Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Jay Sonza, RJ Nieto tumutulong sa pagpapalaganap ng maling pahayag na si Drilon ay nakatulog sa panayam ng CNN PH

Pinalakas ng dating broadcaster na si Jay Sonza at blogger na si RJ Nieto, parehong kilala sa kanilang pagiging pro-administration, ang isang maling pahayag na si Senador Minority Leader Franklin Drilon ay nakatulog sa gitna ng isang pakikipanayam sa telebisyon.

By VERA Files

Mar 7, 2020

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Pinalakas ng dating broadcaster na si Jay Sonza at blogger na si RJ Nieto, parehong kilala sa kanilang pagiging pro-administration, ang isang maling pahayag na si Senador Minority Leader Franklin Drilon ay nakatulog sa gitna ng isang pakikipanayam sa telebisyon.

Sina Sonza at Nieto ay parehong may kasaysayan ng paghahatid ng maling impormasyon sa social media.

PAHAYAG

Noong Peb. 27, naging panauhin si Drilon ng programang The Source ng CNN Philippines at pinag-usapan ang pag-renew ng prangkisa ng higanteng media na ABS-CBN. Mga 12 minuto sa 28-minutong-haba na pakikipanayam — habang ang host na si Pinky Webb ay lumilipat sa ibang paksa — si Drilon ay nakita na nakayuko ang ulo sa loob ng limang segundo. Bago ito, at pagkatapos ng sandaling iyon, buong siglang nakikipagusap si Drilon kay Webb.

Ilang sandali matapos ang panayam, mabilis na tinukoy ng mga netizen na “nakatulog” si Drilon sa panayam.

Noong Marso 1, ibinahagi ni Sonza sa Facebook (FB) ang isang 16-segundong clip mula sa pakikipanayam na nagpapakita ng sandali na nakababa ang ulo ni Drilon, na may caption na:

“bastos na bisita. diyoskoday pinky Webb tinulugan ang beauty mo ineng ng resource person mong senador (sic).”

Pinagmulan: Jay Sonza Facebook account, Rude visitor, Marso 1, 2020

Nang sumunod na araw, nag upload si Nieto, na namamahala sa pro-Duterte blog na Thinking Pinoy, ng isang video ng kanyang sarili na nanonood ng viral clip ni Drilon na mula sa opisyal na Youtube channel ng CNN Philippines.

Sa kanyang video, na may pinamagatang “FACT CHECK: DID SENATOR DRILON FALL ASLEEP IN A CNN PHILIPPINES INTERVIEW?,” “kinumpirma” ng blogger na ang senador, sa katunayan, ay “nakatulog ng lima, sampung segundo”:

“Nakatulog siya momentarily (sandali), mga a span of five, ten seconds (lima, sampung segundo). Ngayon, medyo nakakahiya nga ‘yon. Pero feeling (pakiramdam) ko, ano ‘yan, may sakit si Drilon. Baka, ano, narcoleptic, ewan ko. Medyo hindi normal ‘yon eh, kasi, immediately before (agad agad bago) atsaka immediately after (kaagad pagkatapos) nung pagtulog niya, dilat na dilat naman siya. Pero kahit na, nakakahiya pa rin.”

Pinagmulan: Thinking Pinoy Facebook page, FACT CHECK: DID SENATOR DRILON FALL ASLEEP IN A CNN PHILIPPINES INTERVIEW?, Marso 2, 2020

ANG KATOTOHANAN

Hindi nakatulog si Drilon kahit kailan sa panahon ng panayam.

Nakuha ng VERA Files mula sa CNN Philippines ang screen grab ng clip na walang character generator (chargen) — ang graphics na nakalagay sa ilalim na bahagi ng mga video — na nagpapakita na si Drilon ay hindi natutulog, ngunit tumitingin sa mga dokumento sa mesa sa harap niya.

Photo from CNN Philippines

Ito ay naaayon sa pahayag ni Webb sa Twitter, kung saan sinabi niya:

Here’s what happened. As I was laying the premise for my question, I saw Sen Drilon look down at the documents he had on the table. I did not see him fall asleep (Narito ang nangyari. Habang inaayos ko ang premise para sa aking katanungan, nakita ko si Sen Drilon na nakatingin sa mga dokumento na nasa kanya sa mesa. Hindi ko siya nakita na natutulog).”

Pinagmulan: @iampinkywebb, Here’s what happened, Marso 2, 2020

Ang mga FB post nina Sonza at Nieto — na nakakuha ng halos 5,000 at 13,100 interactions mula sa mga netizen, ayon sa pagkakabanggit — ay dalawa lamang sa maraming mga post na nagsagawa ng maling pahayag tungkol sa clip ni Drilon. Ang video na muling na upload ng isang netizen, halimbawa, ay naibahagi ng hindi bababa sa 7,800 beses. Dalawang iba pang mga post, na ginawa ng FB pages na La Solidaridad at Abante Pilipinas, ay nakakuha ng 13,000 at 9,400 na interactions bawat isa.

Tatlong website ang gumamit din ng artikulo tungkol sa isyu — pinoytrendingnews.net, getrealpundit.com, at kamiangmedianidu30.group. Ang lahat ay hindi tama ang pahayag na ang senador ay talagang nakatulog habang iniinterbyu. Ang tatlong ulat ng mga website ay maaaring, sama samang, umabot sa halos 1.6 milyong netizens, at nakatanggap na ng naipon na kabuuang 30,200 interactions, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle.

Hindi ito ang unang pagkakataon na inakusahan si Drilon na natutulog habang nasa gitna ng isang aktibidad. Ang Agence France-Presse, isang international news organization na gumagawa rin ng fact checking, ay dati nang nag-flag ng dalawang piraso ng disinformation na puntirya si Drilon, na maling inakusahan ang senador na natutulog sa gitna ng isang laro ng basketball noong 2018, at habang dumadalo sa pagdinig sa kongreso noong 2019.

 

Mga Pinagmulan

CNN Philippines, The Source: Franklin Drilon, Feb. 27, 2020

Jay Sonza official Facebook account, Rude visitor, March 1, 2020

Thinking Pinoy Facebook Page, FACT CHECK: DID SENATOR DRILON FALL ASLEEP IN A CNN PHILIPPINES INTERVIEW?, March 2, 2020

Pinky Webb Official Twitter Account, “Here’s what happened,” March 2, 2020

Agence France-Presse, No, this Philippine senator did not fall asleep at a major basketball game, Dec. 13, 2018

Agence France-Presse, This photo of a Philippine opposition senator sleeping during a congressional hearing was based on satirical content, Aug. 23, 2019

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.