Matapos ang paulit-ulit na panawagan para sa Mindanao secession sa nakalipas na buwan, sinabi ngayon ni dating pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya itutuloy ang plano. Aniya, “joke” at taktika lamang ito para “takutin” at bigyang pansin ang kalagayan ng katimugang isla, na aniya’y may kasaysayan nang napababayaan.
PAHAYAG
Sa isang press conference sa Davao City noong Peb. 27, sinabi ni Duterte na hindi niya itutuloy ang pagsulong ng paghihiwalay ng Mindanao kung ito ay magdudulot ng “pagkasira” ng republika. Sinabi pa niya:
“Magprangka ako sa inyo (I will be frank with you), this is for all and I would repeat it now and forever: I do not want my country dismembered. I do not want a part of my country taken away. I do not want my country to be disturbed physically, even the slightest. It goes for Luzon hanggang (until) Jolo. ‘Yung nagising ako sa mundong ito (I woke up in this world), Republic of the Philippines, for as long as I live, it will be the same Republic of the Philippines.”
(“Magprangka ako sa inyo, ito ay para sa lahat at uulitin ko ngayon at magpakailanman: ayaw kong magkawatak-taka ang aking bansa. Ayokong maagaw ng isang bahagi ng aking bansa. Ayokong maabala ang aking bansa sa pisikal, kahit kaunti. Gayun din sa Luzon hanggang Jolo. ‘Yung nagising ako sa mundong ito, Republic of the Philippines, habang nabubuhay ako, mananatili itong Republic of the Philippines.”)
Pinagmulan: News5Everywhere, LIVE | Press conference ni dating pangulong Rodrigo Duterte #News5 (February 27, 2024), Peb. 27, 2024, panoorin muna 53:18 hanggang 54:14
Minaliit din niya ang kahalagahan ng dati niyang panawagan na humiwalay ang Mindanao bilang isang “joke” (biro) at taktika para “takutin” at ituon ang atensyon ng “Maynila” sa pagpapabaya sa katimugang isla. Kalaunan hinimok ni Duterte ang mga tao na ihinto ang panawagan para sa secession.
ANG KATOTOHANAN
Sa pagpapahayag ng kanyang pagkadismaya sa umano’y panunuhol sa patuloy na pagsisikap na baguhin ang Konstitusyon, unang inihayag ni Duterte ang ideya na humiwalay ang Mindanao sa Pilipinas sa isang prayer rally noong Enero 28 sa Davao City.
“Gano’n na lang ang tingin niyo sa mga Filipino? Pagka-gano’n maghiwa-hiwalay na tayo. Kayong taga-Luzon, pumunta na lang kayo sa Mindanao. Mag deklara na lang tayo ng independence, hiwalay. Bakit? Binababoy niyo ang bayan natin,” sinabi niya.
Sa isang media briefing noong Enero 30, muling binanggit ni Duterte ang planong ito at sinabing nagpaplano na ang mga lokal na pwersang pampulitika na mag-regroup sa Davao para magtatag ng kilusan para sa kalayaan ng Mindanao. Inihayag niya si Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez bilang pinuno nito.
“May proseso diyan, sa palagay ko sa UN (United Nations), kung saan lilikom ka ng mga pirma sa lahat ng nasa Mindanao, magpirma (sign), beripikahin, susumpaang salaysay, sa harap ng maraming tao, mag desisyon na gusto natin para maghiwalay,” aniya.
Ipinaliwanag pa ng dating pangulo ang planong ito sa panayam kasama si dating presidential adviser Salvador Panelo noong Pebrero 7. Sinabi ni Duterte na layunin ng kilusang ito na makamit ang secession sa pamamagitan ng “mapayapa” at “legal” na paraan.
Gayunpaman, walang malinaw na mga international law o proseso ng UN sa secession.
(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: Mindanao secession: Is it possible under Philippine, international laws and UN process?)
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Rody Duterte Facebook Page, PRAYER RALLY, Jan. 28, 2024
Sonshine Media, LIVE: Former President Rodrigo Duterte speaks to the media in Davao City | January 30, 2024, Jan. 30, 2024
DZRJ 810 AM – Radyo Bandido, ?????? ?????? Hosted by Atty. Sal Panelo – February 07, 2024, Feb. 7, 2024
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)