Inilarawan ang kanyang sarili bilang isang “retirado” na pulitiko, sinabi kamakailan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya tatakbo para sa anumang posisyon sa 2025 midterm elections. Ito ay isang pagbawi sa kanyang pahayag noong Nobyembre 2023 nang banggitin niya ang pagtakbo para sa alinman sa Senado o pagka-bise presidente.
PAHAYAG
Sa isang press conference noong Enero 7, tinanong ng isang reporter ang dating chief executive kung tatakbo siyang muli sa pagka-alkalde ng Davao City sa darating na halalan. Sumagot si Duterte:
“Wala na. Wala na ako… I’m telling you the truth, wala na ako… Hindi ko na kaya… Kasi ginusto ko man, hindi na kaya ng katawan ko.”
(“Wala na. Wala na ako… Sinasabi ko sa inyo ang totoo, wala na ako… Hindi ko na kaya… Kasi ginusto ko man, hindi na kaya ng katawan ko.”)
Pinagmulan: Bangon Pilipinas YouTube Channel, LIVE PRESSCON WITH FORMER PRES. RODRIGO DUTERTE, Enero 7, 2024, panoorin mula 25:11 hanggang 25:47
ANG KATOTOHANAN
Ito ay isang pagbabago sa naunang pahayag ng dating pangulo tungkol sa kanyang mga plano sa halalan sa susunod na taon. Bilang reaksyon sa mga alingawngaw ng isang impeachment case laban sa kanyang anak na babae, si Vice President Sara Duterte, noong Nobyembre kasunod ng kontrobersya na kinasasangkutan ng mga confidential funds ng DepEd, sinabi ng 78-anyos na si Duterte:
“Alam mo ba ‘pag ginawa niyo ‘yan (impeachment) babalik ako sa pulitika. Mapilitan ako; either I run for senator or I run for vice president maski matanda na ako. […] I do not lose anything. I’m retired, pero pagka magdating ‘yan [at] buhay pa ako, ‘pag wala pa akong dementia, tatakbo akong vice president.”
(“Alam mo ba ‘pag ginawa niyo ‘yan (impeachment) babalik ako sa pulitika. Mapilitan ako; tatakbo ako kung hindi senator, vice president maski matanda na ako. […] Walang mawawala są akin. Retirado ako, pero pagka magdating ‘yan [at] buhay pa ako, ‘pag wala pa akong dementia, tatakbo akong vice president.”)
Pinagmulan: ROTC PH Facebook Page, Dahilan kung bakit galit na galit ang congress sa SMNI Gikan Sa Masa Para Sa Masa! (Nob. 20, 2023), Dis. 16, 2023, panoorin mula 2:00:22 hanggang 2:01:45
Hindi ito ang unang pagkakataon na binago ni Duterte ang kanyang mga plano sa pulitika. Habang nasa puwesto noong Oktubre 2021, inihayag ni Duterte ang kanyang pagreretiro sa pulitika oras na matapos ang kanyang termino.
Makalipas ang isang buwan, naghain siya ng kanyang certificate of candidacy (COC) para senador, ngunit umatras noong Disyembre 14, ilang oras pagkatapos umatras sa pagtakbo para sa panguluhan ang kanyang gustong kahalili, ang kanyang long-time aide na si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go. Plano na niyang tumakbo bilang bise presidente bago nangyari ito.
(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte mula sa pagiging VP nag isip ng ‘retirement’ hanggang VP napunta sa pagiging senador)
Habang si Duterte ay mayor ng Davao City, paulit-ulit niyang itinanggi ang mga planong tumakbo para sa pagkapangulo sa 2016 national elections. Naghain siya ng kanyang COC para sa pagkapangulo noong Nob. 27, 2015 bilang kapalit ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan presidential bet Martin Diño, na nag-withdraw ng kanyang kandidatura.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
ROTC PH Facebook Page, Dahilan kung bakit galit na galit ang congress sa SMNI Gikan Sa Masa Para Sa Masa! (Nov. 20, 2023), Dec. 16, 2023
Duterte denies running for prexy
- Philstar.com, Duterte denies he will run for president, Feb. 27, 2015
- CNN Philippines, Duterte denies, again, plan to run for president, April 3, 2015
- ABS-CBN News, Duterte says sorry, won’t run for president, Oct. 12, 2015
Duterte files COC for presidency
- Inquirer.net, Duterte makes presidential bid official, files COC, Nov. 27, 2015
- Philstar.com, It’s official: Duterte files COC for president But can he run?, Nov. 27, 2015
- ABS-CBN News, It’s official: Duterte files COC for president, Nov. 27, 2015
Martin Diño withdraws from presidential bid
- GMA News Online, Martin Diño withdraws candidacy for president, names Duterte as substitute, Oct. 29, 2015
- Manny Piñol Official Facebook Page, DIÑO WITHDRAWS COC; ASKS DUTERTE TO RUN, Oct. 29, 2015
ABS-CBN News, Duterte substitution was party’s decision: Dino, Oct. 30, 2015
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)