Sa pagtatama ng pahayag ni Palace Spokesperson Harry Roque na hindi pa naipapasa ng Kongreso ang batas na mag-eexempt sa mga atleta sa pagbabayad ng buwis sa kanilang mga napanalunan, nagkamali si Senate Minority Leader Franklin “Frank” Drilon sa pagsabing ang Republic Act No. 10699, na pinagtibay noong 2015 sa termino ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III, ay nagbigay na ng tax exemption para sa mga napanalunan sa national at international na mga sports competition.
PAHAYAG
Sa isang press release noong Hulyo 30, sinabi ni Drilon:
“The Congress, through RA 10699 which was passed during the Aquino administration, already exempted all prizes and awards granted to athletes from the payment of income tax. It is erroneous interpretations such as Roque’s that create the confusion.”
(Ang Kongreso, sa pamamagitan ng RA 10699 na ipinasa noong administrasyong Aquino, inilibre na sa pagbabayad ng income tax ang lahat ng mga premyo at parangal na ipinagkaloob sa mga atleta. Ang mga maling interpretasyon gaya nang kay Roque ang lumikha ng kalituhan.)
Pinagmulan: Senate of the Philippines, [Press Release] Drilon corrects Duterte mouthpiece: No need for Congress to pass a law to exempt Hidilyn Diaz’s Olympic winnings from income tax, Hulyo 30, 2021
ANG KATOTOHANAN
Ipinagtibay noong Mayo 22, 1992, sa panahon ng panunungkulan ng yumaong Pangulong Corazon C. Aquino, ang Republic Act No. 7549 na na naglilibre sa pagbabayad ng buwis sa “lahat ng mga premyo at parangal” na ipinagkaloob sa mga atleta na lumalahok sa mga lokal o internasyonal na kompetisyon. Ang parehong exemption ay sakop ang mga nag-donate ng premyo na obligado sanang magbayad ng donor’s tax.
Ang RA 10699, o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act of 2015, ay naging batas nga noong termino ni Aquino III. Itinaas lang ng batas na ito ang mga cash prize na ibibigay ng gobyerno sa mga pambansang atleta na nakakuha ng gold, silver, o bronze medals.
Nilagdaan bilang batas noong Nob. 13, 2015, nagbigay ito ng mga pribilehiyo, diskwento, at benepisyo sa mga atleta at coach, aktibo man o retired.
Ang batas na ipinasa noong 2015 ay pinawalang-bisa ang RA 9064, isang batas na pareho ang punto na pinagtibay noong 2001 sa ilalim ng termino ng noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na naggawad sa mga sports medalist ng P10,000 hanggang P5 milyong piso lamang.
Mga Pinagmulan
PTV Philippines, WATCH: Press briefing with Presidential Spokesperson Harry Roque | July 29, 2021, July 29, 2021
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 10699, Nov. 13, 2015
Senate of the Philippines, [Press Release] Drilon corrects Duterte mouthpiece: No need for Congress to pass a law to exempt Hidilyn Diaz’s Olympic winnings from income tax, July 30, 2021
Philippine Sports Commission, Republic Act No. 7549, May 22, 1992
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 9064, April 5, 2001
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)