Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Duterte gumawa ng tatlong maling pahayag tungkol sa ICC

Nagbitaw si Pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong maling pahayag tungkol sa International Criminal Court sa isang talumpati sa Papua New Guinea.

By VERA FILES

Nov 24, 2018

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Nagbitaw si Pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong maling pahayag tungkol sa International Criminal Court (ICC) sa isang talumpati sa Papua New Guinea.

PAHAYAG

Sa harap ng komunidad ng mga Pilipino isang araw bago ang pulong ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders, sinabi ni Duterte:

“Narinig ninyo na idinemanda … ICC kasi imbestigahin daw ako.”

Pinagmulan: PCOO, Pangulo Rodrigo Duterte, Speech before the Filipino community in Papua New Guinea, Nob. 16, 2018, panoorin mula 42: 56-43: 05

Tinutuya si ICC prosecutor Fatou Bensouda, sinabi ng presidente:

“Tapos ‘yung putot na itim na prosecutor nila nandiyan sa Manila, sige pa-press con kay magsisimula siya … Sabi ko ikaw putota ka bantay’ pag nakita kita sampalin kita.”

Pinagmulan: panoorin mula 43: 08-43: 23

Sinabi rin niya:

“Hindi ko kinikilala ang ICC. Ito ay isang paglikha ng EU. ”

Pinagmulan: panoorin mula 43:45-43:33

ANG KATOTOHANAN

Nagkamali si Duterte sa tatlong bagay.

Una, wala pang nakabinbin o umiiral na pagsisiyasat ng ICC sa ngayon.

Sinabi mismo ni Bensouda sa isang pahayag noong Peb. 8 na susuriin niya ang mga katibayan tungkol sa mga pinaghihinalaang krimen na ginawa ng gobyerno ng Pilipinas sa giyera nito laban sa droga:

“Binibigyang-diin ko na ang isang paunang pagsusuri ay hindi isang imbestigasyon.”

Pinagmulan: ICC, Statement on opening Preliminary Examinations into the situations in the Philippines and in Venezuela, Peb. 8, 2018

Ang paunang pagsusuri ay isang proseso upang matukoy kung may makatwirang batayan para magtuloy sa isang imbestigasyon.

Ikalawa, hindi bumisita si Bensouda sa Manila taliwas sa pahayag ni Duterte.

Habang ang kanyang opisina ay maaaring magsagawa ng mga field mission sa panahon ng paunang pagsusuri, walang lehitimong tanggapan ng media o ahensiya ng gobyerno ang nag-ulat na siya o sinumang miyembro ng ICC ang gumawa nito.

Panghuli, inulit ng pangulo ang kanyang maling pahayag na European Union ang lumikha sa ICC. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK; Duterte FALSELY CLAIMS the EU created the ICC)

Ang hukuman ay isang independiyenteng institusyon na itinatag noong 1998 sa pamamagitan ng Roma Statute, isang internasyonal na kasunduan ng 123 estado; nilagdaan ng Pilipinas ang kasunduan noong Dis. 28, 2000, at pinagtibay ito noong Agosto 30, 2011.

Ang ICC ay nagiimbestiga, nag-uusig at naglilitis ng mga indibidwal na akusado ng genocide, mga krimen laban sa sangkatauhan, mga krimen sa digmaan at mga krimen ng agresyon.

BACKSTORY

Ang pamahalaan ng Pilipinas ay tumiwalag sa ICC noong Marso, di-nagtagal pagkatapos ipahayag ni Bensoudaan ang kanyang paunang pagsusuri.

Tinawag naman ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang pag-withdraw ng bansa bilang isang “ma-prinsipyong paninindigan laban sa mga namumulitika at gumagamit ng karapatang pantao bilang armas.”

Sa ilang mga okasyon, si Duterte ay nagsabing ang hukuman ay walang hurisdiksyon sa Pilipinas dahil ang pagpapatibay ng bansa ng Roma Statute ay hindi nailathala sa Official Gazette o anumang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.

Mga pinagkunan ng impormasyon:

International Criminal Court, Policy Paper on Preliminary Examinations, November 2013

ICC, Statement of the Prosecutor of the International Criminal Court, Mrs. Fatou Bensouda, on opening Preliminary Examinations into the situations in the Philippines and in Venezuela, Feb. 8, 2018

ICC, Preliminary Examinations: The Philippines, Retrieved Nov. 21, 2018

United Nations, Rome Statute of the International Criminal Court: Philippines Withdrawal, March 19, 2018

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.