petisyon” ang Section 12 ng Omnibus Election Code, na nagsasaad na ang hatol para sa isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude ay habang-buhay na pagbabawal sa isang tao na tumakbo o humawak ng posisyon sa isang pampublikong tanggapan, bilang isang batayan upang madiskuwalipika si Marcos sa eleksyon taon sa susunod na taon.

Ang ulat ay naunang ipinalabas sa programa ng balita ng channel na The Big Story, 8 p.m., sa parehong araw. Nailathala din ito sa official Facebook page ng One News PH.

Ang ulat ay nasa YouTube at Facebook pa rin at mula noon ay nakakuha ng 3,892 at higit sa 39,000 views, ayon sa pagkakabanggit, hanggang Nob. 6.

ANG KATOTOHANAN

Hindi at “walang planong maghain” si Carpio ng petisyon para idiskwalipika si Marcos sa pampanguluhang eleksyon sa 2022.

Sa pagtugon sa isang pagtatanong ng VERA Files Fact Check noong Nob. 5, sinabi ni Carpio:

I never confirmed to them (One News) [that I filed a petition with Comelec to disqualify Marcos] (Hindi ko kailanman kinumpirma sa kanila (One News) [na naghain ako ng petisyon sa Comelec para i-disqualify si Marcos]).”

Nang tanungin kung hindi pa lang siya naghahain ng petisyon para i-disqualify si Marcos Jr. sa ngayon, sumagot si Carpio:

I have not filed as of today, no plans to file one (Hindi ako naghain [ng petisyon] sa ngayon, [at] walang plano na maghain ng ganyan).”

Ang maling ulat ng One News ay walang anumang video clip ni Carpio na nagsasabing siya ay nagsampa ng petisyon. Ang ipinakita nito ay isang clip mula sa panayam ng dating mahistrado noong Okt. 29 sa The Chiefs ng One News kaugnay ng kanyang kolum sa Inquirer.net isang araw bago nito, kung saan sinabi niya na ang anumang kaso ng disqualification laban kay Marcos na batay sa moral turpitude ay pagpapasyahan sa huli ng Comelec at ng SC.

Sa panayam, sinabi ni Carpio sa mga host na maaaring maghain ng petisyon ang “kahit na sinong rehistradong botante” laban kay Marcos hanggang Nob. 2. Wala siyang sinabi na maghahain siya ng petisyon kahit na tinanong siya tungkol dito.

Q: Would that registered voter be you (T: Ikaw ba ang nakarehistrong botante na iyon)?

Carpio: I’m a registered voter, of course, but there’ll [be] many … many will file. I am sure there will be many who will file (Ako ay isang rehistradong botante, siyempre, ngunit magkakaroon ng marami … marami ang magpa-file. Sigurado akong marami ang magpa-file).”

Pinagmulan: One News official YouTube Channel, THE CHIEFS | OCTOBER 29, 2021, Okt. 29, 2021, panoorin mula 7:58 hanggang 8:09

Noong Nob. 2, isang grupo ng civic leaders, sa pangunguna ng paring si Christian Buenafe ng Task Force Detainees of the Philippines at Fides Lim ng Kapatid, ang naghain ng petisyon sa Comelec para kanselahin o ibasura ang certificate of candidacy ni Marcos dahil sa hindi pagsisiwalat na nahatulan siya noong 1995 dahil sa hindi pagbabayad ng income tax mula 1982 hanggang 1985. (Tingnan ang Final decision to bar Bongbong Marcos in 2022 nat’l elections due to tax evasion is on SC – Carpio)

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa isang panayam noong Nob. 4 na “malamang” na magdesisyon ang komisyon sa kaso sa huling bahagi ng Disyembre.

UPDATE: Sa isang sulat sa VERA Files na may petsang Nob. 8, kinilala ng political editor ng One News na si Ed Lingao ang pagkakamali sa ulat ng video. Sinabi niya:

We would … like to acknowledge that Vera Files is absolutely correct in pointing out that Carpio did not file any petition vs. Mr. Marcos. That was clearly an error on our part. […] For this, we apologize to Justice Carpio and to all our viewers, and we resolve to be more prudent in meeting the daily deadlines.

(Gusto naming … kilalanin na tama ang Vera Files sa pagtukoy na si Carpio ay hindi naghain ng anumang petisyon laban kay G. Marcos. Iyon ay malinaw na isang pagkakamali namin. […] Dahil dito, humihingi kami ng paumanhin kay Justice Carpio at sa lahat ng aming mga manonood, at sisikapin namin na maging mas masinop sa pagtupad sa mga araw-araw na deadline.)

Basahin ang buong sulat dito.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

One News official YouTube Channel, Carpio files disqualification case vs. Marcos, Jr., Nov. 2, 2021

OneNews.PH, About Us, Accessed Nov. 5, 2021

Cignal TV, One News, Accessed Nov. 5, 2021

One News official YouTube channel, THE BIG STORY | NOVEMBER 2, 2021, Nov. 2, 2021

One News official Facebook, THE BIG STORY | NOVEMBER 2, 2021, Nov. 2,

One News official Facebook channel, Carpio files disqualification case vs. Marcos, Jr., Nov. 2, 2021

Personal communication with former Supreme court Associate Justice Antonio Carpio, Nov. 5, 2021

One News official YouTube channel, THE CHIEFS | OCTOBER 29, 2021,Oct. 29, 2021

Kapatid, Copy of the petition against Marcos. Jr filed on Nov. 2, 2021, Nov. 2, 2021

Inquirer.net, Can Marcos Jr. be disqualified? | Inquirer Opinion, Oct. 28, 2021

CNN Philippines, Atty. Vic Rodriguez & Comelec spox James Jimenez | The Source, Nov. 4, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.